Ang Eat Bulaga Magpapatayo ng mga Aldub Library sa Buong Bansa...pero ang Gobyerno ay Hindi, Hinayaan pang "Mababoy" ang mga Textbook
Posted on Saturday, 24 October 2015
Ang
Eat Bulaga Magpapatayo ng Mga Aldub Library sa Buong Bansa
…pero
ang Gobyerno ay Hindi, Hinayaan pang “Mababoy” ang mga Textbook
Ni Apolinario Villalobos
Nagsimula ang adbokasiya ng Eat Bulaga sa
pagtulong sa mga estudyante at mga paaralan nang magsagawa sila ng “basura para
sa silya”, isang proyekto na tungkol sa pag-ipon nila ng mga plastic na bote
mula sa mga komunidad na sumasali sa mga pakontes. Ang napagbentahan naman ay
ibinibili nila ng mga armchair para sa mga estudyante. Sinundan ang proyektong
ito ng isang nakakagulat na kalye seryeng “Aldub”, dahil makalipas lamang ang
ilang linggo ay nanguna na sa viewership at bilang ng twits na umaabot ng
milyones – sa buong mundo.
At marami uli ang nagulat nang ang climax
series ng kalye seryeng tinagurian “Sa Tamang Panahon” ay ginawa sa Philippine
Arena, Oktubre 24, 2015, at ang nalikom na pera ay ipagpapatayo ng mga library
para sa maliliit na paaralan lalo na sa mga liblib na lugar, subalit
babahaginan din ang mga nasalanta ng hagupit ng bagyong Lando. Mula sa puso ng
mga fans ang bawat sentimong ibinahagi nila para sa proyekto, sila na
tinaguriang “Aldub Nation”.
Simple lang naman ang gagawin ng Eat Bulaga
– magpapatayo ng mga library at lalagyan ng mga ido-donate na mga libro. Kung
hahatiin ang mahigit ng konti sa sampung milyon na nasabi nang naipon, marami na ring library ang maipapagawa kung
tatantiyahen ang isang gusaling magkakahalaga ng hindi bababa sa Php300,000 –
labor at materyales. Sa liit ng halagang kailangan, bakit hindi ito magawa ng
gobyerno? Samantala, naglalaan pa ito ng milyones para sa mga proyektong drowing
lang pala, dahil ang inilaang badyet ay hinayaan lang na manakaw.
Nakita ng Eat Bulaga ang kahalagahan ng
edukasyon kaya gumawa ito ng proyektong makakatulong ng malaki sa mga
estudyante, lalo na ang mga nasa liblib na lugar – mga library na paglalagakan
ng mga librong napakahalaga upang makalinang ng dunong ang isang bata. Ang
nakita naman ng mga tiwali sa gobyerno ay oportunidad na makapagnakaw sa mga
proyekto kahit na ito’y sobrang pangangailangan ng mamamayan. Hinayaan pa ng gobyernong mababoy ang mga
textbook na ginawang negosyo ng mga nagsabwatang publishers at mga opisyal ng
pamahalaan na may kinalaman sa edukasyon. Kung ano-anong mga libro ang mga
pilit na pinapagamit sa mga bata, kaya kung pumasok ang mga ito ay animo
magbabakasyon sa malayong lugar dahil halos malita na ang hila-hila sa
pagpasok.
At ang masakit, pagkalipas ng isang school
term, lipas na rin ang kahalagahan ng mga librong ginawang “workbooks” dahil
ang mga tanong sa mga bandang hulihan ng mga tsapter ay pinagsasagot ng mga
gumamit na esudyante, kaya hindi na maaaring gamitin ng nakakabatang kapatid o
ibang walang kayang bumili ng mga libro.
Talagang bantad o walang hiya na ang mga
opisyal ng gobyerno dahil sa kabila ng nakikitang mga kaganapan na maaari
nitong tularan tulad ng mga proyekto ng Eat Bulaga ay dedma lang sila… na para
bang nagsasabi pa ng “pakialam namin sa inyo”. Kungsabagay, bakit pa ba sila
mamumrublema kung namumutok na sa pera ang kanilang bulsa?
Discussion