0

Pagkatapos ng Hagupit ni Ruby - sisihan at turuan na naman!

Posted on Tuesday, 9 December 2014



Pagkatapos ng Hagupit ni Ruby –
Sisihan at Turuan na naman!
ni Apolinario Villalobos

Hindi na nawala sa kultura ng gobyerno ang magturo at manisi kung may nangyaring kalamidad. Walang katapusang sisihan ang palaging nangyayari tuwi na lang matapos humagupit ang bagyo, tulad ng nangyari pagkatapos manalanta ang bagyong Ruby. At, ang Malakanyang naman ay walang ginawa kundi ang magtakip sa mga kakulangan ng ahensiyang pumalpak, sa halip na mangako ng masusing imbestigasyon upang mabawasan ang sama ng loob ng mga tao.

Ang sabi ni Ping Lacson ay dapat daw kasuhan ang mga kontraktor na nagpasimuno sa paggawa ng mga bunkhouses na pagkatapos gastusan ng malaki ay nasira din ng bagyong Ruby dahil sa kahinaan ng mga materyales na ginamit.  Mga kontraktor lang ba? Paano ang mga opisyal ng DPWH na sangkot? Paano siya mismo na siyang “czar” ng rehabilitation? May kasabihang kapag ang isang tao ay nanduro o nagturo ng isang daliri sa kanyang kapwa, ang tatlo naman niyang daliri ay nagtuturo sa kanya! Kung maaalala, si Ping Lacson ang unang nagbunyag ng anomalya tungkol sa mahihinang klaseng materyales na gagamitin sa pagpagawa ng bunkhouses. Naging sikat agad siya sa mga diyaryo, radyo at TV. Marami ang nagpasalamat dahil nagsalita siya bilang isa sa magpapatunay na may korapsyon sa gobyerno. Subalit pagkatapos niyang makipag-miting sa pangulo, biglang kumambyo ang kanyang pananalita – underdelivery lang daw ng materyales ang nangyari – walang anomalya! Ang ginawang Master Plan sa rehabilitasyon, napirmahan after one year mula nang manalanta ang bagyong Yolanda!

Mabuti na lang at maagap ang media sa pagpilit na talagang may anomalya sa pagpapagawa ng mga bunkhouses, sabay pakita sa TV ng mga yerong ginamit na animo ay karton kung tupiin ng isang matanda at pamakuang kahoy na walang anuman nang kanyang baliin. Ipinakita rin ang mga coco lumber na animo ay panggamit lang sa kulungan ng aso, sahig na yari sa plywood, at mga poste na ang sukat ay angkop lang sa kulungan ng manok. Wala yatang TV sa Malakanyang at hindi nagbabasa ng diyaryo ang mga opisyal!

Tulad ng dati, maagap sa pagsalo ang Malakanyang sa pagsabi na kahit nasira ng bagyong Ruby ang mga bunkhouses, napakinabangan din naman kahit papaano, dahil “temporary shelter” lang naman daw talaga ang mga ito.  Ganoon lang????!!!!Kung ganoon kalabo ang mga sinasabi ng Malakanyang, talagang walang mangyayari sa tuwid na daan na pinagyayabang ng pangulo ng bansa, dahil nangangahulugang dahil sa kalabuan ng paligid hindi ito matatahak ng maayos, at ang matindi ay hindi pa ito mahanap kung saan ba talaga!

Hindi naipapatupad ang rehabilitation policy na dapat ay maayos na hindi hamak kaysa dati ang mga gagawin. Ngayon lang nabunyag sa publiko ang patakarang ito. Mayroon pala nito, bakit hindi pinatigil agad ang mga proyekto sa simula pa lang nang makitaan ang mga ito ng anomalya? Bakit nagbulag-bulagan ang DPWH? May natapalan bang mga mata?

Ang tanong ng marami, ay hanggang kaylan ang “temporary” na sinasabi ng Malakanyang kung hanggang ngayon ay wala pang linaw ang rehabilitation program para sa Tacloban at karatig lalawigan na sinalanta ng bagyong Yolanda, dahil kapipirma lang nito ng Pangulo? Hanggang walang linaw kung saan magkakaroon ng permanenteng tirahan ang mga sinalanta ng bagyo, sa “temporary shelter” sila titira. At dahil sa kakuparan sa pagkilos ng gobyerno, baka magka-apo na lang ang nga bakwet sa mga bunkhouses, ay hindi pa sila nakakaalis dito!

Simple lang naman kasi ang dapat sabihin ng Malakanyang dahil malinaw na nakikita ang resulta ng ginawa ng DPWH at mga kontraktor nito: “paiimbistigahan natin ito upang matukoy ang mga taong maysala”…yong lang, wala nang iba. Subalit, hindi yata kayang masabi dahil ni isa sa mga tauhan nitong lampas ulo na ang mga kaso ay kinakanlong pa rin at pilit pinagtatakpan…hanggang ngayon!

At si Ping Lacson naman, sana sa pagkakataong ito ay magpakita ng maski kapiranggot na simpatiya sa mga nasalanta ng kalamidad sa pagmamatigas na magkaroon ng masinsing imbestigasyon upang maparusahan ang maysala. Aminin din niya kung may pagkukulang siya blang “czar” na ang papel ay tagabantay, tagapuna, tagagawa ng report na kung hindi pansinin ay sa media na lang niya ipalabas, para hindi iisipin ng taong bayan na wala siyang ginagawa.


Discussion

Leave a response