Sa Pag-spoil ng Anak, Dusa ang Matatamo
Posted on Monday, 17 October 2016
SA PAG-SPOIL NG ANAK, DUSA ANG MATATAMO
Ni Apolinario Villalobos
Mali ang panuntunan ng ilang mga magulang
ng mahirap na pamilya na gustong gumawa ng lahat ng paraan upang hindi
madanasan ng anak ang hirap na dinanas nila. Dahil diyan, habang lumalaki ang
anak ay ni hindi man lang ito nakadanas na mautusang maghugas ng pinggan o magligpit
ng pinagkainan o magwalis ng sahig. May mga magulang ding ayaw magpakain sa
anak ng gulay o tuyo, kaya di bale nang mangutang basta makabili lang ng hotdog
o di kaya ay madala palagi sa Jolibee ang anak upang makakain ng hamburger at
ispageti.
Habang lumalaki ang anak, lalong tumitindi
ang pag-spoil ng mga magulang na may maling panuntunan. Kahit halos wala nang
pamalengke, may mga magulang na sa kagustuhang hindi kuno magmumukhang kawawa
ang anak kapag kasama ang mga kalaro ay ibibili ito ng mamahaling laruan kahit
nakatambak lang ang mga naipong iba. Sa pagpasok sa eskwela, dapat ay
naka-aircon van na school service sa halip na tricycle upang class ang dating
dahil mahal nila ang anak. Ayaw ding pakainin ng kaning lamig o sinangag na
tawag ng spoiled na anak ay “lumang kanin”.
Tungkol sa bagay na ito, may isa akong
kaibigan na pinagyayabang pa sa pagkuwento ang tungkol sa nagagalit na anak
kapag nakita siyang nagsasapaw ng kaning lamig sa sinaing. Kapag ganoon ang
ginawa niya, natatawa pang sinasabi ng kaibigan kong ayaw nang kumain ng anak
kung hindi ipag-oorder ng pizza-for-delivery. Minsan namang namasyal ako ng
maaga sa kumpare ko, pinakape ako at dahil maliit ang bahay, ang pinaka-sala ay
kainan na rin nila. Nakita ko ang nakahaing almusal na sinangag, tuyo at
piniritong talong. Nang tawagin na nila ang anak ay nagtanong pa ito kung may bagong
sinaing, at nang sabihang, may sinangag naman, ang sagot ng anak ay, “yuck!”.
May isa akong alam na pamilyang naghirap
dahil sa pag-spoil ng tatlo nilang anak. Naremata na ang bahay ay nakademanda
pa sila ng estapa dahil sa hindi pagbayad ng utang. Resulta ang mga nabanggit
dahil sa luho ng mga anak. Kahit ordinaryong empleyado ang tatay, bumili ng
kotse at iginapang ang buwanang bayad, upang may “service” na magamit sa
pagpasok sa eskwela ang mga anak, kahit hindi naman mahirap ang mag-commute
mula sa kanila dahil sa dami ng jeep at bus na dumadaan. Nakatapos ang panganay
pero nag-asawa agad at sa kanila pa tumira, at ang masaklap, parehong walang
trabaho! Ang pangalawa ay nakatapos pero adik naman kaya tamad maghanap ng
trabaho. Ang bunso ay nasa high school pa.
Ang misis ay may kanser sa matris kaya
matindi ang gamutan. Nawalan din ang tatay ng trabaho dahil ang
pinagtrabahuhang travel agency ay nagsara kaya nagdrive na lang ng Uber car.
Isinanla nila sa kaibigan ang bahay subalit dahil sa taas ng interes na 3% kada
buwan ay umabot sa puntong hindi na nila ito kayang tubusin kaya na-remata.
Nakiusap ang mag-asawang mangungupahan na lang upang hindi mapaalis. Pumayag
naman ang kaibigan sa halagang 6thousand kada buwan. Tumigil sa pag-aral ang
high school na anak, at nalaman nilang nahatak ng barkada upang mag-call boy
kaya pala halos hindi na ito umuuwi, hanggang sa magpaalam na itong magbo-board
daw sa Pasay sa barkada niya dahil may mapapasukan daw siya malapit doon.
Kaya ko nalaman ang kuwento ng kaibigan ko
ay sa akin niya unang inalok ang bahay nila noong isinasanla pa lang nila ito
pero tumanggi ako. Kaylan lang ay nagkita uli kami upang sabihan akong patay na
ang misis niya at humihingi ng tulong upang maiuwi sa probinsiya ang bangkay.
Hindi na ako nagtanong tungkol sa mga anak niya.
Maraming ganyang kuwento ngayon, subalit
ang masaklap ay nagmamaang-maangan ang iba na hindi daw nangyayari sa kanila
DAHIL HINDI DAW NILA INI-SPOIL ANG ANAK NILA….kaya?
Discussion