0

Ang Information Technology sa Pilipinas

Posted on Monday, 12 September 2016

ANG INFORMATION TECHNOLOGY SA PILIPINAS
Ni Apolinario Villalobos

Unang-una, nakakatawa ang sinabi ng isang survey agency na kasama sa limang bansa ang Pilipinas na may pinakamabilis na kakayahan sa pag-upload at pag-down load. Nahihibang na yata itong survey agency dahil sa pagkonekta nga lang sa server ay inaabot na ng siyam-siyam kahit ilang kilometro lang ang layo sa cell site ng user. Sa kabagalan sa pagkonek sa internet, by the time na naging successful, halos ubos na ang load ng user na gumagamit lang ng nilolodan na broadband at wifi. Sa likod namin ay may tower ng Globe pero kapag nasa loob ng bahay ay hirap nang makipag-usap kapag Globe sim card ang gamit dahil kung hindi garalgal ang boses ay nawawala pa ilang saglit lang pagkatapos makakonekta….at kung hindi dalawa ay iisang guhit lang na signal ang nakarehistro sa cellphone at nawawala pa! Ibig sabihin palpak ang malapit tower!

Lumabas ang survey na binanggit sa panahong nilalakad ang pagpasok ng isa pang server na siguradong papatay sa serbisyo ng Globe at Smart. Ang masaklap pa ay binigyan ng National Telecom ang mga kasalukuyang server ng isang taon na sobrang napakahabang palugit, upang patunayan na talagang may kakayahan sila, kaya hindi na kailangan ang isa pang server. Kung ilang taon nang kinakalampag ang Globe at Smart dahil sa palpak nilang serbisyo at mahal na singil, bakit ngayon lang sila nagkakandaugaga sa pag-ayos ng kanilang serbisyo? Sa isang banda, ang isyu dito ay ang kapasidad at kakayahan ng kanilang mga gamit upang sabay na maserbisyuhan ang mga customer nila, pero lumilitaw na wala talagang kakayahan dahil pagdating ng “peak hour” kung hindi man mga drop calls ang nadadanasan, ang mga internet users ay nadi-disconnect na. Para bang gusto nilang sabihin na, “O, yong kaninang madaling araw pa gumagamit ng internet, pagbigyan naman ang mga bagong kokonekta ngayong tanghali”.

Sa isyu naman ng mga CCTV, may mga kamerang nakakabit sa mga poste subalit, itim naman ang lumalabas sa monitor ng barangay….sira! Kaya kung may mga kasong nangyari sa isang lugar at kailangan ang footages ng insidente, ang pinapakiusapan na lang ng mga pulis ay mga may-ari ng private CCTV.

Gusto ng gobyernong magkaroon ng national ID system, ganoong epektibong electronic connection nga lang ng mga ahensiya sa isa’t isa ay WALA. Ang NBI ay hindi sistematiko ang filing system sa kanilang opisina kaya simpleng “same name” na kaso ay hindi nila maresolba on- the-spot….pababalikin pa ang aplikante ng clearance pagkalipas ng ilang araw. Kaylan lang ay nabistong kahit ang pinakabagong Philippine passport na pinagyabang nilang tinawag na “E-passport” ay hindi rin ligtas sa katiwalian dahil sa pagkasabat sa mga Indonesian na may hawak ng mga ito. Ang sistema ng Department of Tourism, Commissison on Election, at Department of Foreign Affairs ay minsan nang na-hack. Ang SSS at COMELEC at iba pang ahensiya ay hindi nakakapag-isyu ng matinong ID at ang pag-isyu ay inaabot ng siyam-siyam, national ID system pa kaya? Palpak ang sistema ng SSS na pinagpipilitang ipadala by courier ang ID sa halip na hayaang ma-pick up ng miyembro….at NAPARAKAMING PAGKAKATAON na ang nagpatunay na hindi sila talagang nadi-deliver ng maayos dahil ang mga aplikante ay nakatira sa ilalim ng tulay at squatters’ are na walang postal address….subait hindi pa rin ito isinasaalang-alang o kinokonsidera ng SSS.
Ang national ID system ay obvious na pang-mayaman o para sa mga mamamayang nagtatrabaho sa mga opisina, kaya paano na ang NAPAKALAKING BAHAGI ng populasyon na nakatira sa mga probinsiya, liblib na barangay, at mga squatters’ area?

Dapat ay ipursige ang paglagay ng maliit CCTV sa katawan ng pulis at kanilang sasakyan upang ang galaw nila ay namo-monitor upang masigurong wala silang ginagawang kapalpakan. Ayaw ito ng PNP dahil “bulky” raw o dagdag-pabigat lang sa iba pang kasama na sa uniporme nila. Nakita ko ang fully- uniformed police at ni wala ngang batuta kundi short sidearm kaya paanong pabigat ang isang maliit na kamera na sinlaki lang ng tansan?

Ngayon dahil may mga operasyon Tokhang, kung walang taga-media ay walang nari-record sa mga ginagawa ng mga pulis. Problema pa rin ang mga checkpoint na panlaban sa terorismo kuno, ganoong ang ginagawa lang naman ay “tingin”. May super-vision ba ang mga pulis upang masigurong walang mga pambasabog sa trunk o compartment o ilalim ng mga upuan? Magsuot-disente lang ang mga nasa kotse na animo ay mga diplomat, siguradong sasaluduhan pa sila ng mga nagti-checkpoint. Ang mga terorista ay hindi mukhang nanlilimahid na may balbas at disente ang kanilang kasuutan, mga magaganda at pogi, dahil alangan namang gagamit sila ng mga tauhang mukhang butangero at isang tingin lang ay hindi na pagkakatiwalaan. Kung may mga kamera ang mga pulis sa kanilang katawan siguradong hindi na magrereklamo ang mga tumitigil sa checkpoint dahil alam nilang namo-monitor sa headquarters ang kanilang mga kilos kahit pa mag-request silang buksan ang trunk o glove compartment man lang…dahil maiiwasan ang hinalang may itatanim. 

Maraming paraan ngayon ang mga may utak-kriminal upang makakuha ng impormasyon tungkol sa kanilang kapwa, lalo na kapag ang balak ay pagnakawan sila. Kahit nga naitapong ATM receipt na itinapon sa basurahan o iniiwan ng mga burarang may-ari ng bank account ay kayang gamitin upang ma-hack ang impormasyon. May mga umiikot sa mga subdivision at mga lugar na maraming bahay na nagnanakaw ng mga nakaipit na mga resibo o sulat sa gate. May mga matitiyagang gumagamit ng computer upang ma-hack ang email ng iba dahil sa pagbabakasakaling may makuhang email na naglalaman ng remittance o imporamasyon ng passport at bank account number, pati mga address sa ibang bansa na dapat ay confidential.

May katapat ang information technology, at yan ang taong may utak-kriminal!....pero hindi ko sinasabi na dahil diyan ay hindi na magpapaanod sa daloy nito ang Pilipinas. Sa ganang akin, huwag magpadalus-dalos ang Pilipinas para lang masabing high-tech na siya, ganoong malaking bahagi ng populasyon ay halos hindi makakain ng maayos sa loob ng isang araw!



Discussion

Leave a response