0

Ang Mga Pino-post sa Facebook

Posted on Saturday, 28 January 2017

Ang Mga Pino-post sa Facebook
Ni Apolinario Villalobos

Hanggang ngayon ay may nag-aakalang may bayad ang pag-post ng mga larawan sa facebook, na isang maling akala. May mga tao ring nangungutya ng mga nagpi-facebook na ang pino-post ay mga larawang nagpapakita ng kasiyahan – mga kuha sa bertdey kaya maraming pagkain, o di kaya ay nang nakaraang pasko kaya may Christmas tree at mga regalo, nag-eemote na pakenkoy ang posing kaya masaya ang dating, at marami pang iba. Dapat unawain ng mga nangungutya na hindi dapat pinakikialaman ng kung sino man ang pino-post ng may-ari sa facebook niya.

May nabasa pa akong comment na, “ang hilig  magpo-posing suot magagandang damit pero hindi naman nagbabayad ng utang”. Para sa akin, kung ang inutangan ay ang nag-comment, hindi niya dapat hiyain ang may-ari ng facebook sa mga viewers na kapwa nila friends. Dahil sa ginawa niya, lumalabas ang kagunggungan niya, dahil dapat ay kinukulit niya ng singil at kung away magbayad ay ipa-barangay niya. Bakit hindi niya sugurin at singilin?...kaladkarin pa niya sa labas ng bahay at sabunutan sa gitna ng kalye kung ayaw magbayad. Ang commentor ay nagpapakita ng ugaling manlilibak….okey kapag kaharap ang kaibigan pero nililibak ito pagtalikod niya dahil siguro sa inggit!

May mga taong inaakala ng ibang naghihirap kaya ang inaasahan sa kanila ng mga nakakakilala  ay wala na silang karapatang mag-post ng mga photos na naglalarawan ng masaya nilang mukha at ang suot ay magagandang damit, may make-up at abot-tenga ang ngiti. Ang gusto ng mga nakakakilala sa mga taong inaakala nilang naghihirap kaya tumatanggap ng tulong mula sa iba ay malungkot ang mukha ng mga ito sa larawan upang ipakita na sila ay naghihirap. Libre ang pag-post ng mga larawan sa facebook kaya walang dapat makialam basta ang i-post ay huwag lang panawagan sa paghasik ng terorismo!

Karapatan ng may-ari ng facebook ang pagpili kung ano ang gusto niyang i-post. Sa mga naging biyuda pero bata pa o di kaya ay mga naghahanap ng asawa, facebook ang pinakamadaling paraan para sa mga nabanggit na pangangailangan. Ang problema nga lang ay inaabuso ng mga utak-kriminal tulad ng mga magnanakaw at rapist. Ang mga kawatan ay nagmamatyag sa mga inilagagay ng mayayabang sa facebook nila tulad ng “balita” na sila ay magbabakasyon sa malalayong lugar na tulad lang nilang mayaman ang may “karapatang” gumawa, o di kaya ay mga larawan ng interior ng bahay, ari-arian tulad ng alahas at kotse….pati address!


Ang mga manyakis naman na kalimitan ay may porma-  guwapo at matikas kung manamit na nakikita sa mga larawan sa facebook niya, ay nakikipagkaibigan sa mga babae, bata man o matanda na “matakaw” sa kaibigan. Ang mga naguguyo ng manyakis ay iniimbita sa isang “eyeball to eyeball” o pagkikita, halimbawa, sa mall. Ang susunod na kuwento dahil may halong krimen ang layunin ng pagkikita ay paggahasa sa babaeng may kabataan pa o pagnanakaw sa matandang babaeng nag-akalang may asim pa siya!

Discussion

Leave a response