0

Ang Isang Bansa ay Parang Damit

Posted on Friday, 2 September 2016

ANG ISANG BANSA AY PARANG DAMIT
Ni Apolinario Villalobos

Dahil sa namamayagpag na operasyon laban sa droga sa Pilipinas, naungkat na naman ang kahalagahan at katatagan ng pamilya na dapat ay nakaangkla sa tibay ng moralidad ng mga magulang. Hindi katanggap-tanggap ang dahilan ng ibang drug pusher na kaya sila napipilitang magbenta ng droga ay gusto nilang kumita para sa pamilya nilang nagugutom. Kung ang ibang kinakapos ay nabubuhay sa pamumulot ng mapapakinabangan sa basurahan, bakit silang malalaki ang katawan na tadtad ng tattoo ay hindi gumamit ng malinis na paraan upang kumita? Kung halos hindi nga nawawalan ng sigarilyo ang bibig nila, at tuwing hapon lalo na kung Sabado o Linggo ay nakakapaglaklak pa sila ng alak, bakit sasabihin nilang naghihirap sila? Samantala, ang mga asawa naman nilang halos hindi rin nawawalan ng umuusok na sigarilyo sa bibig habang nagtotong-its ay hindi rin nahiyang magsabi na wala raw silang pambili ng bigas!

Maraming mga pilosopong Pilipino ang baligtad ang takbo ng isip….silang idinaan sa pagpalipas ng kalibugan ang pagtatag ng pamilya….hindi ng tahanan. Hindi sila gumawa ng plano kaya nang maglabasan ang mga anak ay sa kalye pinalaki. Ang pagsikap nila ay ginawa sa kalagitnaan ng kanilang pamumuhay kung kaylan ay marami na silang anak. Dahil diyan, paanong magkakaroon ng katatagan ang kanilang pamumuhay na idinadaan sa paraang “isang kahig, isang tuka”?

Sa kaso naman naman ng mayayamang pamilya na ang mga anak ay napariwara dahil sa droga, nangangahulugan lamang ito na maaaring nagkulang sa pagtugaygay ang mga magulang sa kanilang mga anak. Ito ang mga magulang na sa halip na bigyang pansin ang mga anak, ay mas inusto pang nakababad sa sosyalan kasama ang mga best friends, o di kaya ay ginugugol ang panahon sa mga pagkikitaan upang lalo pang madagdagan ang kanilang yaman.

Ang mga pamilya ay maituturing na mga hibla (fibers) na bumubuo ng barangay. Ang mga barangay ay bumubuo ng bayan o lunsod… na bumubuo naman ng mga lalawigan… na bumubuo naman ng buong bansa. Kaya kung wawariin, ang isang bansa ay parang damit na ang ikinagaganda ng uri at tibay ay batay rin sa uri ng mga hibla (fibers). Kung mahina ang mga hibla, madali itong mapunit…at kung salaula o balahura sa paggamit ang may-ari, maaari rin itong mamantsahan.

May mga paraan upang mapaganda ang isang gusgusing tela dahil sa karupukan nito….tinatanggal ang gulanit na bahaging napunit at ang butas ay tinatagpian o tinatapalan ng bagong tela. Upang matanggal naman ang mantsa, ito ay binababad sa zonrox, suka, kalamansi, o ikinukula upang mawala ang makapit na dumi. Sila ay mga paraang nangangailangan ng tiyaga. Subalit para sa isang tao na ayaw magtapon ng gulanit na damit, pagtitiyagaan niyang gawin ang anumang paraan na angkop upang maging maayos uli ito.


At, bilang panghuli, kung ihahalintulad naman sa isang organisasyon ang isang bansa, ang pinaka-sentro nito ay pamilya dahil diyan nagsisimula o nanggagaling ang lahat upang mabuo ang lipunan…kung mahina at hindi matatag ang mga pamilya, ang bansa ay hihina rin.

Discussion

Leave a response