Ang Buhay sa Probinsiya at Lunsod
Posted on Monday, 3 October 2016
ANG BUHAY SA PROBINSIYA AT LUNSOD
Ni Apolinario Villalobos
Maski saang bansa ay may mga iskwater o mga
kapus-palad na nakatira sa kung saan-saang sulok ng lunsod. Hindi naiiba ang
kalagayan ng Pilipinas pagdating sa bagay na yan. Nagkaroon ng kahirapan ang
bansa nang magdatingan ang mga mananakop na Kastila at Amerikano dahil sa
nangyaring pangangamkam ng mga lupain at panloloko sa mga nagtatrabaho sa mga
lupain ng mga mangangamkam. Ang mga nahirapan ay nagsilikasan sa lunsod dahil
kung hindi man nawalan ng lupang sinasaka, ang kinita nila sa pagiging
“casique” sa mga tubuhan o “kasama” o tagasaka ng mga palayan at maisan ay
hindi sapat upang mabuhay ang kanilang pamilya.
Ngayon, sa lunsod lang ng Maynila ay
tumindi ang dami ng mga walang sariling lupa at bahay, o maski lupa lang na
kapiraso upang matirikan ng barung-barong. Kung hindi man pag-aari ng
pamahalaan ang lupang iniiskwatan nila ay pribadong lupain naman kaya kapag
sila ay pinalayas, sa bangketa ang bagsak nila. Kung hakutin man sila sa mga
relocation sites na itinalaga ng gobyerno, halos impiyerno din ang kanilang
kalagayan dahil bukod sa walang pasilidad tulad ng ligtas na kalsada patungo sa
sakayan ng bus o jeep, wala ring tubig at kuryente. Ang nangyayari tuloy, ay
binibenta ng mga na-relocate and rights sa bahay at lupa na na-award sa kanila,
lalo pa at hindi naman libre ito kaya binabayaran nila buwan-buwan.
Ang pagpili ng kalagayan sa pagitan ng
probinsiya at lunsod ay parang tinatawag sa Ingles na pagpili, “ between the devil
and the deep blue sea”….demonyo at karagatang malalim, na parehong may
nakaambang paghihirap at kamatayan. Halimbawa na lang, ay:
·
Totoong pwedeng magtanim ng
gulay sa probinsiya, subalit kung ibenta naman sa palengke ay binabarat kaya sa
maghapon na pagtitinda, ang kinita ay hindi pa rin sapat para sa
pangangailangan ng pamilya….kung makapagbenta, pero paano kung walang nabenta?
·
Masarap pakinggan na sariwa ang
gulay sa probinsiya…pero hindi naman pwedeng araw-araw na lang ay talbos ng
kamote, kangkong, upo, at iba pa ang kakainin dahil kailangan din ang isda
kahit daing o tuyo man lang, kahit ang karne ay isang beses sa loob ng isang
taon man lang. Paano ang asin, asukal, kape, bagoong, patis, toyo, mantika at
lalo na ang bigas?...paano ang pag-aaral ng mga bata?
·
Sa probinsiya pwede na maski
hindi mamasahe sa pagpasok sa eskwela o trabaho kuno. Paano ang mga nakatira sa
mga liblib na baryo o barangay, kaya kailangan pang tumawid ng ilang burol o
ilog bago makarating sa bayan?
·
Karamihan ng mga probinsiya ay
hindi na tahimik dahil napasok na rin sila ng droga na nadagdag sa problema sa
NPA at pangingidnap ng Abu Sayyaf na wala nang sinasanto. Kahit mga ka-tribung
Tausug sa Jolo, Basilan, at Tawi-tawi ay binibiktima na rin. Dahil diyan, hindi
nakapagtataka ang pagdagsa ng mga Badjao at iba pang mga kapatid na Muslim sa
mga lunsod dahil ayon sa mga nakausap ko, ginagamit daw sila ng mga kidnapper.
