1

Pol Saulog at Magno Padua

Posted on Saturday, 21 January 2017

POL SAULOG AT MAGNO PADUA
…mga bukod-tanging kaibigan sa Cavite
Ni Apolinario Villalobos

Nakilala ko si Manong Pol nang tumira ako sa isang subdivision sa Cavite. Sa simula ay simpleng batian lang ang aming ginagawa tuwing kakain ako o uminom ng beer sa kanyang “native style” na restaurant sa labas ng aming subdivision. Mahilig siyang magluto ng mga pagkaing Kabitenyo subalit hindi niya ako inaalok ng mga ito dahil nalaman niyang vegetarian ako. Nakilala ko rin ang kanyang mga anak at asawa na naging malapit sa akin. Hindi ko binigyang pansin ang tikas ng kanyang personalidad sa simula sa kabila ng artistahin niyang mukha. Nagulat na lamang ako nang malaman ko sa ibang kaibigan niya na lumalabas pala siya sa pelikula ni Ramon Revilla kasama ang isa pang kaibigan ko sa lugar ding yon na si Ding Santos.

Hindi palasalita si Manong Pol kaya karamihan ng mga kuwento tungkol sa kanyang buhay ay sa kanyang mga kumpare ko nalaman. Napansin niya ang pagiging galante ko noon sa inuman kaya pinayuhan niya akong maghinay-hinay sa paggastos sa alak at piliing mabuti ang mga taong gustong makipagkaibigan sa akin. May laman ang kanyang sinabi at napatunayan ko makalipas ang maraming taon. Nagsilbi siyang “kuya” ko sa lugar namin, at ang samahan namin ang nakatulong upang respetuhin din ako ng mga nagrerespeto sa kanya.

Maaga ako noong pumasok sa opisina na nasa Roxas Boulevard, sakop ng Ermita. Madaling araw pa lang ay nasa highway na ako at nag-aabang ng masasakyag dyip. Madalas akong madaanan nina Manong Pol at ng kanyang asawa na araw-araw namang pumupunta sa Maynila kaya nai-aangkas nila ako sa kotse nilang Mustang, isang collectible na edition. Ibinababa nila ako sa mismong harapan ng S&L Building kung saan ako nag-oopisina.

Bukod sa restaurant sa labasan namin, may tindahan pa rin sina Manong Pol sa kanilang bahay na katabi ng subdivision namin, kung saan ako umuutang ng kaha-kahang beer na nilalatag ko sa mga kaibigan tuwing mag-inuman kami. Nagtapat siya minsan na ako lang ang pinagbubuksan niya ng tindahan kahit alanganing oras tuwing ako ay tatawag upang umutang ng beer. Sinabi din ito sa akin ng mga kumpare niya na hindi niya pinagbibigyan kahit sa tagal na ng kanilang samahan.

Nang panahong yon, kailangan kong makisama sa mga taong nakatira sa paligid ng subdivision namin dahil sa katungkulan ko bilang presidente ng homeowners’ association. Sa pagkakataong ito ko nakilala din si Magno Padua, na nirerespeto sa lugar namin. Bukod sa kanya ay nakilala ko rin ang kanyang mga kapatid na sina Tomas, Budjo, Emo, Tura at  Millie. Namayapa na sina Tomas, Emo, at Millie. Noong buhay pa ang nanay nina Magno, ipinaghahanda niya ako ng hiniwa nang malalaki na patola na niluluto niya sa  bawang. Ang ulam ay masarap sa kabila ng payak na pagkaluto sa bawang, lalo na ang sabaw na manamis-namis pa.. Masipag magtanim ang magkakaptid ng gulay na binibenta din nila sa palengke ng Zapote kaya sagana ako sa gulay tuwing pupunta ako sa kanila.

Dahil ako ay dayo sa lugar na tinirhan ko malaking bagay ang nagawa ng pakipagkaibigan ko sa mga nabanggit. Kung anong respetong ipinakita sa kanila ay ipinakita at pinadanas din sa akin ng mga naging kaibigan kong nakakakilala sa kanila. Marami rin akong natutunan sa kanila lalo na sa pakikisama sa ibang tao, higit sa lahat ay ang pagpapairal ng ugali sa paraang walang kayabangan. Napansin ko na sa mga kasayahan, kalimitan ay nasa tabi lamang sila at hindi nagbabangka o nagpapasimula ng kuwentuhan. Kung uminom man ng alak ay yong tipong, pang-sosyal, hindi laklak.

Parehong biyudo sina Manong Pol at Magno, magkasing-edad sa gulang na mahigit sitenta pero matitikas pa rin. Nagkikita kami ni Manong Pol kung siya ay masumpungan ko sa tinitirhan ng kanyang anak, dahil nakatira na siya ngayon sa isa pang bayan ng Cavite mula noong mamatay ang asawa niya. Si Magno naman ay pinapasyalan ko tuwing may panahon ako dahil hindi kalayuan ang tinitirhan niya mula sa amin.


Ang mga tinukoy ko ay halimbawa ng mga taong hindi ko makakalimutan dahil sa maganda nilang asal kahit hindi nakatuntong ng kolehiyo. Lutang na lutang ang bukod-tangi nilang pagkatao kahit sa umpukan dahil sa ugali nilang higit pa sa ilang nakatapos sa malalaking unibersidad...kaya dapat tularan.



Discussion

  1. Kapatid ko sa Masoneria si Kuyang Poli. 25 taong-gulang lang nang ako pumasok sa kapatiran, at si Kuya Poli ang una kung nakapalagayang-loob. Nakakharap ko siya sa inuman at masaya niyang ibinibida ang panahon nang siya'y naging character actor. Yes, nakakasakay din ako sa kanyang Mustang na diesel 😄. Marami akong narinig na wisdom sa kanya tuwing magkaka-solohan kami ng kwentuhan. Isa siya sa mga taong nakilala na walang katulad sa personalidad at karakter. At sana ay makuha ko kahit katiting ang kanyang pagkatao.

    Btw, naging Ninang namin sa kasal ang kanyang kapatid na si Gng. Fely Saulog-Sarmiento.

    ReplyDelete