Ang Pagiginng Tahimik at Mapagpaubaya Bilang Mga Lakas ng Pagkatao (tungkol ito kay Dominador Barnachea)
Posted on Wednesday, 10 December 2014
Ang
Pagiging Tahimik at Mapagpaubaya
Bilang
Mga Lakas ng Pagkatao
(tungkol
ito kay Dominador Barnachea)
ni Apolinario Villalobos
Ang pagiging tahimik at mapagpaubaya ay
mahirap gawin, lalo na sa mundong ginagalawan natin mula pa man noong unang
panahon na ang pangkalahatang kalakaran ay “matira ang matibay”. Ngayon ay may
mga bagong kalakaran, ang “pakapalan ng apog” at “patapangan ng hiya”. Ang mga
ito ay angkop na angkop sa mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas.
Subali’t may mga taong likas nang tahimik
talaga dahil lumaki sa tahanang ganito ang patakaran, at ang kakambal ay ang
pagiging mapagpaubaya, na ang resulta bandang huli, ay ang pagiging
mapagpakumbaba. Ganyan ang ugali ng isa kong kaklase na ang bahagi ng buhay
tungkol sa pagsikap niyang makaahon sa hirap ay naisulat ko na…si Dominador
“Ming” Banachea.
Ang uri ng buhay ni Ming ay nararapat na
ibahagi sa iba na maaaring hindi nakakaalam na mayroon din pala silang ganitong
ugali. Kung baga, ang layunin ng pagsisiwalat na ito ay upang magamit magkaroon
sila ng salamin, at bandang huli ay masabi nila na, “ginagawa ko rin pala, ang
ginagawa niya”.
High school pa lang kami ay nakitaan na
siya ng ugaling tahimik, nasa tabi lang, nagbabasa ng mga leksyon at gumagawa
ng homework. Likas sa high school ang pagiging matuksuhin ng mga estudyante,
kaya madalas ang away. Ako mismo ay nakadanas na makipag-away dahil sa
panunukso sa akin, kaya gumaganti ako. May classmate kami noon na ang apelyido
ay nakatuwaang i-conjugate sa Spanish ng isa pa naming classmate, kaya walang
kaabug-abog na ang napikon ay sumugod sa salbaheng lumapastangan sa kanyang
apelyido at sinapok ito sa harap ng aming teacher! Subalit si Ming, ni minsan
ay hindi ko nakitang kumibo kahit siya ay may share din ng tukso.
Dahil sa kanyang pagiging tahimik, hindi
tuloy nabigyan ng mga titser namin ng mga pagkakataon na maisali sa mga extra-
curricular activities kaya ang inaasahan naming mataas na karangalang
matatanggap niya pagdating ng graduation ay hindi natupad. Ganoon pa man,
kasama pa rin siya sa top five.
Hanggang sa siya ay magkolehiyo pagkatapos
niyang mamahinga ng dalawang taon pagka-graduate sa high school dahil sa
kawalan ng pantustos, ang ugali niyang pagiging tahimik at mapagpaubaya ay dala
niya. Subalit dahil nakitaan siya ng galing at talino ng unibersidad na
pinasukan niya, nagkaroon siya ng partial scholarship at nabigyan ng trabaho na
apat na oras at may katumbas na allowance na Php120 isang buwan. Ang allowance
na ito ang nagamit niya sa mga pang-araw-araw na pangangailangan, hanggang siya
ay makatapos ng kursong accountancy at tuluyang makapasa sa board at maging
Certified Public Accountant (CPA).
Nagkaroon ng ibang kulay ang buhay niya
nang sinunod niya ang payo ng isang kaibigan na sumali sa Toastmasters’
International, isang asosasyon na nagsasanay ng mga kasapi upang magkaroon ng
tiwala sa sariling magsalita sa harap ng mga tao. Kahit palangiti na siya noon
pa man, lalo niya itong “pinatingkad”, tuwing siya ay magkaroon ng pagkakataong
magsalita sa mga okasyon. Sa kabila ng lahat, ang pagiging tahimik ay umiiral
pa rin sa kanyang pagkatao, lalo na ang pagiging mapagpaubaya sa lahat ng
pagkakataon. Hindi niya ipinipilit ang kanyang sarili sa mga pagkakataong alam
niyang makakatulong siya sa iba kung siya ay magpaubaya na lamang. Mahirap
gawin ito dahil ang tao ay likas na lumalaban kung ang nakataya ay pansariling
kapakanan.
Dahil sa mga pagbabago sa kanyang buhay, nakapasok
siya sa isang kumpanya kung saan ay nakatanggap siya ng malaking sahod at siya
niyang ginamit na sangkalan upang lalo pang umangat ang kanyang buhay, hanggang
siya ay matanggap ng isang kumpanya sa ibang bansa. Napatunayan ni Ming na
totoo ang kasabihang: ang malalim na ilog ay tahimik habang umaagos nito.
Hindi
lahat ng tao ay nakakaunawa na ang pag-iingay ng iba ay isang karapatan dahil
kaya naman nilang patunayan ang kanilang kakayahan. Para sa ilan, kahit kayang
patunayan ng isang taong maingay ang kakayahan niya, iiral pa rin sa paningin
ang kayabangan. Kaya ang pinakamagandang gawin ay ipakita ang kakayahan sa
gawa, hindi sa salita, at hayaang ang nakakakita ang maghusga. At ang
pinakamahalaga, Diyos ang nagbigay sa atin ng mga kakayahan, at hindi Siya
bulag para hindi makita kung ang ibinigay Niya ay ginagamit natin sa tamang
paraan…hindi na kailangan pang mag-ingay at magyabang.
Sa isang banda, ang likas na ugali ng taong
ayaw magpakumbaba dahil hindi niya nakasanayang magpaubaya, na lalong
pinaigting pa ng pagiging masalita ay isa sa mga dahilan kung bakit magulo ang
mundo. Karamihan ng mga tao sa mundo ay ayaw magpaubaya dahil para sa kanila,
ito ay pagpapakita ng karuwagan at pagkatalo. Ito ang mga taong ayaw
magpalamang, kahit ang ipinaglalaban nila ay hindi rin naman mabuti, kaya ang
nangyayari ay nagpapakitaan sila ng masamang ugali o sa salitang kalye ay nagpapataasan
ng ihi…nagtatapatan ng kasamaan.
Ito ang nangyayari sa bansang Pilipinas.
Dahil may nag-umpisang mangurakot sa kaban ng bayan, pagdidiin ng iba, “siya
lang ba?”, kaya sila ay nangurakot din. Ang kawawang Pilipino ay naiwang nakanganga
dahil sa mga taong ayaw magpatalo sa kapwa kurakot, kaya nakikurakot din ng
pinaghirapang pondo na nakalagak sa kaban ng bayan….animo mga buwitre na nagpapaligsahan sa paglapa ng katawan
ng biktimang naghihingalo!
Discussion