Ang Vatican at Pilipinas...Ngayon
Posted on Friday, 13 January 2017
Ang Vatican at Pilipinas...Ngayon
Ni Apolinario Villalobos
Ang Vatican ay merong Santo Papang
mapagpakumbaba, piniling tumira sa apartment sa halip na sa marangyang
“palasyo” ng Vatican, at ang mga kasabay na kumain ay ang mga ordinaryong pari
na bumibisita sa Vatican. Hindi maganda ang mga kuwento tungkol sa kanyang
nakaraan, kasama na diyan ang pagtrabaho niya bilang bouncer sa isang
bahay-aliwan. Marami din siyang nakabanggang nakatataas sa kanya nang siya ay
naging pari hanggang sa maging Obispo. Sa simula pa lang ng pag-upo niya bilang
Santo Papa, nagbanta na siyang lilinisin niya ang simbahang Katoliko na ang
korapsyon at iba pang eskandalo ay pilit na itinago sa mahabang panahon.
Hanggang ngayon ay tinutuligsa niya ang mga animo ay demonyo na nakasuot ng
sotana at nagpapanggap na mga “ama” ng komunidad, ganoong mayroon palang mga
minumulestiya. Nanawagan siya sa mga ito na lisanin na ang simbahan upang hindi
madamay ang mga matitino, subalit matitigas ang ulo nila dahil siguro hindi
nila maiwanan ang karangyaang INI-ENJOY nila.
Ang Pilipinas ay mayroon ngayong Rodrigo
Duterte na umaming madilim ang kanyang kahapon bilang estudyante dahil
pumapasok siya sa klase maski nakainom. Wala sa mga naging classmate niya ang
nakaalala na nagpakita siya ng katalinuhan. Pati ang isang propesor niya noon
na ininterbyu ay umaming hindi niya maalalang naging estudyante niya si Duterte,
ganoong nababanggit siya nito (Duterte) sa mga talumpati. Nang maging mayor ng
Davao city, ang lunsod ay biglang tumino dahil nawala ang mga NPA at drug
dealers na nakatira sa mga depressed areas lalo na sa Agdao kaya tinawag ito
noon na “Nicaragdao”. Matindi ang pagbatikos ni Duterte sa mga tiwali sa
gobyerno na bahagi ng mga dahilan kung bakit namayagpag ang problema sa droga.
Ang dalawang lider ay parehong binabatikos
ng mga ayaw magbago o tumanggap ng pagkakamali. Pareho rin silang nagpahayag ng
pagtanggap ng kanilang kapalaran nila kung sakaling hindi sila umabot sa
itinakdang panahon. Si pope Francis ay nagpahayag noon na baka mag-retire siya
ng maaga upang mabigyan ng pagkakataon ang ibang Obispo na maging lider ng
simbahang Katoliko, at si Duterte naman ay nagsabing handang bumaba kung magawa
agad ang bagong porma ng gobyerno na Pederalismo. Sa madaling salita, pareho
silang hindi ganid o sakim sa kapangyarihan.
Ang Vatican ay isang maliit na lunsod sa
loob ng Italya pero nirerespeto ng mga makapangyarihang bansa. Ang Pilipinas
naman ay isang maliit ding bansa, watak-watak pa dahil ang kabuuhan nito ay
kinabibilangan ng mga isla, subalit dahil kay Duterte, kahit papaano ay
nasapawan ng imahe niya ang nakasanayang pagtukoy dito na bansang korap. Kung
noon ang Vatican at Pilipinas ay nilibak dahil sa mga katiwalian, ngayon sila
ay nirerespeto ng buong mundo!
Discussion