0

Hind Garantiya ang Pinag-aralan upang Makapagpakita ng Katapatan sa Sinasabi

Posted on Sunday, 25 September 2016

HINDI GARANTIYA ANG PINAG-ARALAN
UPANG MAKAPAGPAKITA NG KATAPATAN SA SINASABI
Ni Apolinario Villalobos

Sa pag-imbestiga kay Matobato sa senado, palaging sinasabi ni de Lima at Trillanes na Grade One lang daw ang inabot nito kaya dapat asahan ang mga inconsistencies sa mga sasabihin niya. Subalit nabisto ang maling impormasyon tungkol dito nang sabihin ng NBI na hanggang Grade Three ang inabot niya batay sa unang salaysay na hawak nila. Halatang kasama sa pagsisinungaling sa inabot na edukasyon ang inaasam na impresyon ng makakarinig sa sasabihin niya na gustong palabasing totoo dahil sa kanyang “pagka-ignorante” o dahil Grade One lang ang inabot.

Binoldyak ni Pacquiao ang balak ni Matobato at ng mga kung sino mang nagba-back up sa kanya. Tahasang sinabi ni Pacquiao na kung tapat siya sa kanyang sinasabi, dapat ay hindi pabago-bago ang mga ito dahil nanggagaling sa isip at puso, kahit Grade One lang ang inabot niya. Pero kung may nagdidikta pang iba, talagang malilito siya kaya ang resulta ay ang pabago-bago niyang mga sinasabi. Dahil sa animo ay pinraktis na mga salaysay mula pa noong unang pagpunta niya sa NBI dahil gusto siyang gamitin ng DOJ sa ilalim ni de Lima sa pagdiin kay Duterte sa mga kaso ng extra –judicial killing sa Davao, hindi tuloy tumugma ang mga salaysay niya.

Sa sinabi ni Matobato na nagpapabili daw si Makdum na “terorista” daw pala, ng malawak na lupain sa Samal upang gawing parang “training center”, imposible ang sinabi niya dahil ang isla ay halos kalbo na at ang mga tanim ay mga niyog lamang.  Paanong magagamit ng mga terorista na “training center” nila ang Samal na sa himpapawid pa lang ay animo hubad na sa paningin ng mga dudungaw sa eroplano ng commercial flights? Ang Garden City of Samal ay dinadaanan ng mga eroplano bago lumapag sa paliparan ng Davao kung ang direksyon ay pakanluran.

Sa sinabi niyang noong-noon daw ay kumita siya ng 300 thousand pesos o mahigit pa sa pag-aahente ng lupa, mukhang imposible din dahil noong wala pa ang mga resorts ay kamurahan pa ng mga lupain sa Samal, lalo at hindi rin productive dahil mahina lang din ang kita sa mga niyog. Kaya paano siyang kikita ng ganoon kalaki kung sa panahong ito nga, kahit house and lot ang ibenta sa paligid ng Maynila, ang kikitain ng ahente ay halos 200k pesos lang? Gusto niyang palabasing siya ay isang lehitimong “real estate agent” upang masabing ang ginamit niya sa pagbili ng mga baril niya ay galing sa trabahong ito….at hindi sa pagpatay ng tao.

Sa mga sinasabi niyang pinapapatay sa grupo nilang DDS kuno, hindi rin kapani-paniwala ang pinagpipilitan niyang wala siyang tinatanggap…kung totoo ngang “mamamatay tao” siya.  Hindi tanga ang isang hired killer na basta na lang papatay kung walang perang kapalit!  Noon pa mang hindi pa mayor si Duterte ng Davao, may mga naglilipana nang mga “hired killers” at vigilante groups dahil sa sobrang kaguluhan na ang tinuturong sentro ay Agdao kaya tinawag ito noong “Nicaragdao”. Naglipana ang droga at mga NPA. Masasabi ko yan dahil nag-second year high school ako sa Holy Cross of Agdao at tumira sa Ipil, isang “squatter’s area” na malapit sa Lanang Bay kung tawagin. Mula sa eskwelahan ay nagso-short cut kami sa slum area ng Agdao na nasa tabi ng dagat upang marating ang tabing dagat na binabaybay namin hanggang Ipil.

Sa mga testimonya niya sa senado ay nagbabanggit na rin siya ng uri ng baril na malamang ay dinikta din sa kanya dahil ito ang pinamimigay ni Duterte sa iilang mga sundalo bilang pabuya ngayon, upang palabasing ito (Duterte) nga ang may pakana ng mga pinpapatay nga mga kriminal sa Davao. Subalit napapagpalit-palit niya ang impormasyon tungkol sa mga baril kung uulitin ang mga tanong. Sa kagagamit niya ng salitang “parang”, lalo lang lumutang ang pagkasinungaling niya dahil lumalabas na wala naman pala siyang direktang nalalaman tungkol sa mga pakikipag-usap ni Duterte sa mga binanggit niyang mga pulis na palagi niyang sinasamahan kung may papatayin kuno. Pumalpak din siya sa pagsabi na inihahatid niya sa Ateneo de Davao si Paolo ang anak ni Duterte, pero ang katotohanan ay sa Philippine Women’s University pumapasok ito. Ang Ateneo ay sa sentro ng lunsod at ang PWU ay sa Matina area kung saan nakatira ang mga Duterte.


Kung sa puso at isip mismo ng taong nagsasalita ang mga sasabihin niya, ibitin man siya ang patiwarik, walang mababago sa sinasabi niya kung talagang matapang siya tulad ng pinapakita ni Matobato. Subalit kung may naisamang mga galing sa ibang tao, magkakaroon siya ng pagkalito dahil  dalawa na ang panggalingan ng mga lumalabas sa kanyang mga bibig, ang pansariling kaalaman at ang “itinanim” sa kanyang kaisipan. 

Discussion

Leave a response