Taos-pusong Serbisyo: tatak ng Lunsod ng Bacoor....salamat kay Nolasco S. Espiritu at Jessica S. Sarino
Posted on Thursday, 1 October 2015
Taos-pusong
Serbisyo : tatak ng Lunsod ng Bacoor
(…salamat
kay Nolasco S. Espiritu at Jessica S. Sarino)
ni Apolinario Villalobos
Matagal ko nang narinig ang magagandang
kuwento tungkol sa mga nagtatrabaho sa City Hall ng Bacoor. Sinasabi nilang iba
ang pakiramdam kapag nasa loob ka na ng bulwagan dahil halos lahat ng mga
kawani ay handang sumagot nang walang pagkayamot sa mga tanong. Mararamdaman
daw talaga ang taos-pusong pag-asikaso ng mga empleyado sa lahat ng may
nilalakad sa City Hall.
Akala ko ay hanggang kuwento lang ang
maririnig ko, hanggang sa madanasan ko rin ang sinasabi nilang kakaibang
serbisyo nang minsang may nilakad akong mga papeles. Dahil sa kalituhan,
pumasok ako sa kuwarto ng mga kawani sa halip na magtanong sa naka-assign sa
counter. Mali na ako doon dahil kailangan ko palang kumuha ng number sa
Information Desk. Ganoon pa man, pagpasok ko sa kuwarto, ang una kong nakausap
ay hindi nag-atubili sa pagbaba muna ng hawak na dokumentong binabasa upang
abutin naman ang mga dokumentong hawak ko. Matiyaga niyang binasa ang iniabot
ko at pagkatapos ay sumangguni rin sa isa pang kawani. Magkatulong silang
nagpaliwanag sa akin tungkol sa hawak kong mga dokumento – sa napakamahinahong
paraan, na aaminin kong noon ko pa lang naranasan.
Parehong halos umapaw sa mga nakasalansang
dokumento ang mesa ng dalawang nakausap ko, na ibig sabihin ay “hanggang leeg”
ang kanilang ginagawa. Sa kabila ng ganoong kalagayan, nangako pa rin sila na
maaasikaso agad ang nilalakad ko. Ang pagkakamali ko ay humirit pa ako ng
pakiusap na baka pwede akong maghintay. Lumabas tuloy na hindi ko sila inunawa
sa kabila ng nakatambak nilang trabaho. Sa halip na mainis sa ginawa ko ay
malumanay pa rin silang nakiusap na bumalik ako kinabukasan. Ni hindi nila
binanggit ang sangkaterbang dokumentong unang naipila sa kanilang mesa.
Nagulat ako nang malaman kong ang una ko
palang nakausap ay mismong hepe ng departamento ng Assessor’s Office, na si G.
Nolasco S. Espiritu. Humanga ako sa kanya dahil hindi man lang niya ako
ini-refer sa isa sa mga staff niya. Ang kinausap naman niyang nakaupo sa harap
niya ay si Bb. Jessica S. Sarino, Assessment Clerk III. Pareho silang
maaliwalas ang mukha sa kabila ng sangkaterbang dokumentong kailangang
asikasuhin, kaya nawala ang lahat ng agam-agam ko na baka mahirapan ako sa
pagkuha ng kailangan kong dokumento. Napatunayan ko ang kanilang katapatan sa
binitiwang pangako dahil kinabukasan ay nakuha ko rin ang dokumento.
Malaking bagay para sa kliyente ng isang
opisina, ma-gobyerno man o ma-pribado, ang malumanay na pag-asikaso sa kanyang
pangangailangan. Naipapakita ito ng empleyado sa pamamagitan ng maaliwalas na
mukha at pakikipag-usap na may halong pang-unawa. Hindi maiwasan ng mga
kliyenteng magkaroon ng pag-alinlangan at agam-agam sa maaaring mangyari sa nilalakad nilang
dokumento. Kaya ang malinaw at malumanay na paliwanag na ginawa nina G.
Espiritu at Bb. Sarino ay nakatulong ng malaki upang mawala ang aking
pag-alinlangan at naramdamang kaba.
Sa isang banda naman, hindi ko maiwasang bigyan ng pansin, na sa
kabila ng masikip nilang kalagayan, maliksi pa rin sa pagkilos ang mga
empleyado. Mabuti na lamang at magkakaroon na rin sila ng maluwag na opisina sa
bagong City Hall ng lunsod na nasa Molino Boulevard, pagkalampas lang ng St.
Dominic Hospital. Ito ang magiging pamana ni mayor Strike Revilla sa mga
taga-Bacoor, sa pagtatapos ng kanyang panunungkulan.
Ang mga katulad nina G. Espiritu at Bb.
Sarino ay dapat tularan ng mga nagtatrabaho sa gobyerno, lalo pa at sa panahon
ngayon ay sunud-sunod ang mga pagbatikos na nangyayari sa kanila. Idagdag pa
diyan ang hindi magandang imahe ng kasalukuyang administrasyon, kaya nadadamay
ang ibang maganda naman ang ginagawa. Sa isang bagong lunsod tulad ng Bacoor na
may makulay at madugong kasaysayan kaya nakakahatak ng mga turistang lokal at
dayuhan, mahalaga ang isa o ilang tatak na magbibigay ng alaala. Sa ginawa nina
G. Espiritu at Bb. Sarino, ang tumatak sa aking isip ay ang taos-puso nilang
pagtupad ng kanilang tungkulin…na magiging tatak na rin ng lunsod ng Bacoor.
Discussion