0

Usapan namin ng Katabi ko sa Bus

Posted on Friday, 23 September 2016

USAPAN NAMIN NG KATABI KO SA BUS…
Ni Apolinario Villalobos

Ang nagpasimula ng usapan namin ay ang balita sa bus TV na nagbo-brodkast ng mga katiwalian sa gobyerno habang pauwi ako sa Cavite mula sa Lawton.

Katabi ko:  Yan ang hirap sa ibang opisyal natin, eh, ginagawa tayong bobo.

Ako:  Basta, ako hindi bobo. (Pahiwatig na ayaw kong makipag-usap, pero makulit ang katabi ko).

Katabi ko: Tulad noong babaeng opisyal, sana ay diniklara niya sa kanyang, ano ba yun?...Salain?...Salsalhin?...Salsalin?

Ako: SALN…Statement of Assets, Liabilities and Net Worth. Ang bastos mo!....siguro napanood mo ang video.

Katabi ko:  Yon na nga….sana isinulat na lang niya doon ang pangalan ng kanyang kabit dahil okey yata ang asset nito? Dapat din niyang ideklara ang raket niyang pagpa-pyramid ng pera dahil hinihingi ang kanyang network (dinig niya sa net worth ay network)…o radio station kayang pagma-may-ari niya? Anong video nga pala?

Ako:  Ewan ko. (kunwari, inaantok ako, pero makulit talaga ang katabi ko.)

Katabi ko:  Ibig kong sabihin, video ng asset ng kanyang kabit?

Ako:  Sinong may kabit?

Katabi ko:  (tumahimik siya, pero sandali lang)….kung pagmamahalan ang sinasabi sa balita, dapat hayaan na lang.

(Tahimik pa rin ako)

Katabi ko: Mabuti na yon kaysa kumuha siya ng callboy…baka may AIDS pa.

(Tahimik pa rin ako)

Katabi ko:  tahimik ka yata, pare…

Ako:  Inaalala ko lang ang kaibigan kong bumaril ng kapitbahay niyang madaldal lalo pa kung lasing ito dahil pati paglalandi ng mga aso sa lugar nila ay kinukuwento sa iba kesyo mga wala daw pinipili at delikadesa. Ayon nagalit ang kaibigan ko dahil ibinalita ng daldalero na askal daw ang pinakahuling nagbuntis sa aso niyang nabili niya ng 70thousand pesos.

Katabi ko:  Dapat lang pala siyang barilin.

Ako:  Mismo!....ako nga ay may nasikwat at nasakal na noon na isang madaldal din, eh. Hindi lang namatay dahil inawat kami ng misis niya na nagmakaawa. Pero yong isa, sinipa ko palabas ng bus(biglang tumahimik siya).


Nang bumaba ang nasa harap namin, lumipat ang katabi ko sa nabakanteng upuan. Maya-maya ay tumayo at inabutan ako ng apat na mansanas na laman ng plastic bag na bitbit niya. Pagkatapos kong magpasalamat ay natulog na ako dahil sa matinding trapik. Nang magising ako sa Baclaran ay wala na ang lalaking madaldal….. Praise the Lord!

Discussion

Leave a response