0

Maging Totoo sa Pagbigay ng Regalo o Tulong

Posted on Wednesday, 17 December 2014



Maging Totoo
Sa Pagbigay ng Regalo o Tulong
Ni Apolinario Villalobos

Sa lahat ng pagkakataon, dapat maging totoo tayo sa pagbigay ng regalo o tulong. Huwag tayong magregalo o magbigay ng tulong, para lang masabi na may naibigay tayo. Kailangang isaalang-alang ang kabuluhan ng ibibigay sa taong bibigyan. Ang regalo ay hindi kailangang mahal upang magustuhan ng bibigyan. Ang tulong naman ay hindi kailangang malaki, basta angkop sa pangangailangan.

Kung minsan pumapalpak ang mga regalong binibigay sa mga bagong kasal o may bertdey, kaya sa halip na magamit ay dinidispley na lamang, o di kaya ay nireregalo na lang sa iba. Sa mga maysakit naman, dapat isipin ang kalagayan ng binibigyan. Halimbawa, ang mga may sakit na hindi na makakakain ng maayos dahil mahina na ang panunaw at  mga ngipin ay hindi dapat  nireregaluhan ng mga pagkaing hindi angkop sa kanila, kaya nabubulok lamang ang mga ito, o di kaya ay pinakikinabangan ng ibang tao.

Ang mga taong maysakit na alam namang hirap sa buhay, dapat ay regaluhan na lang ng pera na makakatulong pa ng malaki. Ang perang iaabot ay hindi dapat ituring na abuloy, kung hindi ay pandagdag sa gastusin. Hindi dapat isiping nakakahiya ang anumang halaga na maiaabot sa maysakit, dahil may kasabihang, sa taong nangangailangan, kahit piso ay mahalaga.

Hindi mahirap ang maging totoo sa pagbigay ng regalo o tulong, basta ilagay natin ang ating sarili sa katayuan ng taong inaabutan natin nito.

Discussion

Leave a response