Si Tiya Iskang Madasalin
Posted on Tuesday, 30 December 2014
Si Tiya Iskang
Madasalin
Ni Apolinario Villalobos
Sa aming bayan, nakalakhan ko na si Tiya Iska na madasalin. Ang apelyido niya ay Peñalosa. Maliit siyang babae, may lampas balikat na buhok at maliit
ang boses. Bago pumutok ang araw ay makikita siyang naglalakad ng halos isang
kilometro papunta sa simbahan, may belo ang ulo. Dahil debuto siya ng Mahal na
Birhen, ang kanyang puting damit ay nasisinturunan ng sutlang kulay asul na
mapusyaw.
Sa misa ay nangingibabaw ang kanyang boses sa pagkanta. At
kung oras na ng komunyon, siya ang unang tatayo at halos takbuhin ang harap ng
altar upang unang mabigyan ng ostiya. Kung may prusisyon naman, siya ay
palaging nasa unahan ng karo ng imahe ng Mahal na Birhen. Namumuno din siya sa
mga nobena at pagdasal ng rosaryo. Tuwing Flores de Mayo naman, tumutulong siya
sa pagturo sa mga bata ng dasal at kantang pangsimbahan. Nanghihingi din ng
tinapay sa mga panaderya upang maipamigay sa mga bata.
Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit siya nililibak, sa
kabila ng kanyang mga ginagawa. Wala naman siyang ginagawang pagpapa-istaring.
Ang nakikita ko sa kanya ay ang kaseryusuhan niya sa pagsamba sa Diyos, lalo na
sa pagtupad sa kanyang debosyon sa Mahal na Birhen. Isang beses ko lang siyang nakausap, at noon
ay nang inalalayan ko siya papunta sa kumbento dahil nahilo. Pauwi na ako nang
hapong yon galing sa klase at nakita ko siyang nakasandal sa puno ng kaimito
dahil nahilo. Hindi pala nakakain ng tanghalian.
Nasa high school ako noong masubaybayan ko ang ilang yugto
ng buhay ni Tiya Iska. At naalala ko siya sa panahon ngayon na kailangan ang
pagbabalik-loob ng tao sa Diyos. May mga pagpipilian ang mga tao:
magbalik-Islam, magpaakay tungo sa iba’t ibang sekta ng Kristiyanismo o
magbagong-loob bilang Katoliko.
Kung wawariin, hindi dapat ibatay sa kinaanibang grupo o
simbahan ang kabanalan o pagkamaka-Diyos ng isang tao. Maging bukal lang sa
kalooban ang pagsamba at pagdasal tulad ng ginawa ni Tiya Iska, palagay ko ay
maaari na. Dapat walang pagkukunwari ang pananampalataya, tulad din ng ginawa
niya.
Alam kong marami pang Tiya Iska ang makikita sa iba’t ibang
panig ng mundo. Sila ang salamin natin sa buhay pagdating sa mga bagay na
ispiritwal. Huwag tayong bulag o magmaang-maangan, bagkus ay dapat maging
mapagpakumbaba sa pagtanggap ng ating mga ispiretwal na kakulangan upang
mapunan natin kung ano man ang mga ito. Kung may makita tayong isang Tiya Iska
sa panahon ngayon, gayahin na lang natin, huwag libakin….pasalamatan pa dapat
dahil naipamukha niya sa atin ang ating mga kakulangan o kamaliang dapat
baguhin.
Discussion