0

Ang Iba't ibang Uri ng Kahirapan

Posted on Saturday, 28 January 2017

ANG IBA’T IBANG URI NG KAHIRAPAN                                                        
Ni Apolinario Villalobos

Nakakakita na ngayon ng iba’t ibang uri ng kahirapan dahil sa internet. I-google search lang image of poverty o slums ay lalabas na ang mga larawan. Subalit iba ang aktuwal na nakikita…iba ang epekto. Dahil sa mga karanasan ko, masasabi ko na ang kahirapan ay mayroong iba’t ibang uri or mukha, tulad ng sumusunod:

·        Mga nakatira sa bangketa at kariton na palipat-lipat
·        Mga nakatira sa iskwater pero ang bahay ay pinagtagpi-tagping karton
·        Mga nangungupahan ng maliit na kuwarto
·        Mga nangupahan ng maliit na bahay pero walang permanenteng kita

Hindi lahat ng naghihirap ay nanlilimahid ang ayos. Kahit ang mga nakatira sa bangketa o kariton ay nagpipilit na maging malinis. Ang mga hindi naglilinis ng katawan kaya nanggigitata dahil sa animo ay “grasa” na naghalong pawis at alikabok ay ang mga nawalan ng katinuan ng pag-iisip dahil nalipasan ng gutom. Nakakabili na kasi ngayon sa ukayan ng mga damit sa halagang Php10 kaya kahit naghihirap na namamasura ay may kakayahang bumili.

May nai-blog ako noong mag-ina na ang nanay ay nagtitinda sa bangketa at doon na rin siya natutulog nang nakaupo. Ang anak namang dalagita na nag-aaral sa kolehiyo ay sa maliit na kuwartong inupahan nila sa di kalayuan. Sa sobrang liit ng kuwarto na 6feet by 10feet, halos mapuno na ito ng mga gamit nila. Halos hindi na rin makagalaw ang anak na babae sa loob ng kuwarto kung siya ay magbibihis. Single mom ang nanay.

Ang nakakabilib ay malinis ang ayos ng mag-ina, makinis ang kutis ng anak dahil alaga niya ang kaniyang katawan, lalo pa nga at siya ay estudyante, kahit wala siyang ginagamit na pampakinis ng balat. Kinunan ko sila ng retrato pati ang inuupahang maliit na kuwarto at ang puwesto nila sa bangketa.

Sa halip na matuwa dahil sa kuwento ng buhay nila na puno ng pagsisikap, ang isang kaibigan na nakakabasa ng blogs ko at madalas magpadala ng tulong ay nagtanong kung talaga bang naghihirap sila dahil “mukha namang maayos ang kanilang hitsura”….na ikinabigla ko dahil marami akong ini-post na larawan pati ang kuwarto at puwesto sa bangketa. Para bang hindi nag-iisip ang kaibigan ko. Ang gusto yata niya, basta mahirap, dapat ay nanlilimahid na o marumi ang katawan at yan ang dapat batayan sa pagbigay ng tulong. Ibig sabihin, kung “maayos” ang hitsura ay hindi na deserve ang tulong. Ang mga sumunod na padala ng kaibigan ko ay hindi ko na tinanggap.


Maraming taong tulad ng nabanggit kong kaibigan. Sila yong naghahanap ng kadamay sa kanilang pagdurusa. Dahil sila ay nalulungkot, ang gusto nila ay malungkot din ang mga kaibigan nila o ibang tao. May problema sa buhay ang kaibigan ko…iniwan ng asawa dahil sa kayabangan kaya mahilig mamintas o manglibak. Nang marinig ng asawang nilibak nito ang magulang niyang “no read, no write” iniwan siya at binitbit pa ang kanilang mga anak!

Discussion

Leave a response