0

Si de la Rosa at ang 6 na Taon ni Duterte Bilang Presidente

Posted on Friday, 20 January 2017

Si de la Rosa at ang 6 na Taon
Ni Duterte Bilang Presidente
Ni Apolinario Villalobos

Hindi natanggal sa hanay ng kapulisan ang noon ay pinatututsadahan ni Duterte na mga “ninja police” sa Manila na bubuwagin daw niya pag-upo bilang presidente. Takot kaya sina de la Rosa at Duterte na masabotahe ng mga pulis na nasa iba’t ibang bahagi ng Manila ang programa laban sa droga kaya sobra ang bait nila sa mga kapulisan? Ang problema ng dalawa ay wala ni isa man lang na tiwaling pulis ang natanggal sa kabila ng mabibigat na ebidensiya laban sa kanila, tulad nang nangyaring pagpatay ng mag-asawa sa Antipolo, at ang itinuro ng mga anak na mga suspek ay mga pulis-Antipolo.

Sinasabi din ni de la Rosa na iniimbistegahan ang mga suspek na pulis, pero sila ay parang pinagbakasyon lang sa Crame sa tinatawag nilang “holding office” ng PNP. Ang NAPOLCOM naman na nag-iimbistiga ng mga kaso ay wala pang inilalabas na resulta. At ang gusto pang palabasin ng tagapagsalita ng PNP ay isang “isolated case” lang kuno ang pinakahuling nakakahiyang kasong nagsasangkot kay Sta. Isabel, at hindi dapat isiping kumakatawan sa buong kapulisan. Malabong paniwalaan ang sinabi niya dahil sa dami na ng mga kasong naipon.

Matuloy man o hindi ang federal na gobyerno,  bababa sa puwesto si Duterte mula sa Malakanyang pagkalipas ng 6 na taon at siguradong mamamayagpag na naman ang mga tiwaling pulis. Ngayon pa lang ay naghuhugas na ng kamay si Duterte kung mamayagpag uli ang droga pagbaba niya, dahil palagi niyang sinasabi na “hindi niya papayagan ito sa kanyang panahon”. Ibig sabihin ay wala siyang pakialam kung kakalat uli ang bisyo pagkatapos ng kanyang termino. Ang mga drogang itinago lang ay pwede na uling ibenta. Hindi mararamdaman ang bilis na pag-usad ng panahon kaya magugulat na lang ang bayan kung ang 6 na taong termino ni Duterte ay tapos na pala! Subalit anong pagbabago ang mangyayari sa loob ng 6 na taon kung ang DOJ ay mahina at ang imahe ng PNP ay unti-unting nadudurog?...at ang ibang mga itinalaga niya sa puwesto ay nasangkot na agad sa mga katiwalian?

Hindi dapat nakipag-kompromiso si Duterte sa BUONG hanay ng kapulisan upang masiguro na maganda ang kalalabasan ng programa niya laban sa droga. Dahil sa ginawa niya ay hindi nagalaw ang mga tiwali. Pareho lang naman ang tapang ng mga bagong pulis at ng mga datihan kung katapangan ang kailagan niya upang maging epektibo ang “operation tokhang” kaya dapat ay hindi siya manghinayang na patalsikin ang mga datihang pulis na bistadong tiwali. Dahil sa pinapakita ni Duterte na kapanalig siya ng mga pulis sa LAHAT na gagawin nila sukdulan mang makapatay para sa kanilang self-defense, lumakas ang loob ng mga tiwali na ipagpatuloy ang masama nilang ginagawa na ang pantakip ay ang “tokhang”. Malinaw na inabuso ng mga tiwaling pulis ang tiwalang ibinigay sa kanila ng presidente.

Kung wawariin, ang mga sangkot sa mga katiwalian ay mga datihan nang pulis kaya nangangahulugang malalim ang pagkaugat ng kasamaan nila. Hindi dapat palaging sabihin na kaya sila gumagawa ng masama ay dahil sa liit ng suweldo. Kung naliliitan sila sa suweldo nila, dapat ay mag-resign sila at pumasok bilang personal security ng mayayaman. Marami na rin ang nakapansin na parang pinaglalaruan lang si de la Rosa ng mga datihang pulis na may mataas na puwesto. Hindi siya ina-update sa mga nangyayari. Nagugulat na lamang siya kung makarinig ng mga balita o matanong sa interbyu, na ang pinakahuling insidente ay tungkol kay Sta. Isabel. Palagi tuloy siyang nalalagay sa nakakahiya at alanganing kalagayan….at napapagtawanan!

Hindi dapat maghimutok si de la Rosa kung marinig ang mga panawagang mag-resign na siya upang mailigtas sa kahihiyan ang presidente. Marami ang nadismaya sa kanyang pagpoporma na matapang pero hanggang salita lang daw pala kung interbyuhin siya. Alam din pala niyang may mga butas ang sistema ng NAPOLCOM lalo na sa pag-imbestiga ng mga pulis na inaakusahan, kaya dapat ay may ginawa na siyang mga hakbang upang mapasakan ang mga ito at maituwid ang dapat ituwid.

 Sa paglipat ng kustodiya kay Sta. Maria mula sa NBI patungo sa PNP, gusto na naman daw kausapin ni de la Rosa si Sta. Isabel….para ano pa? Ang dapat niyang kausapin ay ang mga pulis na kasama ni Sta. Isabel at nagtuturo sa kanya na nanguna sa pagkidnap at pumatay mismo sa Koreano. Naisahan na naman ni Sta. Isabel ang PNP dahil bago siya inilipat sa Crame ay nakagawa na ito ng statement sa NBI at malamang ay tinulungan pa ng mga kaalyado niya doon upang makagamit siya ng mga teknikal na palusot. Tulad ng dati, nakanganga na naman ang PNP Chief sa kawalan ng magagawa! Kahit may itinuturo pa si Sta. Isabel, wala nang magagawa si de la Rosa kundi hintayin na naman ang resulta ng administrative investigation na gagawain ng makupad na NAPOLCOM. Kung gagawa daw kasi ng desisyon, UNFAIR SA MGA INAAKUSAHAN….TALAGA?!!!!

Dapat ay pilitin si de la Rosa na maglabas ng imbentaryo o listahan ng mga kasong hawak ng NAPOLCOM mula noong umupo si Duterte, na may kinalaman sa “tokhang” at lalong mabuti kung maisama ang mga namana mula sa mga nagdaang administrasyon. Sa pamamagitan niyan ay malalaman kung talagang nagtatrabaho ang NAPOLCOM bilang pagpapakita na nakikipagtulungan ito kay Duterte o talagang makupad lang sa pagkilos. Kung wala ni isa mang kaso silang natuldukan, may malaking problema si de la Rosa at Duterte!...napapaglaruan sila ng inaakala nilang mapapagkatiwalaan nila!....sa uulitin, napakabilis ang pag-usad ng panahon kaya ang 6 na taon ay mapapagtiyagaang tiisin!


NADADAMAY KAYA KAWAWA ANG MGA MABUBUTING PULIS SA MGA GINAGAWA NANG MGA TUMANDA NA SA PNP PERO NAGKASUNGAY NAMAN!

Discussion

Leave a response