0

Ang Pilipinas at mga Pilipino...isang pagtanaw sa nakaraan

Posted on Sunday, 9 October 2016

ANG PILIPINAS AT MGA PILIPINO
…isang pagtanaw sa nakaraan
Ni Apolinario Villalobos

Bago dumating ang mga Kastila, ang mga ninuno ng mga Pilipino ngayon, na noon ay nakatira sa mga kalat-kalat na mga isla ay may narating na kung ang pag-uusapan ay tungkol sa sibilisasyon. Sila ay nakikipagkalakalan na sa iba’t ibang lahi na dumadayo pa galing Japan, Tsina, Malaysia, Indonesia, Arabia, at India. May kaalaman na rin sila sa pagmimina dahil kabilang sa ginagamit nila sa pakikipagkalakalan ay ginto at iba’t ibang uri ng mga kagamitan na yari sa tanso.

Ang mga komunidad ay organisado na sa pamumuno ng “lakan” o “datu”. Nang dumating si Magellan, ang Cebu ay maituturing na isang pederasyon ng mga datu at ang kinilala nilang pinuno ay si Raha Humabon. Ang pumatay kay Magellan ay si Lapu-lapu na isa sa mga “mababang datu” o “lesser chieftain” na ang pinamumunuang komunidad ay nasa Mactan. Ang mga nasa Maynila ay pinamumunuan naman ng mga “lakan”, na ang madalas mabanggit ay si Lakan Dula.

Ang mga nasa norte o hilaga ay mga tribung pinamunuan ng mga “pinakamatapang” at “pinakamalakas” na ama ng tahanan. Ang mga miyembro ng tribu ay magkakamag-anak, kaya ang pinaka-pinuno ay itinuring na “ama” na rin ng lahat. May sinasamba na rin silang sariling Diyos nang panahong yon, na kung tawagin nila ay “anito”, subalit hindi matanggap ng mga Kastila, kaya ang turing sa kanila ay mga pagano. Para kasi sa mga Kastila, ang hindi “binyagan” sa loob ng simbahan ay pagano, pero nakaligtaan nilang karamihan ng seremonyas sa simbahang Katoliko at mga piyesta ay halaw sa mga tradisyong pagano!

Patunay ang hagdan-hagdang palayan o “rice terraces” sa hilaga, ng katalinuhan ng mga sinaunang Pilipino, na ngayon ay itinuturing na isa sa mga nakakamangha sa buong mundo. Sinasabi pa na kung pag-uugpungin ang mga hinagdang palayan, mapapalibutan nito ang buong daigdig. Sa Mindanao naman, bago dumating ang mga Kastila, ang mga sinaunang Pilipino doon ay nakakagawa na ng mga bagay na yari sa ginto, bakal,pilak,  at tanso, na ang isa sa mga pinagmamalaki ay ang “lantaka” o kanyon. Bukod pa diyan ay ang “kris” at mga instrumentiong pantugtog, tulad ng “agong” at “kulintang”.  Patunay ang mga nabanggit na nakakapagmina sila tulad ng mga taga-Visayas, na ginamit nila sa pakikipagkalakalan at pang-araw-araw na pangangailangan. Ang pangalang “Visayas” naman ay halaw sa “Shri-Vishaya Empire”.

Hindi pwedeng sabihin na dahil sa Kristiyanismo ay dapat may tinatanaw tayong utang na loob sa mga Kastila. Dapat unawain na ginamit ng mga Kastila ang pananampalataya o relihiyon upang masakop ang mga Pilipino na bandang huli ay kanilang nilamangan o in-exploit o sa madaling salita - niloko. Nagkaroon na ng pananampalataya sa Diyos ang karamihan ng mga Pilipino, lalo na sa Mindanao bago dumating ang mga Kastila dahil sa mga misyonaryong Muslim galing sa Arabia at mga kalapit-bansa. 

Ang unang misyonaryong Muslim na nakarating sa Pilipinas ay si Mudum (Makdum) na dumaan muna sa Malaysia bago pumunta sa Jolo. Sinundan siya ni Raja Baginda na galing naman sa Sumatra, sumunod ay sina Abu Bakr (Abubakar) at Serif (Shariff) Kabungsuan. Mula sa Mindanao ay kumalat ang pananampalatayang Islam sa Visayas at Luzon kaya nang dumating si Legazpi ay nadatnan na niya ang ganitong relihiyon sa Maynila. Ang mga misyonaryong Muslim ay walang ginawang pananakop, bagkus ay hanggang sa pananampalataya lamang ng Diyos ang kanilang sinaklaw. Sa isang banda naman, upang makapaghikayat ang mga prayleng Kastila ng mga Pilipino ay nagdaos sila ng mga mala-paganong piyesta na kinulayan ng Kristiyanismo, upang ipakita na “masaya at makulay” ang relihiyong ito.

