0

Pagsisikap: Puhunan ng Buhay Na Hindi Mawawala at Walang Katumbas

Posted on Monday, 15 December 2014



Pagsisikap:  Puhunan ng Buhay
Na Hindi Mawawala at Walang Katumbas
Ni Apolinario Villalobos

Ang puhunan ng Diyos nang  likhain niya ang tao ay ang buhay nito na may kasamang talino. Ang tao naman ay dapat na tumbasan itong ibinigay na puhunan, sa pamamagitan ng pagsisikap. Ang pagsisikap ay likas nang bahagi ng ating pagkatao at naghihintay lamang na mapitik upang magising.

Walang katumbas na halaga ng salapi ang pagsisikap at hindi rin ito mawawala kailanman sa ating pagkatao. Habang may buhay tayo, nasa diwa natin ang pagsisikap upang mabuhay. Ang katanyagan at perang makakamit dahil sa pagsisikap ay maituturing na “tubo”. Ang tubong ito ay dapat na ituring na biyaya na dapat ay ipamahagi, hindi dapat maimbak. Maraming matutulungang tao kung ang mga tubong natamo dahil sa pagsisikap, ay magagamit nang walang pag-imbot.

Ampaw ang buhay na walang pagsisikap, dahil walang katuturan ang pamamalagi sa ibabaw ng mundo. Bawa’t tao ay pinaglaanan ng Diyos ng layunin sa mundo na kailangang matupad. Nagkakaiba ang mga layunin ng mga tao. At, lalo na ang pamamaraan ng pagsisikap upang makamit ang layunin ng bawa’t isa. Ito ang dahilan kung bakit hindi tayo dapat manibugho sa mga nakamit ng iba na sa tingin natin ay nakakahigit sa nakamit natin.

Pagdating ng araw ng pagharap natin sa Kanya, hindi tayo tatanungin nang may panunumbat kung gaano kadaming pera ang ninakaw natin sa kaban ng bayan bilang tiwaling  senador o kongresman. Hindi rin tayo tatanungin kung ilang overseas workers ang naloko natin bilang illegal recruiter. Hindi rin tayo tatanungin kung ilang kabataan ang napariwara natin sa pagbenta ng shabu. Ang itatanong lang sa atin ay kung nagamit ba nang maayos ang puhunang ibinigay niya sa atin …kung naging makabuluhan ba ang buhay natin sa mundo…na ang ibig sabihin ay kung pinagsikapan ba nating gawin ito at sa tamang paraan?

Nagawa naman kaya natin?

Discussion

Leave a response