0

Ang Kasabihang "Mamatay Ka Sa Inggit"...tungkol ito sa taong mainggitin

Posted on Sunday, 28 December 2014



Ang Kasabihang “Mamatay Ka sa Inggit”
(tungkol ito sa taong mainggitin)
Ni Apolinario Villalobos

Totoo pala talaga ang kasabihang nasa titulo. Akala ko noon ay kantiyaw lang na pabiro, yon pala ay talagang totoo. Nahuli ko ang isa kong kaibigan na idinaan sa mga kantyaw ang kanyang pagkainggit sa mga natamo ng kanyang kaibigang sikat na kolumnista. Masakit ang mga kantiyaw niya sa kanyang kaibigan. Hindi ko personal na kilala ang kolumnista pero bilib ako sa galing niya sa pagsulat kaya bukod sa diyaryo ay may lingguhan din siyang sinusulatang magasin. Ang kaibigan ko namang mainggitin pala ay walang natamo sa buhay, maliban sa negosyong pumalpak kaya nalugi. Nakarma siguro dahil s ugali niyang pagkamainggitin.

Nang minsang hindi na ako makatiis ay pinagtanggol ko ang kolumnista sa pagbatikos ng kaibigan ko kahit walang dahilan. Para bang nabubuo lamang ang araw niya kapag may naibulalas siyang masama laban sa kaibigan niyang kolumnista. Pati sa akin ay nainis na rin ang kaibigan kong maiinggitin kaya mula noon ay iniwasan ko na lang. Para namang pinagtiyap ng pagkakataon ang pagkurus ng landas namin ng kolumnista sa isang handaan. Nagulat ako nang sabihin niyang ang iba pala niyang mga sinusulat sa kolum ay hango sa mga blogs ko na nababasa niya sa internet, kaya pala napansin kong may pagkahawig ang mga ideya.

Mula noon ay nagpalitan na kami ng mga mensahe sa internet at nagtulungan sa pagbuo ng mga sinusulat namin. Ilang beses na rin niya akong nahingan ng pormal na pahintulot na magbatay ng mga isusulat niyang pananaw, sa mga naisulat ko na. Buong lugod ko naman siyang pinagbigayan.

Nang minsan namang biglang magkita kami ng kaibigan kong maiinggitin at banggitin ko sa kanya na magkaibigan na kami ng kaibigan niyang kolumnista sabay sabing nagtutulungan kami, ay napansin kong namutla siya, na para bang aatakehin sa puso. Halos wala akong narinig sa sinabi niya nang talikuran niya ako at biglang lumayo na nakatungo ang ulo. Hindi ko nasakyan ang kanyang inasal dahil ang inaasahan ko ay matutuwa siya dapat.

Makalipas ang dalawang araw, may nagbalita sa aking naospital ang kaibigan kong mainggitin dahil inatake daw sa puso, pero hindi naman natuluyan…tumabingi lang ang mukha at bulol na kung magsalita.

Ang leksiyon: huwag tayong mainggit sa tagumpay ng kaibigan natin sa larangang hindi naman natin kaya. Dapat ikatuwa natin ang tagumpay ng kaibigan natin. Ang inggit ay nangyayari kung ang isang tao ay gustong magpakitang gilas upang masabing lahat ay kaya niyang gawin, kaya ang gusto niyang mangyari ay ituring siyang nag-iisa lamang na magaling at wala nang iba. Ang isa pang gustong mangyari ng taong mainggitin ay pare-pareho na lang sila ng kanyang mga kaibigan na walang pinagtagumpayan dahil siya ay hindi rin nagtagumpay!...ang tawag sa huli kong nabanggit ay ugaling hilahan pababa!

Discussion

Leave a response