0

Maging Maunawain Sa Damdamin ng Ating Kapwa

Posted on Sunday, 14 December 2014



Maging Maunawain
Sa Damdamin ng Ating Kapwa
Ni Apolinario Villalobos

Lahat ng nilalang sa mundo na may buhay ay may damdamin…lalo na ang tao. Kadalasan dahil sa pagiging makasarili natin, nakalimutan nating isaalang-alang ang damdamin ng kapwa natin tao. Alalahanin din natin na hindi lahat ng damdamin ay magkakatulad. Mayroong mga taong hindi alintana ang pagbatikos o pagpula sa kanilang pagkatao. Mayroon ding madaling masaktan ang damdamin kahit sa pahapyaw na pagpuna ng kanilang pagkatao.

Kung may napupunang ibang ugali, kilos, o pananalita, subalit likas na sa isang tao, at hindi naman nakakapinsala ng kapwa, dapat huwag na lang itong bigyan ng pansin. Masasaklawan na kasi ang karapatan ng napupuna, at masasaktan lang ang kanyang damdamin. Ang dapat punahin ay ang mga gawi na makakasakit sa iba.

Kadalasan, ang taong nasaktan ang damdamin, kahit wala namang ginagawang masama, ay nawawalan ng tiwala sa sarili. Ang iba kasi sa atin ay mahilig magbatikos o magpuna kahit wala namang maayos na batayan o dahilan. Sila yong walang pakundangan sa pagsalita, na hindi nila alam ay nakakasakit na pala sila ng iba. Mabuti sana kung marunong humingi ng paumanhin ang nakasakit nang hindi sinasadya. Sa klase ng ugali nilang walang pakundangan, inaasahan ding hindi madali sa kanila ang humingi ng paumanhin.

Ang isang suhestiyon upang maiwasang makasakit ng damdamin ng kapwa ay, huwag magpadalus-dalos sa pagbitaw ng salita, lalo na sa mga taong hindi pa gaanong kilala. At, lalong mag-ingat sa pagbitaw ng salita sa mga taong kilala nang madamdamin. Magagawa lamang ito kung palalawakin natin ang ating pang-unawa sa ating kapwa.

Ating tandaan na ang salitang nabibitawan ay hindi na mababawi. Sa mga taong nagkaka-aregluhan ng kanilang hidwaan,  ang sinasabing binawing salita ay patuloy pa ring nakatanim sa isipan ng pinagsabihan. Hindi rin kayang pahilumin na tuluyan ang sugat ng damdamin sa pamamagitan ng paghingi ng paumanhin. Sa pag-usad ng panahon, ang sakit na mararamdaman ay maaaring mabawasan subalit ang alaala ng nadanasan ay hindi mawawala. 



Discussion

Leave a response