Ang "Blogger", "Basher", at "Nakawan" sa Internet
Posted on Friday, 28 October 2016
ANG “BLOGGER”, “BASHER”
AT “NAKAWAN” SA INTERNET
Ni Apolinario Villalobos
Ang “blog” ay maaaring ituring na “noun” o
“verb”. Kaugnay niyan, kapag “noun” ay pwedeng sabihing “the blog”, kapag
“verb” ay masasabing, “to blog”. Subali’t kung tutuusin ay tungkol lang ito sa
“pagsusulat” o “pagpo-post” ng buong sanaysay o komento man lang o di kaya ay
ng larawan sa sariling facebook o sa facebook ng iba pero may pahintulot nila,
at iba pang sites sa internet, lalo na ang mga pag-aari ng blogger.
Ang “basher” naman ay mga nagbabasa ng mga
blogs at dahil kampon yata ng demonyo, sa halip na tumulong sa pagpapalinaw sa
isinulat ng blogger, ay umiikot sa mga personal na bagay ang isinusulat bilang
komento. Ibig sabihin ng “personal” ay tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa
blogger kaya nade-derail ang mensahe ng blog. Sila yong mga kung tawagin ay
“viewers” o nagbabasa ng blogs na hindi nagpaparamdam at tumatayming ng blog na
pwede nilang sirain o bulabugin kaya nagagalit rin ang ibang mga seryosong
nagbabasa. Kalimitan ay gusto nilang palabasin na mas magaling sila sa blogger
sa paggamit ng Tagalog o English, o di kaya ay palabasing mas maganda ang
kanilang pananaw. Kung ganoon sana ang paniniwala at pananaw nila, sumulat na
lang sila ng sarili nilang blog upang mai-post sa kanilang fb.
Sa isang banda, maraming taong matatalino
sa larangan ng teknolohiya ang nakakakita ng “ginto” sa internet…mga
oportunidad na pwede nilang pagkitaan sa anumang paraan, kahit masama. Ang
isang paraan ay ang illegal na pag-hack ng mga sites, gawaing itinuturing ng
mga hacker na isang prestihiyosong kaalaman. May mga hantaran pang umaamin na
sila ay hacker dahil maraming tao at kumpanya ang umuupa sa kanila upang
makapanira ng kalaban o kakumpetensiya sa negosyo. Yong ibang hacker naman ay
pumapasok sa sites ng iba bilang katuwaan lang o para patunayan na sila ay
magaling. Sa ganitong gawain ay may mga sinuswerte rin, tulad ng Pilipinong
nag-hack ng IT system ng Pentagon. Sa simula ay kinastigo siya, pero kalaunan
ay kinuha na lang ng Pentagon upang mapakinabangan ang kanyang katalinuhan.
Ang iba namang “magagaling” ay gustong
kumita sa pamamagitan ng panloloko. Ang mga paraan ay, ang paggamit ng email
kung saan ay magpapadala sila ng mga nakakaiyak na kuwento ng kanilang buhay
upang makapag-solicit ng tulong; pakikipagkaibigan upang mapagamit sila ng bank
account ng kinakaibigan na paglalagakan kuno ng perang minana nila; pagpapadala
ng email message tungkol sa isang pasyente sa ospital na kailangang operahan
kaya nakikiusap sa pinadalhan na ikalat ang message dahil kapag ginawa ito,
bawat isang message na ipinadala sa isang kaibigan ay may katumbas na pisong
didiretso sa isang account, kaya kung mag-viral ang message dahil sa dugtung-dugtong
na koneksiyon ng mga may-ari ng emails, siguradong hindi lang 1 milyong piso
ang malilikom; pagbebenta sa internet ng mga kalakal lalo na gadgets, subalit
kapag nakapaglagak na ng bayad sa ibinigay na bank account ang niloko ay parang
bulang mawawala ang on-line seller.
Ano pa nga ba’t ang magandang layunin sana
ng teknolohiya ay sinira ng mga taong may mala-demonyong pag-iisip. Dahil sa
mga nangyayari ngayon, nagkaroon ng agam-agam o takot ang mga internet users sa
pagpadala ng mga mahahalagang impormasyon sa kanilang mga mahal sa buhay tulad
ng numero ng passport, mga kopya ng dokumento, bank account number, numero ng
telepono, at pati address ng bahay o negosyo. Yong isa ngang mayabang, nag-post
lang ng kopya ng kanyang First Class plane ticket at boarding pass sa facebook
ay nakuhanan na ng mga personal na detalye tulad ng contact number at address
ng bahay na nakapaloob pala sa “bar code” ng boarding pass gamit ang isang skimming
device na gawa sa China! Kaya habang nagliliwaliw ang mayabang at ang pamilya
niya, inakyat-bahay sila! Nangyayari ito kapag ang pasahero ay miyembro ng
promo program na nangangailangan ng mga personal niyang impormasyon, kaya ang
pangalan niya ay naka-connect sa information archive ng information system ng
airline.
Ang epekto ng teknolohiya sa tao ay hindi
nalalayo sa epekto ng mga inimbentong bagay na magdudulot sana ng kaginhawaan
sa buhay ng tao. Ang gamot halimbawa, ay inimbento upang makapagpahaba ng
buhay, subalit inabuso, kaya may namamatay dahil sa overdose o maling paggamit.
Ang baril ay inimbento sana upang maging proteksiyon subalit ginamit sa
katarantaduhan. Ang dinamita na gagamitin lang sana sa pagpasabog lang ng
malalaking tipak ng bato upang hind maging hadlang sa ginagawang kalsada sa
gilid ng bundok ay ginamit sa maling pangingisda at terorismo. Ganon din ang
ginawa sa marami pang inimbentong ginamit na pagpuksa ng kapwa-tao at kalikasan.
At, lahat ng iyan ay nangyayari dahil sa pagkagahaman ng tao na umiiral sa mundo!
Discussion