0

Ang Malasakit ng Anak sa Magulang

Posted on Monday, 26 September 2016

ANG MALASAKIT NG ANAK SA MAGULANG
Ni Apolinario Villalobos

Iba na talaga ang panahon ngayon. Hindi na nakasentro ang malasakit ng mga anak sa kanilang mga magulang….subalit hindi ko naman nilalahat. Marami na ang napapalingan o napapagbalingan ng kanilang malasakit at atensiyon. Kasama diyan ang mga barkada at gadgets. Kung mapagsabihan, lalayas agad at pupunta sa barkada, at kung uutusan ay nagbibingi-bingihan dahil nagko-computer o nagpi-facebook pa. Obvious na nawala ang respeto, kaya paano pa silang magkakaroon ng malasakit kahit katiting man lang sa kanilang mga magulang?

May mga anak na hindi man lang inisip kung may perang mahuhugot ang magulang tuwing sila ay may ipabibiling gamit upang hindi mapag-iwanan ng mga kaibigan, dahil kapag sinabihan silang walang pera ay sasama na agad ang loob. Maraming mga anak din ang walang pagkukusa sa pagtulong upang gampanan ang mga gawaing bahay. Nahihiya silang makita ng mga kaibigang nagwawalis sa bakuran o tapat ng bahay. Ayaw ding magluto o maglaba dahil mayroon naman daw perang pambayad sa kasambahay…at lalung-lalo na “nandiyan naman si mama”!

Maraming mga magulang na sa kagustuhang maibigay sa mga anak ang magandang kinabukasan nila, halos igapang na nila ang pagpapaaral sa mga ito, kesehodang mabaon sila sa utang. Hindi rin nila alintana kahit wala silang maitabi para sa kanilang pagtanda o retirement upang may maipambili man lang ng mga maintenance drugs o pambayad sa doktor para sa kanilang regular na check-up. Ang masaklap ay kung dumating ang panahong nakatapos na ang kanilang mga anak at biglang nag-asawa ang mga ito kaya malabo na para sa kanila ang makapagtanaw man lang ng utang na loob dahil nakakahiya sa mga asawa nila. Samantala, ang mga magulang na nagpakahirap hanggang humina ang katawan ay naiwang nakatunganga!...pero ang pinakamasaklap ay kung nag-asawa na nga ay tamad namang maghanap ng trabao at nagsusumiksik pa rin sa piling ng mga magulang na matatanda na parehong retired, at ang mga pensiyon ay kulang pa nga sa kanila.

Kaya ako gumawa ng blog na ito ay dahil sa napansin kong pangyayari kung paanong tratuhin ang kumpare ko ng kanyang anak na may trabaho bilang call center agent. Nang pasyalan ko siya sa Pasay ay natiyempuhan kong nasa bubong ito at naglalagay ng vulca seal sa mga butas ng yero. Ang anak namang lalaki ay nakaupo sa harap ng bahay nila at busy sa pagpi-facebook gamit ang isang tablet. Nang tawagin niya ang anak upang maghagis ng basahan sa kanya, hindi ito sumagot.  Sa halip na sundin ang utos ng ama ay padabog na pumasok sa bahay at sinabihan ang katulong na gawin ang inuutos sa kanya. Sa awa ko sa kumpare ko ay ako na ang umakyat sa hagdanan upang iabot ang basahan sa kanya.

Yong isa namang kuwento ay tungkol sa anak na hindi man lang binuksan ang gate para sa nanay na hindi magkandaugaga sa pagbitbit ng pinamalengke. Hindi man lang sinalubong ng anak na busy rin sa pagpi-facebook gamit ang cell phone habang nakaupo sa labas lang ng pinto ng bahay nila. Hindi rin tumulong sa nanay niya upang maipasok ang dalawang grocery bags sa loob ng bahay.


Yong isa pang anak ay makapal naman ang mukha sa paghingi ng kanyang mamanahin “in advance”, na para bang may ipinatago sa mga magulang!...ang panahon nga naman!

Discussion

Leave a response