Ang Taong Ikinahihiya ang Sarili....ay ikinahihiya ang Diyos!
Posted on Thursday, 18 December 2014
Ang
Taong Ikinahihiya ang Sarili
…ay
ikinahihiya ang Diyos!
Ni Apolinario Villalobos
Tayo ay nilikha ng Diyos kaya dapat nating
ipagmalaki ang ating sarili ano man ang katayuan natin sa buhay at lipunan.
Kung sa palagay natin ay mayroon pa tayong dapat pagsumikapan upang mapabuti
ang ating buhay, gawin ito ng maayos na walang bahid ng kasamaan. Hindi tayo
dapat mainggit sa pinagsikapan ng iba. At higit sa lahat, hindi dapat ikahiya
ang kahirapan dahil para na rin nating ikinahihiya ang Diyos na siyang naglalang
sa atin.
Ang kahirapan ay dapat na magbigay ng
inspirasyon upang magpakasigasig pa tayo nang sa ganoon ay maabot natin ang
ating mga pangarap sa buhay. Huwag nating ihambing ang ating sarili sa ibang
nakaririwasa sa buhay dahil kapag mahina ang ating kalooban ay baka masisi pa
natin ang Diyos kung “bakit niya tayo pinabayaan”.
Iwasan dapat ang paggamit ng mga ekspresyon na, “mabuti ka pa o mabuti pa siya
o sila” dahil paghahambing ito ng ating sarili sa iba. Nagpapahiwatig din ito
ng sama ng loob sa ibang mas nakakaangat ang buhay kaysa atin. Dapat matuwa
tayo para sa ating kapwa kung umangat man ang katayuan nila sa buhay, dahil
kabawasan sila sa mga dapat tulungan.
Lahat ng tao ay pantay-pantay sa mata ng
Diyos, kaya sa ating pagsilang, lahat tayo ay nakahubad. Yong mga isinilang sa
tahanang nakaririwasa ay nakikinabang lamang sa pinagsikapan ng kanilang
magulang at pinalad, kaya hindi ito dapat ipagmalaki. Yong mga isinilang sa
tahanang dahop, ay dapat magsikap upang sa kanilang pag-angat ay taas noo
silang makapagmalaki.
Noon ay may isa akong kaibigan na
natiyempuhan kong bumibili ng NFA rice sa palengke. Nang matanaw niya ako ay
lumipat sa katabing puwesto at ang binili ay commercial rice na mahigit
kuwarenta pesos ang halaga kada kilo. Ayaw niyang masabing kumakain ang pamilya
niya ng NFA rice, na siya kong binili nang araw na yon. Ang kaibigan kong ito
ay madalas umutang sa akin dahil palaging nauubos ang sweldo sa goodtime.
Ikinahiya niya ang kanyang kakapusan, pero hindi siya nahihiyang umutang dahil
sa kapalpakan niya sa pagbadyet ng kanyang kita!
Discussion