0

Nimfa Gromio Castillo: Nag-night Class noong High School Hanggang Abutin ang Pangarap na Maging Titser

Posted on Thursday, 26 January 2017

Nimfa Gromio Castillo: Nag-night Class noong High School
Hanggang Abutin ang Pangarap na Maging Titser
Ni Apolinario Villalobos

Kalimitan, kapag sinabing “night school student”, inaasahan nang nagtatrabaho siya sa araw. At, yan ang nangyari kay Nimfa G. Castillo na dahil sa pagtiyagang maipagpatuloy ang pag-aaral ay nakaraos din hanggang makarating ng kolehiyo at makatapos ng Bachelor of Elementary Education at nag-specialize sa Filipino. Ipinakita ni Nimfa na pwedeng pagsabayin ang pagtrabaho at pag-aaral. Mapalad siya at ang Notre Dame of Tacurong Boys High School ay nagbukas ng ganitong pagkakataon para sa mga may pangarap sa buhay.

Maganda ang pinili niyang kurso dahil malawak ang nasasaklaw nito, bukod sa pagtuturo sa mga bata. Noon kasing lumipat siya sa Cotabato City ay nabigyan siya ng pagkakataong maging tagapagsalita ng ahensiyang may kinalaman sa “4Ps” ng gobyerno. Isa siyang tagapagpaliwanag ng programa at dahil sa ginawa niya ay marami siyang nakausap na mga nanay na umasa sa programa upang kahit papaano ay madagdagan ang badyet nila sa gastusin ng isang anak man lang, sa eskwela. Ang iba sa kanila ay nagtitiyaga sa ugali ng mga asawang iresponsable, na ang iba ay “nag-aalaga” sa kanila ng walang humpay na pagbugbog. Ang mga kuwento nila ang lalong nagbigay ng inspirasyon kay Nimfa upang paigtingin ang paghubog sa mga batang tinuturuan niya.

Nagkurus ang landas namin sa facebook nang pumasok ang request niya para sa koneksyon namin na tinanggap ko naman agad. Subalit hanggang doon na lang kung hindi ko na-check ang kanyang facebook kaya nalaman kong teacher pala siya. Tuwang-tuwa naman ako dahil kabilang ang mga titser sa mga kinabibiliban ko.

Sa kanilang school ay nagko-coach siya ng elocution sa mga batang may potential na pinapadala nila sa mga paligsahan. At, para sa mga materyal na magagamit naman ay palagi din siyang kumukunsulta kay Ding Lazado na dati niyang teacher sa Notre Dame. Nakapagpanalo na si Nimfa ng pambato ng school nila na tinuruan, gamit ang isang isinulat ni Ding Lazado.

Angkan ng mga madasalin ang kinabibilangan ni Nimfa na nakatira sa New Isabela, isang barangay ng Tacurong at nagtuturo sa isang private prep school.  Kamag-anak din niya si Amor Taganas na  assistant ng kura paruko ng San Pedro Calungsod parish. Pareho silang tahimik lang kung magtrabaho, kimi, at mapagpakumbaba.

Kung paghubog ng ugali ng bata ang pag-uusapan, dapat ang titser na maghuhubog ay kakikitaan ng mga ugaling kailangan ng bata upang maging makabuluhang mamamayan ng bansa habang lumalaki siya….at yan ang pinapakita ni Nimfa. Pareho kami ng pananaw na dapat ang sistema ng edukasyon ay maibalik sa dati….kung saan, nagagamit uli ang mga libro at ang layunin ng mga ito ay upang makatulong sa mga bata, hindi magpakuba o magpahirap dahil sa dami ng binibitbit tuwing papasok sa eskwela.










Discussion

Leave a response