Hindi Kawalan si Purisima sa Administrasyon ni Pnoy
Posted on Thursday, 4 December 2014
Hindi
Kawalan si Purisima
Sa
Administrasyon ni Pnoy
Ni Apolinario Villalobos
Dahil mismong Ombudsman na ang
nagpapasuspinde kay Purisima sa loob ng anim na buwang walang sweldo,
nangangahulugang mabigat ang kanyang mga kaso na kinabibilangan ng pagbenta ng
kagawaran ng pulisya ng mga AK-47 sa NPA, at paggamit nito ng isang courier
agency sa paghatid ng mga lisensiya ng baril sa mga may-ari, na sa simula pa
lang ay inalmahan na ng maraming sector.
Hindi kawalan si Purisima sa PNP, ito ang
malinaw na pinapakita ng kagawaran sa kabuuhan nito, kahit hindi pa sambitin.
Ang sumasampalataya sa kanya ay wala pa nga raw isandaan. Si Purisima ay galing
sa “labas” ng PNP. Maraming mga taga “loob” ng PNP ang mas kwalipikadong
nakapila na, kaya hindi maikakaila ang lumutang na sama ng loob sa
pagkakatalaga sa kanya bilang hepe. Ayon sa karamihan, ang promotion daw niya
ay bunsod lang ng pakisama o bayad sa utang na loob ng Presidente, kaya marami
daw ang nagulat nang bigla siyang lumutang bilang bagong hepe ng PNP.
Ang PNP na lubog na sa mga kontrobesiya ay
lalong nalubog nang pumasok sa eksena si Purisima. Sa simula pa lang ay marami
na ang nanawagan para sa kanyang pag-resign, dahil nahalatang wala siyang
dynamic leadership na kailangan ng isang “macho” agency na tulad ng PNP. Ni
hindi nga narinig ang boses ni Purisima sa loob ng ilang buwan kung may mga
katanungan tungkol sa mga hindi magandang pangyayari sa bansa, na dapat ay
inaaksiyunan ng PNP. Maraming mga operasyong pumalpak. At ang nagpatindi sa
hindi na maganda niyang imahe ay nang bulagain ang taong bayan ng mga nabistong
korapsyon na kinasangkutan niya. Sa kabila ng mga mas lalong lumakas na
panawagan para sa kanyang pag-resign, kapit-tuko pa rin siya sa pwesto.
Ang kapit-tukong asta ni Purisima sa
puwesto ay nakapag-alala sa ginawa rin noon ni Vitangcol na ang hawak naman ay
MRT, at tulad ni Purisima ay sinabugan din ng anomalyang may kinalaman sa
pangurakot. Bandang huli, si Vitangcol ay binitiwan ng Presidente nang
magkaroon ng linaw ang mga bintang sa kanya. Ang nangyari kay Vitangcol ay
hindi malayong mangyayari rin kay Purisima, kung magpapatuloy ito sa
pagkakapit-tuko sa kanyang pwesto.
Ang hindi makalimutang sinambit ni Purisima
noon, tungkol sa maanomalyang paggamit sa courier service na sobra sa doble ang
patong at sa kabila ng hindi pa nito otorisado nang panahong nagsimula ito ng
operasyon, ay kailangan daw kumita ang mga negosyante….mga negosyante lang kaya
ang kumita?
Discussion