0

Isang Sulyap Kay Manny Pacquiao Bilang Kongresista

Posted on Monday, 22 December 2014



Isang Sulyap Kay Manny Pacquiao
Bilang Kongresista
Ni Apolinario Villalobos

Bilib ako kay Pacquiao – bilang boksingero, pero wala pa siyang napatunayan bilang kongresista. Ang pinakahuling pangarap niya bilang coach ng isang basketball team para sa PBA ay nalusaw nang ma-eliminate ang grupo. Hindi rin kinakagat ng publiko ang kanyang pagkanta, pati ang pag-host sa TV na hindi rin tumagal. Dapat maliwanagan si Pacquiao na ang bawa’t tao ay may nakalaang papel sa mundo, isang papel kung saan ang pagkatao niya ay talagang itinugma ng Diyos.

Dahil sa pinanggalingang kahirapan, parang gustong patunayan ni Pacquiao na lahat ay posible kung pagsisikapan. Tama siya. Subalit iba ang posibleng nagawa sa magagawang angkop na ayon sa inaasahan. Hindi yan nalalayo sa isang tao na gustong patunayang kaya niyang maipasa ang pagsusulit ng abogasya, na nagawa naman niya. Subalit hanggang doon lang siya, kung sa pagka-abogado niya ay hindi naman pala siya epektibo, dahil lahat ng hawakan niyang kaso ay puro talo.

Masigasig si Pacquiao at walang kapaguran kung mag-ensayo. Malakas siyang sumuntok at magaling ang mga istratehiya batay sa istratehiya ng mga kalaban. Ang mga ito ay katangian ng isang magaling na boksingero, kaya lumutang siya sa larangang ito. Subalit bilang kongresista ay wala pa siyang ginawa upang patunayan na epektibo siyang representative na dapat ay gumagawa ng lahat para sa ikauunlad ng kanyang mga kalalawigan dahil na rin sad alas ng kanyang pagliban. Madali sa kanya ang humugot ng pera mula sa kanyang bulsa kung kailangan. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi ng ibang mahal niya ang kanyang mga kalalawigan. Subalit ito ay panandaliang konsuwelo lamang. Paano kung hindi na siya ang kongresista? Iba ang mga batas na naipasa at naitala nang panghabang buhay para sa kapakanan ng isang lalawigan.

Naging popular siya dahil sa kanyang pera…bilyonaryo siya, at sa kultura ng Pilipino, isa ito sa mga katangian upang makilala. Ang mga sinasabing batas daw na siya ang author ay hindi maikakailang gawa ng kanyang matitinik na mga tauhan sa opisina. May nagagamit siyang pera para kumuha ng magagaling na researchers at writers. Ganito naman ang mga kalakaran kahit saang opisina. May alam nga akong mga “kolumnista”  sa magazines at diyaryo pero may mga “ghost writers” na ginagamit. Marami ring mga mambabatas na kahit simpleng talumpati ay pinapagawa pa sa mga “ghost writers”… panukala pa kaya? Kaya walang dapat pagtakhan kung may mga mambabatas na akala natin ay magaling subalit umaasa lang pala sa matitinik na ghost writers at researchers. Alam ko yan, dahil nadanasan ko ang ganyang trabaho.

Nagbitaw pa si Pacquiao ng paghanga kay Jejomar Binay na sa tingin niya ay karapat-dapat daw na maging presidente ng Pilipinas kaya siniguro niya ang kanyang suporta para dito sa 2016. Malinaw namang ginawa niya ito bunsod ng sama ng loob niya sa administrasyon dahil sa isyu ng tamang buwis na pilit pinababayaran sa kanya ng BIR. Alam ng mga Pilipino kung hanggang saan umabot ang  ginawa ni Binay sa pagkamal ng salapi na kwestiyonable. Sa pinapahiwatig niyang suporta sa isang taong tingin ng mga Pilipino ay nangamkam ng pera ng bayan, pati ang kanyang reputasyon ay nalagay sa balag ng alinganin. Paano na ang pinipilit niyang pagpapakita ng isa pa niyang katauhan bilang “pastor”.

