Sa Pagngiti...para kay Lorie Gonzaga - Cantimbuhan
Posted on Monday, 29 December 2014
Sa Pagngiti…
(para kay Lorie
Gonzaga-Cantimbuhan)
Ni Apolinario Villalobos
Ang mga mata ay bintana ng ating pagkatao
Ngiti naman ang nagpapahiwatig ng ating damdamin -
Kung bukal ba sa loob ang pakikipagharap sa ating kapwa
Dahil kung ganoon naman, ay mababakas sa ating mukha.
May mga ngiting matipid kung ipakita sa iba
Kaya halos ayaw ibukang mga labing tiim sa pagkalapat
Meron ding mga ngiting nagpapagaan ng loob sa kausap
Kaya, pagkapalagayang loob ay nangyayari sa isang iglap.
Sa mukha ni Lorie, na nababanaagan ng ganda
Ang matamis na ngiti’y naging bahagi na at nakaukit din
Nagpapahiwatig ng kanyang kaloobang ubod ng dalisay
Puhunan niya sa pagtahak sa landas ng magulong buhay.
Matamis na ngiti’y nagpapaaliwalas ng mukha
At pati na rin paligid ay naaambunan din nito ng liwanag
Ang patunay ay si Lorie, kahit unang beses lang na kausap
Nakakagaan ng loob, nakakapanatag, kung siya’y kaharap!
Discussion