Ang Pagtiwala, Pag-aakala, at Pagbakasakali
Posted on Sunday, 11 September 2016
ANG PAGTIWALA, PAG-AAKALA, AT PAGBAKASAKALI
Ni Apolinario Villalobos
Ilang beses na rin akong naging biktima ng
mga akala ko ay mga kaibigan kaya nagtiwala ako ng lubos dahil naging palagay
ang loob ko sa kanila. May mga tao palang hindi nakakapagsabi ng tunay nilang
saloobin sa kanilang kaibigan nang harap-harapan, at sa halip ay binabahagi pa sa ibang tao ang
mga dapat sana ay mga ipinagkatiwala sa kanila. Sa ginagawa nila ay mistulang
pinaglalaruan nila ang tiwala ng kaibigan nila. Ang mga nabibikitima ng
ganitong ugali ay napapanganga na lang bandang huli, sabay tingala sa langit at
tanong ng, “bakit nagkaganoon?…AKALA ko ay magkaibigan kami!”. Yan ang dakilang
“AKALA” na hindi lang iilang tao ang ipinahamak!
May mga tao na ang habol lang sa mga kinakaibigan
ay mga kapanibangang makukuha sa kanila. Sila ang tinatawag sa Ingles na
“user”. Dalawang uri ang ganitong mga tao….ang isa ay yong ang gusto ay
makinabang lang kaya ang tawag sa kanila ay mga “linta”, at ang isa pang uri ay
yong mga nakikipag-ungguyan o nakikipagbolahanan sa kapwa upang makinabang
silang pareho sa isa’t isa…sila naman ang nagbuhay sa kasabihan sa Ingles na,
“scratch my back and I will scratch yours”. Ang mga taong ito ang dahilan kung
bakit talamak ang korapsyon sa gobyerno. Sila ang mga anay at bukbok ng
lipunan!
Sa isang banda, madaling magtiwala sa kapwa
dahil likas na sa tao ang pagkaroon ng kagustuhang makipag-ugnayan sa iba pang
bahagi ng lipunan, dahil sa kasabihang Ingles na, “no man is an island” Ang ganitong uri ng kaugalian na may
kinalaman sa tiwala ay kadalasang nasisira dahil sa epekto ng makabagong
pamumuhay sa lunsod kung saan ay umiiral ang walang pakialaman. Dahil diyan, sa
mga nagtatayugang residential condo buildings, ang magkakalapit-unit ay hindi
nagkikibuan dahil sa kawalan ng tiwala. Ang mga nagkakabatian lang ay mga
katulong at driver. Ganyan din ang nangyayari sa mga high-end na subdivision,
kaya nagkakagulatan na lang kung ang isang kaptibahay pala ay big-time drug
lord at meron pang laboratory sa inuupahang mansion! Okey na sana ang pagkaroon
ng privacy kahit papaano dahil kailangan ito ng iba, subalit naaabuso naman at
ginagamit sa masama.
Kung marami ang naipapahamak ng
pagtitiwala, ganoon din sa maling akala. Kaya ang dalawang nabanggit ay
maituturing na “magkapatid” na bahagi ng damdamin at paniniwala. Sa
magsing-irog na nagpakasal agad pagkalipas ng ilang linggong ligawan, akala
nila ay ganoon kadali ang pag-aasawa na ang kaakibat ay pagtitiis at matinding
pang-unawa sa isa’t isa. Ang mga may maiksing pisi ng pasensiya at nag-akalang
langit ang tutunguhin nila ay nadismaya nang madiskubreng impiyerno pala ang
kanilang pinasok kaya biglang nagpaalam sa isa’t isa…pagkatapos ng mga naganap
na suntukan, tadyakan, murahan, at sakalan.
Ang pagpili ng pinuno ng bansa ay
nakukulayan din ng “akala” batay sa nakikitang panlabas na anyo ng mga
nangangampanyang kandidato bago mag-eleksiyon. Kadalasang “llamado” ang may
mala-anghel na hilatsa ng mukha, may mayuming ngiti, namumulaklak ang labi ng
“po” at “opo”, plantsadong pananamit, nakakabilib na scholastic record, at
galing sa pagtalumpati na animo ay contestant sa isang inter-school elocution
competition. Ang mukha namang butangero ang mukha, na animo ay kargador sa
palengke ang porma, nagmumura, paulit-ulit ang pagsuot ng ilang pirasong damit,
at hindi gaanong swabe ang Ingles ay siyempre walang binatbat sa tingin ng mga
sosyal. Subalit dahil sa kung ilang beses nang nagkamali ang mga tao sa pagpili
ng may nakakabilib na panlabas na kaanyuan, wala silang magawa kundi
MAGBAKASAKALI… bunsod na rin ng desperasyon.
Si presidente Duterte ay maituturing na
bunga ng pagbabasakali ng mga Pilipino dahil sa mga kapalkapakang nangyari nang
malamang ang inakala nilang WISE CHOICE sa nakaraang mga eleksiyon ay BAD
CHOICE pala, pero huli na. Pinagkatiwalaan ng mga Pilipino si Duterte dahil sa
pag-aakalang siya ang kasagutan sa mga problema ng bansa. Binatay ang
pagbabakasakaling magagawa din nito sa buong Pilipinas, ang ginawa niya sa
Davao. Tinumbasan din ni Duterte ng katapangan ang pagharap sa problema sa
droga, bilang sampol, kaya tila naka-jackpot ang mga Pilipino sa kanya!
Siguro kung taong walang yagbols ang nanalo
bilang presidente ng Pilipinas, paswit lang ni Obama, baka napaihi na siya sa
pantalon o nagkanda-LBM sa nerbiyos!
Discussion