Ang Mga Kahihiyan ng National Bilibid Prison at Cebu City Jail
Posted on Monday, 15 December 2014
Ang
Mga Kahihiyan ng National Bilibid Prison
At
Cebu City Jail
Ni Apolinario Villalobos
Hindi maiwasang mainis ng mga sumusubaybay
sa eskandalong nangyayari sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa, na
nadagdagan pa ng kahalintulad na eskandalo na inabot naman ng Cebu City Jail.
Hindi nahiyang magsabi ang NBP Superintendent na si Roberto Rabo sa harap ng
kamera na hindi niya alam ang nangyayari sa loob ng NBP, ganoong ang mga
tirahan ng mga drug lords na nakakulong ay nandoon lang, hindi naman nakatago,
kaya walang dahilan upang hindi niya makita. Malas lang niya dahil pumutok sa
media kaya nabunyag din ang kanyang kapabayaan.
Ipinakita sa TV ang mga hi-tech na gamit sa
loob ng tirahan ng mga drug lords na hindi aakalaing mga “selda” pala sa loob
ng national penitentiary. May nasamsam ding kilo-kilong shabu, pera, mga
cellphone at baril sa mga selda. Subalit sa kabila ng nakakahiyang pagbubunyag,
nagpakita pa si Rabo ng pagkagulat! Aba, eh di, natapalan pala ang kanyang mga
mata! At, para na rin niyang sinabi na hindi siya lumalabas sa opisina niya
upang mag-inspeksiyon kung minsan man lang, o di kaya ay wala man lang siyang
ginawa sa kabila ng pagsabog ng eskandalo pagkatapos mag-inspeksiyon ang mga
senador ilang buwan na ang nakaraan. Dapat siyang mag-resign dahil sa hantarang
kapabayaan.
Hindi dapat mag-atubili ang Department of
Justice sa pagtanggal agad ng mga taong hayagang sangkot sa anomalya, mula sa
pinakamababang empleyado hanggang sa pinakamataas. Halatang ang umiiral na
kalakaran sa NBP ay “palakasan” at “lagayan”.
Kailangang magkatanggalan kahit na magsagawa pa sila ng isang mas
malalim na imbestigasyon.
Tulad ng rekomendasyon noon ni Senadora
Grace Poe, dapat LAHAT ng empleyado ay suspindihin at palitan ng bago. Ang
mapapatunayang walang sala ay ilipat sa ibang detention facilities ng Bureau of
Correction sa ibang panig ng bansa, at ang mga mapatunayan namang nagkasala ay
dapat na tuluyang tanggalin, lalo na ang Director o Superintendent. Dapat
magkaroon ng leksiyon dahil sa kapalpakan sa pamamalakad ng mga kulungan sa
bansa upang maipakita na may pangil ang mga batas na pinaiiral.
Kung ano ang gagawin sa National Bilibid
Prison sa Muntinlupa ay dapat gawin din sa Cebu City Jail. Ito na ang
pagkakataon ni de Lima na magpakitang gilas sa pagpapatupad ng kanyang
tungkulin bilang kalihim ng Hustisya upang makabawi sa mga kahihiyang inaabot
ng kanyang kagawaran.
Discussion