0

Ang Trapik sa Manila at mga Karatig-Lunsod...hindi nangangailangan ng "emergency power"

Posted on Sunday, 25 September 2016

ANG TRAPIK SA MANILA AT MGA KARATIG-LUNSOD
…HINDI NANGANGAILANGAN NG “EMERGENCY POWER”
Ni Apolinario Villalobos

Ang isyu tungkol sa trapik ay apektado ng mga bagay na may kinalaman sa KALSADA, PASILIDAD (TRAFFIC LIGHTS, TOWING TRUCKS, CCTV CAMERA, COMMUNICATIONS FACITILITES, ETC.), MOTORISTA, SASAKYAN, AT MGA TAONG NAGPAPATUPAD NG PATAKARAN. Kung isa lang sa mga iyan ang pumalpak, siguradong mala-impiyerno na ang trapik tulad ng nangyayari sa Manila at mga karatig- lunsod nito. Dapat na ituring itong parang isang relo, na kahit isang piyesa lang ang sira, hindi na ito gagana o hindi kaya ay patigil-tigil na ang mga kamay sa pag-ikot. Ang disiplina ng mga motorista ay saklaw na ng pagpapatupad ng mga patakaran, na kung maayos ay siguradong susundin kaya mawawala ang lamangan at palusutan. Apektado din ang trapik ng masamang panahon dahil bumaha lang hanggang bukung-bukong lalo pa at sinabayan ng buhos ng ulan, ay halos ayaw nang umusad ang mga sasakyan.

Ang usaping ito ay may kinalaman sa hinihinging “emergency power” ng pangulong Duterte upang mapaayos daw ang trapiko sa Metro Manila na nakakaapekta din sa trapik ng mga karatig-lunsod, at malamang ay para na rin sa iba pang panig ng bansa na may lumalalang trapik. Subalit, kahit may tapang ang presidente sa pagpapatupad at mga ideya na lalong magpapaganda ng kanyang layunin, ang tanong ay: MAAASAHAN BA ANG TALINO AT KAKAYAHAN NG MGA TAONG ITINALAGA NIYA PARA SA GANITONG PROBLEMA?

Nakakadismaya na sa loob ng kung ilang beses nang pagkaroon ng Senate sessions tungkol dito, ang pinakamahalagang bagay na hinihingi ng komite ay hindi man lang naibigay ng mga taong itinalaga ng pangulo – ang detalyadong long-range plan, na isang SOP kung may isina-submit na “project proposa”l, na sa ganitong pagkakataon ay ang pagbigay ng emergency power sa pangulo. Bandang huli ay naibigay din kung hindi sila binigyan ng ultimatum. Ang problema sa trapiko ay NAKIKITA. Ang solusyon ay hindi nakukuha sa libro kundi sa mga alituntunin na angkop sa limitasyon ng sitwasyon at kultura ng mga taong maaapektahan. Hindi pwede ang sistema ng Singapore o Germany o Amerika, etc. Iba ang ugali ng mga Pilipino na ang disiplina ay batay sa nakagisnang kultura.

Hindi nangangahulugang walang disiplina ang Pilipino. May mga kapabayaan ang gobyerno na lalong pinalala ng kultura na sa tingin ng iba ay kawalan ng disiplina sa panig ng mga Pilipino. Ang ibig kong sabihin, ay halimbawa, ayaw maglakad ng malayo ang mga commuters mula sa isang akyatan/babaan ng mga skywalk o overpass na malayo ang distansiya sa isa’t isa, sa ilalim ng tirik na araw lalo na kung biglang bumuhos ng ulan, dahil ang mga sidewalk ay wala man lang silungan o shade.

Paanong maglalakad ng ganoong kalayo ang isang commuter na nakakurbata o babaeng nakapang-damit opisina sa ganoong kalagayan? Kung gagawin nila, siguradong pagdating sa opisina ay umaalingasaw na sila at ang damit ay nakadikit na sa katawan dahil sa pawis. Kung ang iniiwasan ng otoridad ay ang pagsulputan ng mga sidewalk vendors kung magkaroon ng silungan, dapat ay 24/7 na may police visibility na sumisita AGAD kung may mag-attempt na maglagay ng paninda. SUBALIT HINDI NANGYAYARI AT KUNG MAGKAROON MAN AY SA SIMULA LANG. WALANG CONSISTENCY O HINDI TULUY-TULOY.  Isa lang yan sa mga dapat ay isaalang-alang ng mga itinalaga ng bagong pangulo.

Nakakatawa pa ang  panukala na paglagay daw ng subways. Hindi yata nila alam na umihi lang ang mga pusa sa Maynila ay nagkakaroon na ng baha (joke lang!). Gusto yata nilang gumastos ang gobyerno para sa isang uri ng malaking drainage sa panahon ng tag-baha. Paanong aasahan ang maayos na maintenance ng subways, ganoong ang nandoon na nga lang sa harap ng Manila City Hall at ang nasa bandang Quiapo ay nagmimistulang lawa kung panahon ng tag-baha? Isa pa, mahina ang maintenance ng mga pasilidad na pampubliko sa Pilipinas, kaya mapapadagdag lang ang subways sa mga mapapabayaan ng ahensiyang itinalaga. Maraming pruweba kung bakit nawalan ng tiwala ang mga Pilipino pagdating sa ganitong bagay, at kasama na diyan ang kapalpakan ng MRT at mga road projects, pati ang mga government buildings na umaalingasaw ang mga comfort room at sirang elevator, lalo na ang airport terminals.

