Ang Mga Pagkakaiba-iba ng Kaisipan ng mga Tao ay Hindi Dapat Gawing Batayan ng Pagtatalo
Posted on Monday, 31 October 2016
Ang mga Pagkakaiba-iba ng Kaisipan ng mga
Tao
Ay Hindi Dapat Gawing Batayan ng Pagtatalo
Ni Apolinario Villalobos
Sa pagrerespetuhan ng mga ideya, hindi
dapat sabihin ng isang tao na mali ang sinasabi ng iba batay sa kanyang
iniisip, maliban na lang kung ang tinutumbok nito ay pamiminsala ng hindi dapat
pinsalain o sirain. At, kung nasa kalagayang may mga nakikinig, nagmamasid o
nagbabasa, tulad ng debate o balitaktakan sa publiko, at mga pino-post sa
facebook, dapat ay magkanya-kanya sa paglahad ng mga ideya upang mapagpilian
kung alin ang papanigan.
Ang antas ng dunong ng mga tao ay
magkakaiba, kaya nagkakaroon din ng kaibahan sa paniniwala depende sa
kinalakhang tahanan o kumunidad, at lalong higit, sa kultura ng bansa. Dahil
diyan, kung ano ang tama, halimbawa, kay Juan na lumaki sa iskwater ay maaaring
hindi katanggap-tanggap kay Richard na lumaki sa isang marangyang tahanan sa
high-end na subdivision, kaya magpatayan man sila ay talagang walang
pagkakaunawaang matatamo. Ang isa pang halimbawa ay, kung ano ang tama sa mga
taga-Africa ay maaaring mali sa mga taga-Asya kaya magkaubusan man ng lahi,
hindi rin malalaman kung sino ang tama o mali.
Ang mga halimbawa ay pagputol ng ari ng
isang lalaking nanggahasa sa isang bansa sa Gitnang Silangan, na para sa mga
Kristiyanong bansa ay mali. Sa ibang bansa sa Silangan ay napapalampas ng
pamahalaan ang paghitit ng opium, subalit napakamali naman sa nakararaming
bansa. Ganoon din ang paghitit ng marijuana na napakaluwag naman sa ibang bansa
sa Yuropa (Europe), kaya naglipana pati mga party drugs na kumalat hanggang sa
Pilipinas.
Pang-unawa sa isa’t isa, sa kabila ng mga
pagkakaiba ang kailangan upang magkaroon ng kapayapaan. At, kung ang pang-unawa
ay sasamahan pa ng pagbibigayan ay lalong matiwasay sana ang buhay sa mundo.
Discussion