Mga Dapat Pasalamatan tuwing Bertdey
Posted on Friday, 6 January 2017
MGA DAPAT PASALAMATAN TUWING BERTDEY
Ni Apolinario Villalobos
Ang hirap sa karamihang nagbi-bertdey,
pagsapit ng araw, inuuna ang blow-out para sa mga barkada at kasama sa opisina.
Hindi man lang naaalalang mag-iwan ng maikling pasasalamat sa bahay para mabasa
ng nanay at tatay nila, lalo kung ang magulang ay “single”. Ni hindi man lang
makapag-text sa magulang upang magpasalamat. Pag-uwi nila ay lashing pa!
Maliban sa Diyos at magulang ay may iba
pang dapat pasalamatan – tao at pagkakataon, tulad ng mga sumusunod:
·
Kayong ipinanganak sa taxi,
dapat ay magpasalamat sa taxi driver na tumulong, lalo na kung hinubad nito ang
kanyang damit upang ipambalot sa inyo hanggang maihatid kayo sa ospital nang
hindi siningil ng pamasahe ang inyong tatay at nanay o nanay lang kung single
siya.
·
Kayong ipinanganak sa LRT,
dapat magpasalamat sa nurse, guwardiya at janitor na nagkumahog upang mailabas
kayo sa mundong ito.
·
Kayong ipinanganak sa bangketa,
dapat ay magpasalamat sa mga nagtitinda ng sigarilyo na tumulong sa mga
magulang mong nataranta, upang madala kayo sa bahay paanakan o klinika.
·
Kayong mga ipinanganak sa
Fabella dapat ay palaging ipagdasal ang tuloy-tuloy na trabaho ng mga nurse
dahil sa pagkabuwag nitong paanakan.
·
Kayong mga inabandona ng walang
kaluluwang nanay sa CR, dapat magpasalamat sa janitor o janitress na nakakita
sa inyong nagkakawag sa basurahan o di kaya ay halos nalulunod sa inudoro,
nagdampot sa inyo at nagdala sa opisina.
·
Kayong inabandona sa basurahan
at nakita ng scavenger at nagdala sa barangay center, maliban sa pagpasalamat
sa mga taga-barangay na nag-ambag upang maibili kayo ng gatas, dapat ay
magdasal din para sa scavenger na sana ay nakakita na ito ng trabaho sa halip
na magpagamit sa mga tiwaling pulis sa pagbenta ng droga.
·
Kayong ipinanganak ng nanay
nang walang alalay, dapat magpasalamat dahil walang mga pusang umaali-aligid
nang lumabas kayo at nawalan ng malay ang inyong nanay dahil sa pagod…… dahil
baka tinangay na nila kayo ng mga at nilapang!
Kung nagdududa ka dahil ikaw ay kulot at
maitim, ibang-iba sa mga kapatid mong tisay at tisoy, dapat magtanong ka na sa
nanay at tatay mo upang malaman ang katotohan dahil may nangyayaring “salisihan”
sa buhay. Huwag basta maniwalang ipinaglihi ka sa ulekba, pusit, o century egg.
Kung mahal ka ng magulang at mga kapatid mo, wala kang problema, pero kung
hindi, mag-research ka na!
Ang bertdey ay hindi lang para sa kainan at
inuman na itinatanim sa isip ng mga kabataan kaya kapag nagkataong kahit pansit
ay wala sa hapag kainan kung bertdey nila ay nagtatampo na. Ang bertdey,
maliban sa pasasalamat, ay tungkol din sa pag-alala sa hirap ng mga nanay natin
noong dinadala nila tayo sa kanilang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan, at
kung minalas ay hindi pa umaabot, at naglagay
din ng kanilang buhay sa bingit ng kamatayan sa araw na tayo ay dapat nang
ilabas.
Sa aking pananaw, tuwing bertdey, dapat ang
sentro ng pasasalamat ay ang nanay na dapat ay siyang starring….at ang role ng
ipinanganak na resulta ng paghihirap niya ay supporting lang.
YAN ANG TUNAY NA PAGPAPAKITA NG PAGMAMAHAL
NG ANAK NA NAGBI-BERTDEY SA KANYANG NANAY….HINDI ANG PAGTURING SA KANYA NA
PARANG ALILA SA SELEBRASYON O DI KAYA AY IKINAHIHIYA SA MGA KAIBIGANG DUMALO…..
DAHIL HINDI SILA NAKATAPOS NG PAG-AARAL O DI KAYA AY NAGTITINDA SA PALENGKE
KAYA AMOY ISDA O DI KAYA AY STREET SWEEPER
KAYA AMOY PAWIS, O DI KAYA AY
PROBINSIYANA KAYA AMOY-NGANGA, ETC. MARAMI NA AKONG NAKITANG GANYANG SITWASYON
KAYA SINASABI KO UPANG MABUKSAN ANG ISIP NG MGA SUWAIL AT WALANG KALULUWANG MGA
ANAK.
Discussion