0

Ang Mga Tirang Pagkain Pagkatapos ng New Year

Posted on Tuesday, 3 January 2017

ANG MGA TIRANG PAGKAIN
PAGKATAPOS NG NEW YEAR
Ni Apolinario Villalobos

Ang mga tirang pagkain sa halip na itambak sa kainan ng aso o pusa na hindi naman nila nauubos ay pwedeng ilagay sa freezer. Diyan magagamit ang kapakinabangan ng mga ni-recycle na plastic containers o bags na naitabi natin pagkatapos linisin. Kahit isang platitong pansit lang ang natira ay pwedeng itabi at pwedeng ihalo sa sinangag na kaning natira din at inilagay pa rin sa freezer o di kaya ay gawing lumpiang prito. Ang mga kakaning gawa sa malagkit kaya tumitigas kinabukasan ay pwede ring ilagay sa freezer at kung gustong kainin uli ay pwedeng isapaw sa sinaing kung walang oven toaster. Ang mga gulay na ginawang pandekorasyon ay pwede ring ilagay sa freezer o di kaya ay igisa upang maging “sawsawan”. Dapat alalahaning ang mga natirang pagkain ay hindi nakalalason basta hindi lang panis.

Ang paraan ng pagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga biyayang natanggap natin ay hindi lang sa pamamagitan ng dasal, kundi pati na rin sa pagiging masinop at maingat sa mga ito, sa halip na maging palamara sa pagtapon ng mga labis na pagkain.

Ano kaya ang mararamdaman mo kung nakita mo sa basurahan ang ibinigay mong pagkain sa isang kapitbahay na halos hindi nabawasan o di kaya ay sa kainan ng kanilang aso? Sa inis mo, siguradong hindi ka na uulit sa pagbigay. Ganyan din siguro ang dahilan kung bakit abut-abot ang mga kalamidad na nadadanasan natin dahil hindi tayo maingat sa mga biyayang ibinigay sa atin. Dahil sa mga bagyo at baha ay apektado ang pagtanim ng palay at gulay, pati ang mga isdang nahuhuli sa ilog at dagat.

Ang mga bagay sa mundo ay hindi dapat abusuhin, kasama na diyan ang pagkain. Hindi dapat pa-pilosopong sabihin ng iba na okey lang magtapon ng tirang pinakbet, halimbawa, dahil nakakapitas naman uli ng gulay sa likuran ng bahay o nakakahingi uli sa kapitbahay. Pero, hindi nila naisip na ang pinitas na talbos o dahon mula sa tanim ay kawalan nito ng mga bahagi na dapat ay nakakatulong sa paggawa ng pagkain ng buong halaman, mula sa sikat ng araw. Kung palagi namang bibili sa palengke ng mga iluluto dahil hindi nagtatabi ng natirang pagkain, siguradong lalaki ang “demand” sa mga ito, kaya tataas ang presyo, bukod pa diyan ang panahong nagugugol sa pagpunta sa palengke at perang nagagastos.

Kapag tumaas ang mga presyo ng bilihin at ang suweldo ay hindi naman, ang tawag diyan ay “trahedya dahil sa kahangalan ng tao”. Ang lakas ng loob nating magreklamo gayong may kasalanan din pala tayo!


Discussion

Leave a response