Ang Kalituhan ng mga Naghihirap na Pilipino
Posted on Wednesday, 3 December 2014
Ang
Kalituhan ng mga
Naghihirap
na Pilipino
Ni Apolinario Villalobos
Nagsimula ang lahat sa pangarap na buhay na
may maliit na bahagi man lamang ng ginhawa. Ang mga taga-probinsiya ay pumunta
sa malalaking lunsod tulad ng Maynila. May mga nag-aral, ang iba ay naghanap ng
trabaho, at ang iba, bitbit ang buong pamilya ay tuluyan nang tumira. Nakitira
sa mga kamag-anak; umiskwat ng kapirasong bahagi ng mga pampang ng ilog; tumira
sa ilalim ng tulay, kariton, bangketa, at sa tabi ng mga matataas na
pader.
Nagsimula sa iilang barung-barong, na sa
kalaunan ay naging barangay at inalagaan ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaang
lokal na ang turing sa mga nakatirang iskwater ay mga numerong nabibilang - mga
boto pagdating ng eleksiyon, kaya hindi mapaalis-alis. Ang isang barangay ay
naging dalawa, hanggang naging tatlo pa. Pahirapan tuloy ang pagpaalis, bandang
huli kung kailangan na.
Ang iilang linya ng kuryente ay kinabitan
ng mga jumper at pinagapang sa mga bahay upang magkaroon ng liwanag at ang
iilang legal na tubo ng tubig ay nagkaroon ng mga sanga-sangang gomang tubo
upang daluyan ng mahalagang tubig. Dahil sa kawalan ng maayos na kubeta o
palikuran, ang mga dumi ay inihahalo sa mga basurang itinatapon sa ilog, o di
kaya ay hinahagis kung saan-saan na lang.
Dahil sa kawalan ng trabaho ng karamihan sa
mga nakatira sa squatters’ area, ang maghapon ay pinapalipas sa harap ng bote
ng alak o baraha; ang mga bata ay nanlilimahid at sakitin; ang ibang mga batang
hindi nakakapasok sa paaralan ay natutong suminghot ng pandikit o rugby upang
malibang; ang ibang mga desperadong ama
ng tahanan ay natutong mangholdap; ang ibang mga anak na tin-edyer, ma-babae o
ma-lalaki ay napilitang magtinda ng laman.
Kailangan na ang mga lupang iniskwatan
dahil patatayuan ng mall o condominium kaya kailangang ma-demolish na ang mga
barung-barong. Sa simula ay may girian at sakitan. Alam ng lahat na ang
pagdadalhan sa kanila na relocation sites ay hindi maayos – kulang ang poso at
linya ng kuryente; ang mga kalsada ay hindi man lang napatag at maputik kung
mabasa kahit ng ambon lang; ilang kilometrong madilim ang layo ng mga ito sa
pinakamalapit na daanan ng madalang na sasakyang pampubliko kaya magiging dusa
ang pagpasok sa trabaho at eskwela na babalikan sa pinanggalingang mga iniskwatang
lugar; ang mga bahay na patitirhan, may bubong nga subalit singlambot naman ng
karton ang yero; ang mga bintana at pinto ay mga butas na walang takip. Pero sa
TV, ang mga pinapakita ay iilang bahay na mga “modelo”. Pero, dahil mahirap
lang, ang nangangailangan, ay pinapalabas na walang karapatang mamili!
Ang mga taga-lunsod, sinisisi ang mga
iskwater dahil sa pagdami ng krimen. Bakit hindi na lang daw umuwi sa
pinanggalingan nila. Sagot ng mga iskwater, ano pa ang uuwian nilang probinsiya
ganoong sinalanta na ito ng mga sunud-sunod na bagyo? …anong katahimikan ang
aasahan nila sa pinanggalingang probinsiya na pinamumugaran ng NPA?...anong
maayos na pamumuhay magkakaroon sila kung ang lupang sinasaka ay hindi naman
kanila?...anong ginhawa ang maaasahan nila sa probinsiyang pinanggalingan kung
ang pinagkakabuhayan nila ay galing sa mga animo ay lintang nagpapautang ng
perang ang interes ay abot-langit?...anong buhay ang matatamasa ng mga anak
nila sa mga iniwang lugar na pinabayaan ng gobyerno, dahil wala man lang
paaralan, health center, maayos na kalsada mula sa mga liblib na barangay
patungo sa bayan, walang kuryente, at ang ipinangakong lupang sasakahin ay
hindi ibinibigay?
Sa probinsiya, mayroon ngang mga niyog,
subalit bawa’t isa ay bilang, kahit na mga lagas dahil gagawing kopra. Ang mga
anak ng nagkokopra, kung minsan ang laman ng tiyan sa pagpasok sa eskwela ay
pinagtiyagaang pira-pirasong niyog na pinulot sa bilaran, at nginunguya habang
tinatahak ang kilo-kilometrong kalsada. Ang iba, namimitas ng kahit hilaw na
bunga ng mga ligaw na bayabas o santol sa tabi ng kalsada, may makain lang. Ang
pananghalian ay dalawang hilaw na saging na nilaga, hindi kamote dahil pambenta
ito sa bayan. Sa gabi, binilad uli na kopra ang panlaman sa tiyan na inuulaman
ng nilagang dahon ng gabi na inasinan.
Sa Maynila, magsipag lang ang iskwater sa
pamumulot sa basura ng plastik at iba pang mapapakinabangan ay siguradong may
maiuuwi nang barya. Nakakahingi pa ng mga tutong sa karinderya, o di kaya ay
nakakapamulot ng mga tirang pagkain sa styro na nasa basurahan ng mga fastfood.
Kung malapit naman sa palengke ang tirahan, lalo na sa Divisoria, sa madaling
araw ay nakakapamulot ng mga lanta at reject na gulay na itinapon na maaari
ding pantawid gutom o di kaya ay malinis at ibenta ng tumpok.
Ang nakalito sa mga naghihirap na Pilipino
ay ang palaging sinasabi ng Presidente ng Pilipinas na si Pnoy Aquino, na
masagana ang buhay sa bansa at walang nagugutom. Baka ang batayan niya ay ang
perang binibigay ng DSW na kung tawagin nila ay
“pantawid-gutom”…subalit hindi naman totoo.
Nakakalito ang kalagayan ng mga naghihirap
Pilipino na lalong pinalito pa ng mga sinasabi ng Presidente. Ang sabi tuloy ng iba, baka lumalampas ang
tingin ng Presidente tuwing siya ay nagtatalumpati, kaya ang natatanaw niya ay ang mga
karatig-bansa tulad ng Singapore at Malaysia, di kaya ay Brunei o Indonesia.
Siguro, hinahanap niya ang sinasabi niya palaging “tuwid na daan”, na wala sa
Pilipinas kaya pinapalampas ang kanyang pananaw upang matanaw ito sa mga
mauunlad na karatig-bansa!
Discussion