NAKAKAHIYA!...Dahil sa Kapalpakan ng Bureau of Corrections, pinagtatawanan ng buong mundo ang Pilipinas!
Posted on Tuesday, 16 December 2014
NAKAKAHIYA!...
Dahil
sa Kapalpakan ng Bureau of Corrections
Pinagtatawanan
ng Buong Mundo ang Pilipinas!
Ni Apolinario Villalobos
Pinapalala lamang ng kasalukuyang Director
ng Bureau of Corrections na si Franklin Bucayo ang palpak na katayuan ng nasabing
kagawaran habang nagbibigay siya ng pahayag sa mga interview. Sa unang
interview pa lamang sa kanya noon bilang reaksyon niya sa nadiskubre ng
nag-inspeksiyon na mga senador ay puro pambobola na ang kanyang mga sinabi
dahil siguro inaakala niyang bobo ang mga sumusubayby sa issue.
Sa pinakahuli niyang interview pagkatapos
ng operation ng DOJ at PDEA sa National Bilibid Prison (15 December), ay
“inaako” niya ang pangunguna sa nasabing operation, ganoong ito ay sa
initiative ng DOJ. Kaya nga pumasok sa eksena ang DOJ at humingi na ng tulong
sa PDEA ay dahil walang nagawa si Bucayo sa kabila ng kung ilang buwang palugit
na ibinigay sa kanya. Wala nang ginawa si Bucayo ay nang-agaw pa ng credit!
Sa bibig ni Bucayo mismo ay lumabas ang
impormasyon na nag-iinspeksiyon lamang siya kung may mga kaguluhang nangyayari.
Ang isa pang dahilan kaya hindi niya regular na nai-inspection ang maximum
security compound ay dahil sa lawak ng kulungan, at maraming pasikut-sikot kaya
nakaliligaw. Wala siyang dahilan na hindi pag-ukulan ang pag-iinspeksyun dahil
sa loob din naman siya ng compound nag-oopisina. Dahil sa mga sinabi niya,
parang siyang isda na nahuli o nabingwit dahil sa bibig niya. Dahil sa
pagmamagaling niya, hindi niya naisip na ipinagkanulo niya ang kapalpakan ng
kanyang pamumuno!
Nakakatawa pa ang pagrerekomenda niya ng
mga patakaran, ganoong ang mga ito ay siya niyang mga dapat ginawa o ginagawa
bilang hepe ng kagawaran! Gusto niyang palabasin na may laman din pala ang isip
niya subalit mali naman ang diskarte niya. Baka kaya siya nagrerekomenda ay
gusto niyang si de Lima ang magpatupad ng mga ito!
Marami na siyang dapat ginawa mula pa noong
unang araw pa lamang ng kanyang pagkatalaga na ang dahilan ay mismanagement din
ng pinalitan niya. Dapat noon pa man ay gumawa na siya ng mga hakbang batay sa
mga problemang pinaputok noon ni Kabungsuwan Makilala, subalit nagsayang siya
ng panahon mula noong unang araw na pag-upo niya hanggang ngayon. Kung talagang
may laman ang mga sinasabi niya sa mga interview, dapat nagpakita siya ng mga
plano niya o mga rekomendasyon na nakasulat – in black and white, sa mga
reporter! Hindi yong salita siya ng salita ng harap pa mismo ng kamera kaya
nagmumukha siyang katawa-tawa. Kung naka-black and white ang mga sinasabi,
hindi masasabi ng mga tao na wala siyang ginawa, sa halip ay susuportahan pa
siya dahil hindi pinansin ang kanyang mga isinumite kung kanino man…subalit
talagang hanggang salita lang siya. At, lalo sanang hindi siya masisisi ngayon.
Maaalala na noong pumutok naman ang isyu
tungkol sa paglabas-labas ni Leviste sa kanyang kulungan ay pumunta pa si
Miriam Santiago sa NBP at ang unang hinanap ay ang “operating manual” subalit
wala silang nailabas na updated. Ibig sabihin hanggang ngayon ang mga security
measures nila ay outdated! At sila ay nag-ooperate lamang sa mga paisa-isang
memo na iniisyu kung kinakailangan. Dapat ang puntong yon ang pinagtuunan ng
pansin ng bagong Director dahil ang mga patakaran ang siyang gagabay sa kanya
sa pagpapatakbo ng national penitentiary.
Ang planong modernisasyon ng NBP ay noon pa
pinag-uusapan, maraming taon na ang nakalilipas at may napirmahan na ngang
batas para dito at anumang oras ay maglalabas na ng budget, kaya hindi dapat
akuin na naman ni Bucayo. Kasama sa modenisasyon ang pagtataas ng sweldo ng mga
kawani at pagpatayo ng mas malaking national penitentiary. Ang mga ito ang
binabanggit ni Bucayo na “sana” daw ay mangyari. Ang hirap sa kanya, papasok sa
isyung ito na tapos na, at wala pa siyang kinalaman. Kaya ang mga inaasta niya
ay malinaw na nagpapakita ng kawalan niya ng kaalaman sa pagpapatakbo ng isang
kagawaran. At dapat lang na LAHAT mga kasalukuyang kawani lalo na ang mga
namumuno ay hindi makinabang sa mga benepisyo na ibibigay ng bagong batas para
sa modenisasyon ng NBP.
Ang dapat kay Bucayo ay patawan ng kasong
administratibo dahil sa kapabayaan, batay sa prinsipyo ng “command
responsibility”. Isa si Bucayo sa mga patunay na hindi lahat ng mga retired
general ay maaasahan sa pagpapatakbo ng mga ahensiya na nangangailangan ng bruskong
namumuno….dapat ay may talino rin. Ang lahat ng mga nakatalaga sa NBP ay dapat
tanggalin at suspindihen habang may imbistigasyong ginagawa. Maaari silang
palitan pansamantala ng mga military police upang mawala ang “familiarity” sa
mga nakakulong.
Dahil
sa mga nakakahiyang anomalya na kinasasangkutan ng Bureau of Corrections,
napatunayan na hindi epektibo ang mga retiradong opisyal ng military o police
sa pagpapatakbo nito. Ang mga detinado sa NBP ay mga taong napariwara ang
buhay, nagkasala sa lipunan, hindi nakipag-away sa giyera. Kaya sila ipinasok
sa kulungan ay upang mabigyan ng isa pang pagkakataon upang magbago at sa
paglabas nila ay maging kapaki-pakinabang na mamamayan ng bansa.
Ang
kailangang mamumuno sa Bureau of
Corrections ay may alam sa “office management” upang makagawa ng mga
alituntuning maayos at pang-sibilyan, at
lalong dapat ay may alam din sa sikolohiya o psychology. Ang mga kulungan ay
hindi military camps kaya dapat itigil na ng mga presidente ng Pilipinas ang
pagtalaga ng mga retired generals ng military o police para sa pamunuan nito.
Dapat ang mga italagang mamumuno ay mga taong nakakaunawa sa mga taong ang
takbo ng isip ay dapat maibalik sa katinuan upang maging kapaki-pakinabang na
mamamayan.
Dapat
ituring na leksiyon ang anomalya sa national penitentiary at ang parusa sa mga
nagkamali ay dapat mabigat upang maging babala sa ibang mga empleyado ng
gobyerno na korap at pabaya sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin!
Discussion