0

Ang Pagpapakatotoo

Posted on Saturday, 20 December 2014



Ang Pagpapakatotoo
ni Apolinario Villalobos

Hindi kailangang magkunwari ang isang tao upang magkaroon ng kaibigan, kahit pa best friend. Kung ano ang tunay na katayuan sa buhay, ito ang dapat ipakita sa mga kaibigan.

May isa akong nakilala noon sa isang okasyon na ang impresyon ko ay mayaman, dahil may kotse, at ang mga damit ay hindi ang mga tipong nabibili sa sale o bargain section ng department store. Magaling siyang magdala ng iba pang burloloy sa katawan, hindi trying hard ang dating. At, sa maliitang umpukan na inuman, siya palagi ang taya sa gastos. Subalit ni minsan ay wala siyang inimbita sa kanilang bahay kahit sinuhestiyon na namin ito upang makatipid.

Sa isang hindi maiwasang pagkakataon, nagpatsek siya sa akin ng mga dokumento na kailangan niya sa kanyang trabaho…kailangang i-edit. Dahil emergency, isinama niya ako sa kanyang bahay. Doon ko nalaman na isang maliit na kwarto ang inuupahan niya, kasama ang asawa at dalawang anak, walang sariling kubeta at importanteng refrigerator. May computer siya pero lumang modelo. Ang kotse ay pinaparada niya sa harap ng barangay hall, isang bloke mula sa kanila, dahil eskinita ang daanan papunta sa tinitirhan niya na entresuwelo lang ng isang lumang bahay.

Nang magawa ko ang mga papeles, nagpasalamat siya sa akin at bibigyan sana ako ng bayad. Subalit tinanggihan ko, sa halip ay may hiniling ako. Nang tanungin ako, diretsa kong sinabing magbago siya. Akala ko magagalit sa sinabi ko, hindi naman, yumuko at tumahimik. Sinundan ko ang sinabi ko ng paliwanag na hindi niya kailangang “bumili” ng kaibigan. Dahil kaya naman ng suweldo niya, sinabihan kong lumipat ng tirahang maayos para sa kapakanan ng mga bata.

Mahigit isang buwang hindi namin siya nakita, kaya maraming naghanap sa kanya dahil nawalan nang maglilibre ng alak. Isang araw nakatanggap ako sa kanya ng text, may ipapagawa daw uli at magkikita kami sa isang lugar, ibinigay ang address na pinuntahan ko. Isa palang maliit na apartment sa Pasay. Nakalipat na pala. Ang ginawa niya ay ibinenta ang kotse upang magamit ang pera sa paunang bayad at deposito, ang natira itinabi para sa emergency.

Pagkatapos kong batiin sa bagong buhay niya, sinabi niya na noon pa pala niya gustong tumigil sa pagporma pero natatakot siyang mawalan ng kaibigan kaya panay ang gastos niya sa inom upang hindi sila mawala. Mula noon ay hindi na siya nagpakita sa kanyang mga “kaibigan”.

Dapat mag-ingat sa pagpapakita ng hindi totoong pagkatao dahil ikakapahamak lang ito. Gagamitin din ang ipinakitang impression na batayan ng iba upang makapag-abuso. Ang iba ay nakikidnap dahil akala ay mayaman kaya itinuturo sa kakutsabang kidnaper. Yong iba ay isinasangkalan sa mga kagipitan dahil ang akala ay may kayang makatulong sa pamamagitan ng pera na wala naman pala. Yong iba ay sinasakripisyo ang panahon para sa pamilya para lang maipakitang marunong silang makisama kaya halos hindi na maipagluto ang mga anak at asawa.
Ang tunay na kaibigan ay hindi kailangang bilhin sa pamamagitan ng pera at sobrang pakisama. Lulutang ang tunay na pakikipagkaibigan kung ang samahan ay walang bahid ng pagkukunwari at taos sa puso ang pinapakita.

Discussion

Leave a response