0

Ang Pagreklamo at Pagpuri

Posted on Tuesday, 2 December 2014



Ang Pagreklamo at Pagpuri
Ni Apolinario Villalobos

Hindi natin maiwasang magreklamo kung may madanasan tayong gawi ng ibang tao na sa palagay natin ay hindi tama ayon sa ating pansariling panuntunan o sa pangkalahatang patakaran. Kung ang nadanasang gawi ay sumaklaw sa mga alituntuning may kinalaman sa trabaho ng taong nirereklamo, ang dapat na hanapin ay ang nakakataas sa kanya upang matawag ang kanyang pansin, at hindi na pamarisan pa ng mga kasama niya sa trabaho. Walang saysay ang pakikipagtalo sa taong nirereklamo, dahil kadalasan ay maaaring ipagtanggol lamang nito ang sarili, at walang makakapagsabi kung tama siya o mali.

Ang mas maganda sanang mangyari ay kung sa hindi maiwasang komprontasyon, humingi agad ng pasensiya ang nirereklamo, kaya dapat ang nagreklamo ay payuhan na lamang siya, upang hindi na niya ulitin ang ginawa. Hindi na kailangang dagdagan pa ang mga masasakit na salita kung mayroon mang nauna nang nasambit. Ang iba kasi na may kayabangan, ay mas lalo pang nagtutungayaw kahit nagpakumbaba na ang nirereklamo. Ang gustong palabasin sa maingay na paraan ay tama siya…at nanalo!

Dapat ding tukuyin o tumbukin ang bagay o gawi na nirereklamo. Kung empleyado ng isang kumpanya ang may mali, dapat siya ang tinutumbok ng reklamo, hindi ang buong kumpanya, upang hind maging unfair sa ibang empleyado na maaayos naman ang ginagawa.

Kung may nairereklamo, hindi maaaring walang napupuri. Malaking bagay sa mga kumpanya o organisasyon ang makatanggap ng mga papuri, maliban sa mga reklamo upang malaman nila kung tama ang kanilang mga ginagawa. Huwag tayong maramot sa mga papuri, kung mayroong dapat na matukoy nito. Makakatulong ito sa mga empleyado o taong gumagawa ng lahat ng makakaya upang mapabuti ang kanilang trabaho at pamarisan ng iba.

Para sa akin, hindi masama ang maireklamo kung minsan dahil may mga bagay tayong ginagawa na akala natin ay tama. Kung tayo, ay nirereklamo sa tamang paraan, dapat ay tanggapin natin ang kamalian ng buong pagpapakumbaba at humingi ng pasensiya. Ituring nating inspirasyon ang mga papuring natatanggap natin upang magsilbing pandilig sa ating mga ginagawa na mabuti pala, upang lalo pang umusbong ang mga ito.

Discussion

Leave a response