Ang Masamang Halimbawa...ng mga opisyal ng gobyerno
Posted on Tuesday, 2 December 2014
Ang
Masamang Halimbawa
…ng
mga opisyal ng gobyerno
ni Apolinario Villalobos
Ang pagkakataon na ibinibigay ng batas at
husgado, na pinaigting ng “katalinuhan” ng abogado, at lalo pang pinatingkad ng
kabagalan sa pag-usad ng hustisya ay nagpapalakas ng loob ng mga may kaya sa
buhay upang makaligtas sa kaparusahan kung may nagawa silang kasalanan. Palagi
nilang sinasabi na “magkita na lang tayo sa husgado”, o hindi kaya ay
“kailangang mapatunayang may kasalanan ako bago ako husgahan…”.
Dahil sa dami ng mga makabagong gadyet na
naglilipana at nakakapag-record ng mga nangyayari, ang isang krimen ay
nakukunan ng CCTV o di kaya ay camera ng cellphone man lang. Sa kabila nito,
ang nahuli sa aktong nagkasala ay binibigyan ng karapatang ipagtanggol niya ang
kanyang sarili sa hukuman, isang bagay na magastos kung ang naapi o naagrabyado
ay walang perang pambayad ng abogado. Ang nahuli naman sa aktong gumawa ng
krimen ay nakakapag-piyansa para sa “pansamantalang” kalayaan kuno, pero sa
katagalan ay nakakagawa ng paraan upang “mabili” niya ng tuluyan ang kalayaan,
di kaya ay umaabot sa puntong nagkakalimutan, o di kaya ay tuluyang pagkabura
ng kaso dahil sa teknikalidad.
Ang nararamdamang sakit ng katotohanan
tungkol sa mabagal na pag-ikot ng gulong ng hustisya ay lalo pang nadagdagan
ang hapdi dahil mismong mga nanunungkulang mga opisyal ng gobyerno ay
nagpapakita ng gilas na kaya nilang paikutan ang mga batas. Gamit ang mga
standard na salitang nabanggit na tulad ng “magkita na lang tayo sa husgado” at
“kailangang mapatunayang may kasalanan ako bago ako husgahan…”, parang walang
ano man kung sila ay may kayabangang umasta sa harap ng mga kamera upang
magdeklara ng kanilang kainosentihan.
Dahil sa nabanggit na asal ng mga opisyal
sa gobyerno, nagagaya tuloy sila ng mga
may isip-kriminal na pangkaraniwang mamamayan. Ang resulta, maraming krimen ang
hindi nalulutas sa kabila ng pagkahuli ng mga sangkot na dahil sa pera ay
nakakayang magpabagal ng kaso o maglagak ng piyansa, o magbayad ng huwes.
Sa kaso ng Pilipinas, mahirap mangyaring
mawala ang mga masamang halimbawa na naglilipana sa mga bulwagan ng pamahalaan.
Ang magagawa lamang marahil ng mga matitinong Pilipino ay mag-ingat.
Discussion