Bayani si Pacquiao dahil nagbigay siya ng karangalan sa Pilipinas ng hindi matawarang dangal, subalit sa larangan ng boksing lamang. Malaking kaibahan ang mga responsibilidad ng isang manlalaro sa isang mambabatas. Hindi rin magandang dahilan bilang pagsuporta sa kanya, na sabihing mabuti nga siya at ang kinita niyang limpak-limpak na pera ay galing sa boksing, hindi tulad ng sa maraming pulitiko na ninakaw sa kaban ng bayan. Hindi yan ang isyu…kundi ang tungkulin niya bilang kongresista na ang kaakibat ay tiwala ng mga kalalawigan niyang bumoto sa kanya. At nakadikit din dito ang reputasyon ng buong kamara na dapat ay inuupuan ng mga maaasahang mambatatas.

Matalino si Pacquiao at may pag-iisip ng isang negosyante. Naisip niyang sa pagboboksing ay  malaking pera ang malilikom niya para sa mga darating pang mga araw lalo na kung magretiro na siya sa lahat ng pinagkakaabalahan niya. Sa puntong ito,  kahit alam niyang may dapat siyang importanteng gampanan bilang kongresista ay pinipilit pa rin niyang paibabawin ang kanyang pagkaboksingero na maswete namang sinuportuhan ng mga kasama niya sa kamara, kahit kapalit nito ay mga pagliban niya. Ginagamit din kasi siya ng mga kaalyado niya dahil sa katanyagan niya.

Isang halimbawa si Pacquiao na pumasok sa pulitika gamit ang katanyagan. Kung ang iba ay ginamit ang pagka-artista, siya naman ay gumamit ng pagiging kampeon  sa boksing. Samantalang ang iba naman ay ginamit ang pangalan ng angkan na nakalista sa kasaysayan ng bansa bilang mga tanyag na mambabatas. Ang mga Pilipino ay mahilig sa katanyagan. Ito ang dahilan kung bakit magulo ang pulitika sa Pilipinas, kaya hindi na dapat pang magtanong ang mga Pilipino kung bakit animo ay pusali ang kalagayan ng bansa dahil sa mga tiwaling nakaupo sa gobyerno. Pulitika ang dahilan kung bakit naghihirap ang Pilipinas at mga Pilipino noon pa man, lalo na ngayon. Kaya ang malaking katanungan ay….sino ang may kasalanan?

Sa isyu tungkol kay Pacquiao, dapat lang siyang mag-resign, o kung hindi man ay magbakasyon, at hindi lumiban lang, upang hindi lalabas na niloloko niya ang taong bayan na tuloy pa rin ang pasweldo sa kanya tuwing may workout o laban siya. Huwag siyang mag-alala dahil barya lang naman ang suweldo niya bilang kongresista kung ihambing sa mga kinikita niya sa boksing. Ang tawag sa gagawin niya kung sakaling maliwanagan siya ay….delikadesa, common sense, o sense of fairness.

Kung katanyagan ang pagbabatayan sa pagbigay ng espesyal na konsiderasyon sa isang Pilipino dahil namumukod-tangi siya, dapat ang mga nagbigay ng karangalan sa bansa na tulad ni Lea Salonga, Charise Pempengco, mga beauty title holders, at iba pa ay dapat libre sa buwis at bigyan din ng iba pang pribiliheyo.

Walang dapat alalahanin si Pacquiao dahil para sa mga Pilipino ay bayani talaga siya sa larangan ng palaro…pero, magbayad din siya ng tamang buwis upang masabi niyang nakikinabang ang bansa sa kanya. Subalit ang pinakamalungkot ay ang malinaw na paggamit sa kanyang katanyagan ng mga mapagsamantala sa gobyerno…isang hudyat na talagang mahihirapang makaahon ang Pilipinas sa pagkalugmok dahil sa kultura ng Pilipinong pagmamahal sa katanyagan!



Discussion

Leave a response