·
Hini nagkakalayo ang presyo ng
mga bilihin ng mga prime commodities sa pagitan ng Maynila at mga probinsiya.
Ang pagkakaiba ay sa sweldo dahil hindi hamak na mas maliit ang suweldo sa
probinsiya samantalang mahal ang mga bilihin. Samantalang sa Maynila, mataas ang minimum
wage, at napapagkasya depende sa diskarte kung mamalengke, lalo na kung
pairalin ang pagtitipid o sabihin na nating pangunguripot.
Dahil sa mga nabanggit, pagtatakhan pa ba
kung bakit maraming nagtitiyagang tumira sa mga bangketa ng Maynila, na ang mga
gamit ay nasa kariton upang kung saan man sila abutin ng gabi dahil sa
pamumulot ng mga mapapakinabangan sa mga basurahan, ay doon na rin matutulog?
Kahit papaano, sa maghapong pamumulot, may kikitain silang hindi bababa sa
isang daang piso at nadadagdagan na lang ng “pagpag” o mga napulot na itinapong
tirang pagkain sa basurahan ng mga restaurant, o mga gulay na napulot sa tambakan ng mga
palengke.
Marami akong nakausap na nakatira sa
bangketa na nagsabing kahit papaano ay naigagapang nila ang pag-aaral ng mga
anak, lalo na ang mga nasa elementarya man lang….bagay na mahirap gawin kung
sila ay nakatira sa kabundukan ng probinsiya o liblib na barangay sa tabing
dagat.
Ang mga taga-Tondong kaibigan ko at mga
anak nila ay gumigising ng madaling araw upang mamulot ng mga itinapong gulay
sa tambakan upang ibentang pa-tumpok nang sa ganoon ay may pambaon ang mga bata sa eskwela. Sa probinsiya
lalo na ang mga liblib, walang tambakan ng mga gulay na binibenta sa talipapa o
maliit na palengke, dahil karamihan sa mga ito ay halos walang laman.
Kung ang mga nakatira sa mga bangketa ng
Maynila ay hirap dahil sa kawalan ng kubeta, ganoon din naman sa probinsiya
dahil ang ginagamit ay ang malawak na paligid, yon nga lang ay may matataas na
talahib o mga puno na pwedeng kublihan. Sa Maynila naman ay “flying saucer” ang
sistema….babalutin at ihahagis sa Pasig river o sa natatanaw na basurahan.
Noon, ang mga tarantadong nakatira naman sa tabi ng riles ng tren ay
pinapabiyahe pa ang “binalot” hanggang Laguna dahil sa bubong ng tren hinahagis
ito, subalit nagawan ng paraan ng PNR…ginawang paumbok o pakurbada kaya hindi
na flat ang mga bubong, resulta: ang itatapon sa mga bubong ay ii-slide agad
pababa at hindi na madadala ng tren sa Laguna o kung saan pa mang destinasyon.
Ang bentaha ng mga taga-probinsiya ay kung
namatayan sila dahil maluwag ang sementeryo at kahit papaano ay pwedeng ilibing
agad ang mga labi ng namatay kaya walang problema ang mga walang perang
panggastos sa lamay. Sa Maynila, nagkakatarantahan kapag kapus-palad ang
namatayan dahil bukod sa mahal ang pagpapalibing ay marami pang mga hinihinging
pangangailangan ang gobyerno upang magawa ito. Ang masaklap lang ay ginagawang
negosyo ng mga tarantado at walang konsiyensiyang namatayan ang bangkay na
pinapaupahan sa mga sindikato upang gamiting dahilan ng kung ilang buwang
pagpapasugal! Yong isang kabaong na nakita kong pinasugalan ng tatlong buwan ay
nagkaroon na ng tagas (katas ng gamot at naagnas na bangkay) at amoy!
Sa panahon ngayon, ang matatakbuhan na lang
ng isang taong may natitira pang pananampalataya sa Diyos ay Siya na lang….at
wala nang iba.
Discussion