0

Paano kaya Kung ang Pilipinas ay Pamunuan ng mga Obispo at Human Rights Groups?

Posted on Thursday, 13 October 2016

PAANO KAYA KUNG ANG PILIPINAS
AY PAMUNUAN NG MGA OBISPO AT HUMAN RIGHTS GROUPS?
Ni Apolinario Villalobos

Ang mga naunang tumira sa mga isla ng Pilipinas ay galing sa iba’t ibang rehiyon ng Asya noong unang panahon kaya hanggang ngayon ay maraming mga dialect ang ginagamit ng mga Pilipino. Ang mga ninunong dating sumasamba sa kalikasan ay na-convert ng mga Muslim Imam na galing sa Arabya at prayleng Katolikong galing sa Espanya, kaya “nagkaroon kuno” sila ng Diyos. Pinalitan ang mga Kastila ng mga Amerikano, kaya nagkaroon ng mga Protestante at maliban sa dala nilang relihiyon ay ipinilit nila ang paggamit ng sistema nila sa pagpatakbo ng pamahalaan- ang “American Democracy”. Ang mga Pilipinong lider ay nagmadali na magkaroon ng kasarinlan na una nilang pinaglaban noong panahon pa ng Kastila, at bagama’t pinagbigyan naman ng mga Amerikano ay may pasubali, dahil marami pang mga hindi natutuhan kuno ang mga lider na ito kaya baka magkaroon ng mga problema pagdating ng panahon….na nangyayari na nga.

Sa pagkaroon ng kasarinlan, na-overwhelm ang mga Pilipinong lider kaya hindi gaanong nakontrol ang pagpatakbo ng gobyerno. Nagsimula ang korapsyon na may iba’t ibang mukha…naipon at namana naman ng kasalukuyang administrasyon na ang namumunong si Duterte ay nagsasabing hindi gaanong nabigyan ng bahagi ang mga Muslim ng Mindanao sa pagpapatakbo ng gobyerno kaya nag-aalburuto sila. Dahil diyan, kailangan na daw baguhin ang sistema ng gobyerno, na dapat ay gawin nang “pederalismo” na angkop sa uri ng kultura ng mga Pilipino at sitwasyon ng kabuuan ng bansa na watak-watak dahil binubuo ng mga isla. May mga nag-aalala na baka wala pa ring pagbabagong mangyayari dahil “ililipat” lang ang mga korap na mga opisyal mula sa kongreso at senado na parehong nasa Maynila sa kani-kanilang lalawigan o lunsod dahil sa napakalalim nang pagkakaugat ng “political dynasty”.

Dahil mahahati na ang bansa sa mga maliliit na rehiyon (region/states) kung ang sistema ng pamahalaan ay pederalismo na…paano kaya kung ang mga ito  ay magkaroon na lang ng Konseho (Council) na ang mga miyembro ay mga Obispo at mga grupo ng mga human rights advocates? Ang mga Obispo ay matatakot sa paggawa ng masama dahil makikita kuno sila ng Diyos nila. Ang mga human rights groups naman ay maninigurong walang kriminal na mapapatay.  Ang mahuhuli ay “aalagaan” sa loob ng mga kulungan habang dinidinig ang kanilang kaso. At dahil ang adbokasiya ng mga grupong ito ay “karapatang pangtao”, ang ipapakain sa mga kriminal na nakakulong ay mga “pangtaong” pagkain, yong tipong maski nakakain sa karinderya man lang, hindi tulad ng mga “pagpag” na pinupulot ng mga scavengers sa basura bilang pantawid gutom. Ang “pagpag” ay mga tirang pagkain mula sa fastfood chains at mga restaurant– mga tirang kanin, mga buto ng fried chicken na may nakadikit pang kapiranggot na karne, tinapay na hindi pa inaamag, etc.


Subukan na lang siguro ang nabanggit na sistema dahil gustong ipahiwatig ng mga Obispo at human rights advocates na mas marami silang alam kaysa mga ibinoto ng mga mamamayan, tulad ni Duterte. Wild dream pa lang ito dahil hindi pa sigurado kung matutuloy dahil tila “madugo” ang usapin….na ang katunayan ay ang muntik nang pagbalugbugan ng dalawang kongresista na galing sa probinsiyang nahati sa dalawa – ang Surigao.

Discussion

Leave a response