0

Ang Disiplina

Posted on Friday, 2 September 2016

ANG DISIPLINA
Ni Apolinario Villalobos


Kung walang disiplina sa isang tahanan, hihina ang pundasyon ng moralidad ng mga batang lumalaki, kaya nawawalan sila ng respeto sa isa’t isa at mismong sa mga magulang. Ang kawalan din nito ang dahilan sa  pagkabigo ng mga magulang upang magpatupad ng mga patakaran na dapat sana ay gagabay sa mga anak na lumalaki. Kung nagkulang sa bagay na ito ang mga magulang, ang mga anak nila ay nawawalan din ng respeto sa oras, pera at pilit na tumatanggi sa pagkilala ng mga bagay na kailangan nila upang lumaki silang normal. Sa mga tahanang walang disiplina, hinahayaan ang mga anak kung ano ang gusto nila… kaya dahil gusto ng mga ito, halimbawa, ang hotdog, hamburger at chicherya, todo-bigay naman ang mga magulang dahil mahal nila ang kanilang mga anak na ang kagustuhan ay ayaw nilang suwayin. Kung magkasakit na ang mga anak o di kaya ay lumaking sakitin, nakakatawa ang ibang magulang, dahil sa kanilang pagtataka, at  ang pagbubuntunan ng sisi ay maruming tubig at hangin daw!

Kahit gaano kaunlad ang isang bansa kung karamihan sa mga mamamayan nito ay walang disiplina, ang kaunlaran ay nawawalan ng kabuluhan. Ang kawalan din ng disiplina ang nagiging hadlang sa pag-unlad ng ibang bansa. Sa ilalim ng demokrasya, kawalan ng disiplina ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng lamangan at kasakiman ang mga mamamayan. Nakatanim sa kanilang isipan na ang pagpapatupad ng disiplina ay pagsupil sa kanilang kalayaan kaya sila ay nagdadaos ng rally upang ipakita ang kanilang pagtutol sa mga batas na may kinalaman dito. Hindi rin nakakatulong ang hudikatura na tinuturing na otoridad sa pagpapaliwanag ng mga batas dahil sa walang pakundangan nilang pag-isyu ng mga Temporary Restraining Order (TRO) dahil naaayon naman daw sa Saligang Batas at demokrasya….subalit nagsisilbi namang butas na nasisilip ng mga tiwali kaya nilla  naaabuso.

Ang bansang Singapore ay nagtagumpay sa pagkaroon ng talagang tunay na kaunlaran dahil sa pinairal na disiplina. Sa simula ay umalma ang mga mamamayan subalit kalaunan ay naunawaan din nila ang magandang layunin, lalo pa at gumamit ng animo ay kamay na bakal ang namumuno sa kanila. Kinaiinggitan ng mga mamamayan ng ibang bansa ang kaunlaran ng Singapore….basta nainggit lang. Hindi  inisip o ayaw tanggapin ng mga naiinggit na ang kaakibat sa pag-unlad  ng Singapore ay disiplina na tinututulan naman ng mga naiinggit na ito na maipatupad sa kanilang bansa tulad ng Pilipinas dahil pagsupil daw ito sa kanilang kalayaan!

Sa loob ng isang jeepney, excited na nagkukuwento ang isang babae tungkol sa kanyang pag-tour sa Singapore. Tumatalsik pa ang ibang palaman ng sandwich mula sa kanyang bibig habang nagkukuwento dahil sinasabayan niya ng pagkain. Ang LINIS DAW NG MGA KALSADA SA SINGAPORE, yon nga lang ay mahal ang mga hotel. Nang maubos niya ang sandwich at laman ng bote ng mineral water , itinapon niya ang  balot ng sandwich at basyong plastic sa labas ng jeep habang tumatakbo ito sa kahabaan ng Taft Avenue! Nang sitahin siya ng kanyang kaibigan, ang sagot niya, “…di bale, may naglilinis naman sa kalsada”! Ngayon, sino ang hindi makakapagmura dahil sa ugaling yan?


Discussion

Leave a response