Ang Inter-modal Terminal
Posted on Friday, 2 September 2016
ANG INTER-MODAL TERMINAL
Ni Apolinario Villalobos
Sa pagkakaunawa ko kapag sinabing “mode of
transportation” ang ibig sabihin ay “uri ng sasakyan” ….maaaring jeep, bus,
trak, tren, traysikad, tricycle, kotse, taksi, o aircon public van. Kaya kapag
sinabing “inter-modal”, ito ay may kinalaman sa iba’t ibang uri ng sasakyan na
nagpapasahan at nagsasaluhan ng mga pasahero.
At, ang “inter-modal” terminal kung para sa kapakanan ng mga pasahero,
dapat ito ay kinapapalooban ng mga paradahan ng mga sasakyan na pagpipilian ng
mga pasahero upang sakyan patungo sa kanilang destinasyon pagbaba sa bus o ano
pa mang uri ng sasakyan galing sa probinsiya.
Halimbawa, kung ako ay galing sa Cavite,
pagdating ko sa inter-modal terminal, dapat ay mayroon akong malilipatang sasakyan
papunta sa Ayala, Cubao Baclaran, o Quiapo. Ibig sabihin ay hindi ko na
kailangang maglakad ng ilang daang metro upang makarating sa hagdanan ng overpass o skywalk para tumawid sa kabilang
panig ng kalsada, maglakad uli ng ilang daang metro upang makarating sa jeepney
stop o bus stop para sumakay na naman papunta sa Ayala, Cubao, Baclaran, o
Quiapo. Kung ayaw kong gawin yon ay mapipilitan akong sumakay sa taksing
nakapila sa loob ng “inter-modal” terminal, pero para aking hirap sa pera ay
malaking epekto sa budget. Paano kung kasagsagan ng ulan?....kapag tanghali na
tirik ang araw kaya nakakapaso ang init?
Ang sitwasyong nabanggit ang dapat na
isaalang-alang ng mga taong itinalaga ng bagong presidente upang masolusyunan
ang trapiko sa Metro Manila, hindi ang paghukay ng mga kalsada upang gumawa ng
subway na magiging underground river lang tuwing panahon ng baha o di kaya ay
maglagay ng mga “hanging stations” para sa cable cars na magdudulot lang ng
kapahamakan sa mga pasahero dahil sa inaasahang mababang uri ng maintenance na
nararanasan na tulad ng sa MRT at airport terminals!
Ang dapat planuhin ng mga taong itinalaga
ni presidente Duterte ay mga infra-structure na angkop sa kalagayan ng
Pilipinas at kultura ng Pilipino….HUWAG MANGGAYA SA IBANG BANSA.
Discussion