Ang lumang-lumang drainage system ng buong Metro Manila ay hindi na maaasahan dahil SINAKAL na ng mga infrastructures na nagsulputan tulad ng mga condo/commercial buildings, at lalong nasakal ang mga LABASAN na hindi kayang alalayan ng mga palyadong pumping stations. Idagdag pa diyan ang mga reclamations na ginawa tulad ng kinaroroonan ng ASEANA CITY sa Paranaque, hanggang sa MOA at Cultural Center areas sa Pasay. Ang mga gilid ng Pasig River sa Maynila ay halos puno na rin ng mga naglalakihang condo/commercial buildings.

Ano ang gagawin ng NASASAKAL na daluyan ng tubig mula sa mga siyudad na ORIGINALLY (panahon pa ng mga Amerikano) ay para sa iilang libong kabahayan at commercial establishments lamang, subalit ngayon ay ginagamit ng mga milyon-milyong tao?...resulta: PAG-APAW SA KALSADA NG TUBIG GALING SA KUBETA NG MGA APARTMENT, CONDO, RESTAURANT NA HUMAHALO SA BUMUBUHOS NA ULAN….RESULTA PA:  ANG PAGBAHA NG MGA KALSADA NA DAHILAN NG PAGTATRAPIK! LAKIHAN MAN ANG MGA CULVERTS O MGA TUBONG DALUYAN NG MGA DRAINAGE, WALA PA RING MANGYAYARI DAHIL BUKOD SA “HUMABA” NA ANG DALUYAN DAHIL SA MGA RECLAMATIONS, PAGDATING SA DULO, ANG SEWAGE O MADUMING TUBIG AY SAKAL NA KAYA HIRAP NANG LUMABAS SA DAGAT!

Noon, ang mga pulis-trapiko ay hindi takot mabasa sa ulan. Ngayon ang nagtatrapik ay mga “enforcers” ng Metro Manila Development Authority, subalit marami ang nakakapuna na kapag magsimula nang pumatak ang ulan, ang ilan ay nawawala at ang naiiwang nagmamando ng trapik ay mga istambay na “barker”.

Palaging EDSA na lang ang tinitingnan ng pamahalaan pagdating sa isyu ng trapik. Para bang wala nang ibang kalsada. At, kung maglunsad naman sila ng operasyon upang “linisin” ang mga alternate streets, ay hind rin consistent….parang pagana-gana lang o di kaya ay kung marinig nilang magmura ang pangulo. Halimbawa dito ay noong unang umupo ang pangulo. Dahil sa takot na mapagdiskitahan, biglang kumilos ang LTO at LTFRB ng kung ilang araw din upang magtanggal ng mga illegally parked na mga sasakyan kuno sa mga tabi ng kalsada….napansin ko pa na 7AM pa lang ay kumilos na sila upang ma-tow ang mga sasakyan. Subalit ngayon, balik na naman sa dati ang kalagayan ng mga nagsisikipang kalsada na ang iba ay mayroon pang mga repair shop at basketball court! In fairness naman sa Divisoria area, ang kahabaan ng Recto mula sa Sta. Cruz hanggang Divisoria ay hindi nawawalan ng mga pulis kaya nawala ang mga vendors na sumakop na ng kalsada.

Ang nakakaligtaan ng gobyerno ay ang aspeto sa pagkontrol ng pagdami ng mga bagong sasakyan. Ito ang dapat na pagtuunan ng pansin dahil sa kamurahan ng animo ay mga disposable na mga sasakyan, maski janitor sa opisina ay may kakakayahan nang bumili ng hulugan basta may 20k pesos na pang-down payment lang. Kahit pa padaanin ang mga sasakyan sa mga exclusive subdivisions kung sakali, pero hindi pa rin pipigilan ang pagdami ng mga sasakyan taun-taon ay wala ring mangyayari sa mga plano na siguradong kokopyahin sa sistema ng ibang bansa. (Sa Singapore, bawal ang mga kending may pagka-bubble gum at may minimum na pasahero ang mga pribadong papasok sa lunsod…. kaya ba yang ipatupad sa Maynila?)

HINDI KAILANGAN ANG EMERGENCY POWER PARA MASOLUSYUNAN ANG PROBLEMA SA TRAPIKO sa aking pananaw. ANG KAILANGAN AY “CONSISTENCY” SA PAGPAPATUPAD NG MGA BATAS,  MGA “MATATALINONG” PANUKALA at “MATATALINO” ring mga tao na gagawa ng mga ito, na ang TALINO ay hindi halaw sa mga libro kundi sa nakikita nilang AKTWAL na sitwasyon ng mga kalsada at ugali ng mga gumagamit!


Kung may “emergency power” siguradong hindi na mag-iisip ng ibang paraan ang mga taong itinalaga ng pangulo, kundi umasa na lang sa pinakamadaling nakasaad sa hinihinging kapangyarihang yan…na sana ay hindi ibigay ng senado. Ang kawawa dito ay ang pangulo dahil siya ang ituturo ng mga nasa ibaba niyang hindi niya nababantayan 24/7, kahit palpak ang kanilang ginagawa dahil ang sinasabi niya palagi ay aasa lamang siya sa resulta ng mga pagpapatupad. Tanggalin man niya ang mga pumalpak na nagpatupad, sira na ang kanyang programa at imahe!

Discussion

Leave a response