0

Tao Pa rin ang Magdadala Para sa Kaayusan ng Bansa...hindi batas

Posted on Thursday, 18 December 2014



Tao Pa rin ang Magdadala
Para sa Kaayusan ng Bansa…hindi batas
Ni Apolinario Villalobos

Maski may magagandang batas ang Pilipinas, kung hindi ito naipatutupad ng maayos ng mga dapat magpatupad, ang mga ito ay mawawalan rin ng silbi. Kaya lumalabas na ang tao pa rin na may maayos na takbo ng isip at magandang ugali ang kailangan. Sa buong mundo, bukod tanging Pilipinas ang may pinakamarami at pinakamagandang mga batas na naipasa. Sa kasamaang palad, hanggang papel lamang ang mga ito. Sa mga hindi naipatutupad, ay idinadahilan ang kawalan ng budget para sa support facilities. Sa mga naipatutupad, hindi naman maayos ang pagsasagawa dahil sa umiiral na corruption.

Walang batas na hindi nakikitaan ng butas na nasisilip ng mga corrupt na tagapagpatupad upang pagkitaan nila. Halos lahat ng batas ay napapaikutan ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno. Ang mga mambabatas namang tiwali ay sinisiguro na may pakinabang sila sa mga batas na ipinapasa nila….sinisiguro nila na may mga probisyong maaari nilang paikutan upang kumita, at kung hindi man sila ay ang mga kaalyado na gagamit ng mga batas na ito.

Halimbawa na lamang ay ang mga batas para sa mga infra-structure project ng gobyerno na kung hindi dahil sa anomalyang kinasangkutan ng mga Binay ay hindi nabistong marami palang butas. Ang mga batas sa pagpapatupad ng mga proyekto sa pamamagitan ng non-government organizations (NGO) ay ganoon din, kaya lumitaw din ang eskandalo ng mga ghost NGO at proyekto ni Napoles.

Ang mga batas sa recruitment ng mga pulis ay nakitaan din ng mga butas kaya nahaluan ng mga tiwaling bagong pulis ang hanay ng kapulisang matino. Ang mga pamimili ng gamit para sa mga ahensiya, lalong nakitaan ng maraming butas kaya hindi maaaring walang kumita dahil sa malalaking patong.

Sa isang banda, kahit may mga diperensiya sana ang mga batas na pinatutupad, hindi pa rin magiging dahilan ang mga ito upang pumalpak ang pagpapatakbo ng gobyerno kung matino ang mga opisyal na nagpapatupad. Maaayos naman sana ang makikitang diperensiya, sa tulong ng mga imbestigasyon para sa ikabubuti ng mga batas na naipasa na, o yong sa Ingles ay “investigation in aid of legislation”. Subalit hinihintay pang may mga kumita o nangurakot at nagkabistuhan bago gawin ang mga imbestigasyon. Dahil “reactive” at hindi “preventive” ang uri ng gobyerno, patung-patong na mga pinsala ang hinahayaang mangyari muna bago kumilos ang mga kinauukulan upang “mag-imbistiga”.

Para sa mga kagawarang nakitaan ng katiwalian, hindi sapat ang pagpapasa ng mga bagong batas o pagbabago ng mga palpak na umiiral nang batas upang mapatino ang mga ito. Sa bandang huli, kahit pakialaman pa ng Diyos ang paggawa ng mga batas kung isip kriminal at kurakot ang mga magpapatupad ng mga ito, parang wala ring batas na sinusunod, kaya walang mangyayari…at magugulo pa rin ang pagpapatakbo ng gobyerno!...yan ang umiiral sa kawawang bayan ng mga Pilipino!
Sa personal kong pananaw, dahil  tao ang may diperensiya sa maayos na pagpapatupad ng mga batas, ang dahilan ay nasa pagkatao niya makikita….ang kanyang kasakiman! Hangga’t umiiral ang kasakiman ng tao, patuloy na magiging miserable ang buhay sa mundo!




Discussion

Leave a response