Ang "Cause and Effect" na Pangyayari
Posted on Friday, 2 September 2016
ANG “CAUSE AND EFFECT” NA PANGYAYARI
Ni Apolinario Villalobos
Ang isang bagay na walang buhay ay hindi
matitinag sa kanyang kinalalagyan kung hindi ito pakikialaman ng isang may
lakas. Para naman sa mga may buhay at may pakiramdam, kung sila ay masasaktan
asahan na ang pag-aray, pero kung halaman ay asahan ang pagkalanta nila
hanggang sa tuluyang mamatay. Kung hayop tulad ng aso o pusang inapakan o
sinipa, asahan ang kanilang pangangagat. At, ang mga hayop na ang tahanang
gubat ay kinalbo ng mga illegal loggers, siyempre bababa sa mga baryo upang
maghanap ng makakain tulad ng kambing, manok, kalabaw, at kung minsan ay bata.
Kung ang isang tao ay nainsulto o nasaktan,
ito ay magagalit at maaaring magpakita ng sama ng loob sa pamamagitan ng
pananakit o pagsabi ng hindi magagandang salita o sa diretsahang sabi, ay
pagmumura na ayaw ng mga “moralista”. Kung sa kabila ng pananakit o pang-iinsulto
sa kanya, sumigaw pa ang isang tao ng, “Praise the Lord!”, hahalakhak o
magpapasalamat pa sa nanakit o nang-insulto sa kanya…maaaring siya ay santo na
naligaw sa Pilipinas o saan mang panig ng mundo, o di kaya ay baliw!
Walang dahilan ang isang tao upang basta na
lang magalit. Sa panahon ngayon, sino ang hindi magagalit sa paglipana ng mga
kriminal at kapabayaan ng gobyerno? Sino ang hindi magagalit sa kawalan ng
disiplina ng iba sa pagtapon ng basura kung saan nila gusto? Sino ang hindi
magagalit sa mga inutil at gahamang opisyal ng gobyerno na nagpasuhol sa mga
illegal na mga minero at loggers? Sino ang hindi magagalit sa mga mayayabang na
driver na nag-aakalang pagmamay-ari nila ang kalsada? Sino ang hindi magagalit
sa mga rapist na pumapatay pa dahil lulong pala sila sa droga? Sino ang hindi
magagalit sa mga taong ibinoto ng mamamayan sa paniniwalang sila ang magiging
tagapagtanggol nila subalit kabaligtaran ang nangyayari dahil mas gusto pa
nilang pahabain ang buhay ng mga kriminal na sumira sa kinabukasan ng maraming
mamamayan, at higit sa lahat ay kumitil pa sa buhay ng mga ito?
Discussion