Kung hindi sinakop ng Espanya ang Pilipinas, malamang ay isa itong Muslim na bansa tulad ng Malaysia at Indonesia kung saan unang nagka-ugat ang pananampalatayang Islam. Wala namang masama kung ganito ang nangyari dahil parehong Diyos pa rin naman ang pinaniniwalaan yon nga lang ay iba ang katawagan dahil sa Islam ang tawag sa kanya ay “Allah”. Maski papaano ay aasenso pa rin ang mga Pilipino at malamang ang kultura ay talagang dalisay o puro, waling bahid ng kanluraning impluwensiya galing sa Espanya at Amerika. 

Sa isang banda, kung hindi sa panloloko ng mga Bristish na sumakop sa Malaysia, hindi sana nagulo ang kontratang nagpapatunay na inupahan lamang nina Gustavus Baron de Overbeck at Alfred Dent ang Borneo mula sa Sultan ng Jolo na si Mohammed Jamalul Alam, batay sa pinirmahan nilang kasunduan noong January 28, 1878. Nang bitiwan ng Inglatera ang Malaysia, tila sinadyang hindi nag-iwan ng “bilin” na hindi kasama sa teritoryo nila ang Borneo, dahil pag-aari ito ng Sultan ng Jolo at inupahan lamang ng dalawang negosyanteng British na sina Overbeck at Dent. Patunay din dito ang taunang “upa” na hanggang ngayon ay tinatanggap ng mga naiwang tagapagmana ni Sultan Alam.

Nang binitiwan ng Espanya ang Pilipinas sa kamay ng Amerika, magkahalintulad na panloloko rin ang ginawa ng bagong mananakop sa mga Pilipino. Ang sinasabing “tulong” upang mahubog kuno ang katinuan ng mga Pilipino sa sinasabi nilang “demokrasya” ay may kaakibat palang makasariling layunin. Dahil diyan, lalo pang nagdusa ang Pilipinas dahil animo ay ginahasa nang walang puknat ang likas-yaman (natural resources) nito. Idagdag pa diyan ang pagturing sa mga Pilipino na “unggoy” dahil hindi raw sibilisado tulad ng mga Amerikano. Ang tawag na “unggoy” ay nakatala sa maraming aklat tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas. Pinakita ng mga Amerikano ang kanilang mala-barbaro na ugali noong panahong pilit nilang sinupil ang mga rebelyon. Noon nadanasan ng mga nag-aklas ang iba’t ibang uri ng makahayop na parusa, pati ang pag-masaker (massacre) o paglipol sa mga rebelde at inosenteng sibilyan nang walang habas, na ang hindi makakalimutan ay ang nangyari sa Samar at Jolo.

Sa panahon ngayon, di tulad ng Espanya na talagang nagrerespeto na sa Pilipinas bilang isang malayang bansa, ang Amerika ay tila hindi ito matanggap dahil ang turing nito sa Pilipinas hanggang ngayon ay parang isa pa ring “kolonya” o “colony”. Ang masakit pa, bumitaw man sila noon, humirit pa rin sa huling pagkakataon dahil ang unang Saligang Batas ng Pilipinas ay presidente ng Amerika na si Roosevelt ang nag-apruba noong March 23, 1935. Pinahapdi pa ang sakit sa pagsingit ng “parity rights” na nagsasaad ng pantay na karapatan ng mga Amerikano at Pilipino sa paggamit ng lahat na likas- yaman ng bansa, at mga bagay na may kinalaman sa pangangalakal ng Pilipinas!

Ngayon, ang Pilipinas sa pamumuno ni Rodrigo Duterte ay pilit nagbabago upang matanggal ang makapal na pagkakulapul ng korapsyon mula pa noong bago pa lang ito nagkaroon ng kalayaan mula sa Amerika, na pinasahol ng iba’t ibang krimen lalo na ang mga may kinalaman sa droga. Ang patunay na iniismol pa rin ng Amerika ang Pilipinas ay ang tahasan at walang pasubaling pagkastigo ni Obama kay Duterte na akala niya ay “empleyado niya sa opisina”. Sino ang hindi makakapagmura sa pambabastos na yan? Pwede naman niyang ipadaan sa embahada ng Amerika kung mayroon man siyang mga pagpuna, subalit hindi niya ginawa, dahil nga malinaw na wala siyang respeto sa Pilipinas, at gusto niyang ipakita sa mundo na “kayang-kaya” pa rin ito ng Amerika!

Ang isa palang “disadvantage” kung sakaling hindi nagkaroon ng “western influence” ang Pilipinas ay baka walang international beauty queen na Pilipina, dahil kung mapapansin, ang mga nananalong “Pilipina” sa international beauty pageants ay may pangalang banyaga at ang “karakas” o mukha ay halatang banyaga rin!


Discussion

Leave a response