0

Ang mga Checkpoint, mga Paputok, at mga Kulungan

Posted on Sunday, 11 September 2016

ANG MGA CHECKPOINT, MGA PAPUTOK
AT MGA KULUNGAN
Ni Apolinario Villalobos

Walang silbi ang checkpoint kung hanggang tingin lang ang gawin ng mga pulis at sundalo sa mga kotse, at ni hindi man lang ma-check ang luggage compartment. Kung ganyan din lang ang mangyayari dahil pati ang underside mirror ay hindi rin nagagamit sa pag-check, ano pa ang silbi nito? Alangan namang ipapatong sa upuan at dashboard ang baril o bomba. At dahil hindi gagamit ng sniffing dogs, lalong nawalan ng silbi ang hakbang na ito upang malabanan ang terorismo.  Ang isang terorista ay gagawa ng lahat ng paraan upang maitago at maipuslit ang mga gamit sa paghasik ng pinsala.

Samantala, habang maaga pa lang ay dapat nang pag-isipan ng presidente kung ipapatupad sa buong Pilipinas ang “firecracker ban” sa darating na pasko. Ang isyung ito ang isa sa mga inaabangan ng mga detractors niya kung may lakas siya ng loob na ipatupad itong pagbabawal na nagtagumpay sa Davao. Dapat alalahaning walang silbi ang mga pagbusal ng mga baril tuwing sumapit ang pasko dahil kahit may mga violators na mga pulis, hindi naman sila napapatawan ng mga karampatang parusa. Yong mga nakapatay pa dahil sa mga ligaw na bala mula sa baril nila, hanggang ngayon ay nandiyan pa rin on duty, at siguradong magpapaputok uli sa darating na pasko…nakakalusot kasi, eh!

Tungkol sa paputok pa rin, ang batas tungkol sa pagtalaga ng isang bahagi ng barangay kung saan pwedeng magpaputok ay hindi rin nasusunod dahil tuloy pa rin ang walang habas na pagpapaputok kahit saan, hindi lang ng mga rebentador kudi pati mga nakakamatay na ibang uri, lalo na mga baril. Kung magmatigas ang gobyerno na hulihin ang mga violators, kasya ba sila sa mga nag-uumapaw nang mga mga kulungan? Ang leksiyon tungkol sa bagay na ito ay ang operation “Tokhang” na dahil sa kakulangan ng mga kulungan para sa mga “sumuko”, ay pinapirma na lang sila ng “undertaking” na hindi na uulit. Kaya, habang maaga ay dapat mag-isip na ng mga paraan kung paanong maipapatupad ang “firecracker ban” para sa darating na pasko. PUMUPUSTA AKO NA SIGURADONG MAY LALABAS NA NAPAKALAKAS NA PAPUTOK NA IPAPANGALAN KAY PRESIDENTE DUTERTE, PNP CHIEF DE LA ROSA, AT TOKHANG!




Discussion

Leave a response