0

Ang Proposed Unified Identification System at Mahinang Priority System ng Gobyerno

Posted on Friday, 13 January 2017

ANG PROPOSED UNIFIED IDENTIFICATION SYSTEM
AT MAHINANG PRIORITY SYSTEM NG GOBYERNO
Ni Apolinario Villalobos

Ang matagumpay na pagka-hack ng data base ng COMELEC ay patunay na hindi uubra ang unified ID system sa Pilipinas. Samantala, ang hirap sa mga nagsusulong nito, bulag sila sa katotohanang marami pa ring agency ang hindi konektado sa isa’t isa sa pamamagitan ng telepono man lang. Ang ilan sa kanila ay hindi rin konektado sa kani-kanilang mga sangay, kaya’t nagtitiyaga na lang sa pagmimintina ng localized information archive. Bakit hindi nila unahin ang “maliliit” na DAPAT gawin bago “mangarap” na gumawa ng malaki? Dahil ba gusto lang gayahin ang ginagawa ng mga mauunlad na bansa…o baka naman may “malaking” dahilan!

Paano magiging makatotohanan ang pangarap na ito kung ang serbisyo nga lang ng mga service providers o TELCOs ay palpak kaya mahina ang signal na nasasagap ng mga computer at cellphone? Paano makakapag-download ng impormasyon, halimbawa, tungkol sa isang may-ari ng ID kung mahina ang signal kaya hindi makakakonek agad ang isang ahensiya na nasa probinsiya sa central file na nasa Head Office naman nila sa Manila?! At, dahil diyan, paano na ang kanyang transaksyon na mabibitin?....sorry na lang?

Dapat ding tanggapin ang katotohanang sa Pilipinas ay naglipana ang mga kawatan na animo ay mga buwitre na nag-aabang ng mga pagkakataon. Sa Pilipinas ay maraming hackers na naggu-goodtime lang basta lang nangha-hack para patunayan na kaya nila. Dahil diyan, nakakahiyang aminin na marami nang government agencies ang na-hack. At, halimbawa lang na matupad ito, siguradong maraming mga Pilipinong nakatira sa mga liblib na bayan at probinsiya ang hindi makakapag-transact sa iba’t ibang ahensiya dahi siguradong aabutin ng siyam-siyam bago nila matanggap ang ID nila. Ito pa….kung ang cedula nga ay napepeke, ang ID pa kaya?

Ang driver’s license  at plaka ng sasakyan ay inaaabot ng kung ilang taon bago mai-release. Isama na diyan ang SSS ID na pinipilit ng ahensiyang ipadala sa address ng nag-apply…paano kung sa ilalim ng tulay siya nakatira?...paano kung ang may-ari ng “care of” na address ay nakaaway ng may-ari ng ID? Kaya tuloy hanggang ngayon ay marami pa ring nakapag-apply na ng ID ang hindi pa nakakatanggap nito…huwag naman sanang mangyari na itinapon na ng messenger ng courier agency dahil hindi niya mahagilap ang address. Ang bayaran kasi sa delivery ay “per item delivered”. Alam ko yan dahil naging biktima ako. Wala ako sa bahay nang may idineliber na nakasobreng dokumento, pero alam kong dapat ay pumirma ako sa “receipt” na malamang ay naka-staple sa sobre dahil nakita ko pa ang bala ng stapler sa envelop! Malamang ay pinirmahan na ng gagong messenger ang “receipt” para palabasing nadeliber nga niya ito sa akin, ganoong isiningit lang sa siwang ng gate! Ganyan katindi ang sistema sa Pilipinas kaya pati delivery ng ID ay nadamay…kaya, paano kung unified ID na ang ide-deliver!

Sa kabila ng napakaraming simpleng pangangailangan na dapat asikasuhin para sa mga Pilipino, ay kung bakit ang mga hindi pa napapaghandaang mga bagay ang gustong ipanukala ng mga akala ko ay “matatalino” sa gobyerno. Sa madaling salita, walang mainam na priority system ang gobyerno…at ang mga plano, kalimitan ay sabog…palpak!

Sa Pilipinas, pati ang cellphone numbers ay binebenta, kaya may nagra-raket na kunwari ay may binibenta o nagri-recruit at pinipilit na humingi ng cellphone number ng prospect na client. Binibenta ang mga numero sa mga nangra-raket at sa mga makukulit na marketing agencies kaya magugulat na lang ang isang tanga na nagbigay ng numero niya sa mall kung may tumawag sa kanya nang sunud-sunod pero hindi niya kilala. Paano kung unifed ID number ng mga tao ang nanakaw?

Sana naman ang mga kurakot sa gobyerno na gusto lang kumita sa proyektong ito ay magpahinga naman sa kanilang pagnanakaw dahil ang isang bansang tulad ng Pilipinas ay HINDI PA HANDA sa unified ID system…tapos!


Discussion

Leave a response