Ang Mundo, Tao, at Diyos
Posted on Monday, 10 October 2016
ANG MUNDO, TAO, AT DIYOS
Ni Apolinario Villalobos
Babala:
Ang blog na ito ay para lamang sa mga naniniwalang may Diyos…
Ang mga bagay sa ating paligid, pati na ang
tao, at ang maayos na pamumuhay ng lahat ang patunay na may Diyos….yan ang
paniniwala ko na hindi pwedeng kontrahin ng iba. Hindi naging “aksidente” o
basta na lang nagkaroon ng mga bagay, may buhay man o wala sa kalawakang
ginagawalan ng mundo, na ginagalawan naman ng tao. Hindi aksidente ang
pagkaroon ng kabuluhan ang lahat ng bagay na umangkop sa pangangailangan ng mga
hayop, halaman, at taong nagkaroon ng mga ito.
Halimbawa sa tao: ang buhok sa ulo ay
pangharang sa init ng araw; ang kilay ay pangharang sa tutulong pawis upang
hindi dumiretso sa mata; ang ilong ay para sa paghinga at ang mga balahibo sa
loob nito ay pangharang sa dumi upang hindi pumasok habang humihinga ang tao;
ang labi ay pangtakip ng bunganga upang hindi pasukin ng langaw o lamok at iba
pang kulisap; ang ngipin ay pang-nguya ng kakainin; ang palaypay ng tenga ay
pang-ipon ng tunog upang dumiretso sa butas, kaya para itong “bulsa”; ang mga
kamay ay panghawak at panuntok, samantalang ang mga paa ay panglakad naman at
pangsipa; ang buhok sa kili-kili ay proteksyon upang hindi magkaroon ng
friction at magdikit ang balat ng braso at tagiliran sa bahaging yon, etc.
Ang iba’t ibang lahi at uri ng mga hayop at
halaman ay may kanya-kanyang magkakaparehong katangian, at hindi pwedeng
sabihing nagkataon lang ang pagkakapareho nila. Kung sasabihing “nagkataon”
lang, pwedeng may ipapanganak na Amerikano ang isang nanay na Pilipino (pwera
dito ang “albino” na naging puti lang ang balat)…o di kaya ay maaaring
magkaanak ang elepante ng tigre.
Noong panahon ni Noah, nagkaroon ng
malawakang baha na ayon sa Bibliya ay paraan upang mawala ang masasamang lahi
sa mundo. Ang hindi lang naitala sa Bibliya ay ang iba pang mga kalamidad na
tumama sa mundo upang mabawasan ang dami ng mga may buhay, at tuloy ay
magkaroon ng balanse ang dami ng may buhay at pagkaing makukuha o available
nang panahong yon. Kung nagawa ng Diyos na magpabaha, ay kaya rin niyang
gumamit ng iba pang paraan upang mamintina ang kaayusan at balanse sa mundo.
Sa palagay ko, kaya binigyan ng Diyos ng
“free will” ang tao, ay upang ito na ang gumawa ng paraan sa pagkontrol ng balanse
sa mundo, nang lingid sa kanyang kaalaman. Dahil sa “free will”, ang tao ay
nagkaroon ng ugaling pagkagahaman, kriminal, kabaitan, pagiging maka-Diyos, at
iba pa. Dinagdag sa “free will” ang dunong o karunungan dahil ito ang ginamit
ng tao upang gumawa ng mga kagamitang pamuksa sa kapwa-tao sa pamamagitan ng
digmaan, terorismo at iba pa, na ang resulta ay paghihirap at kagutuman. Ang
mga patayang nangyayari sa mundo ay nakatulong upang mabawasan ang dami ng tao,
dahil kung hindi nagkaroon ng mga digmaan at kung asahan lang ang mga
kalamidad, noon pa lang ay maaaring umapaw na ang sangkatauhan sa mundo!
Lahat ng tao at hayop, pati mga halaman ay
may mga sakit na nananalaytay sa kanilang mga ugat (tao at hayop) at hibla
(halaman). Ang dunong na ibinigay sa tao ang siyang gumagawa ng paraan kung
paanong mapigilan ang “paglabas” ng mga sakit, sa pamamagitan ng pag-imbento ng
mga gamot at ibang kaalaman tulad ng pag-opera. Subalit dahil sa kapabayaan ng
tao, hindi niya nakontrol ang sarili upang magpakasasa sa pagkain at bisyo.
Dahil diyan naglabasan ang mga sakit na ulcer, kanser, diabetes, high blood,
high cholesterol, etc. Hindi nagamit ng maayos ang “free will” kaya naghihirap
ngayon ang sangkatauhan dahil sa iba’t ibang sakit….masarap kasing humitit ng sigarilyo
at marijuana, suminghot ng cocaine at shabu, lumaklak nang walang patumangga ng
alak, lumamon ng maski pagkaing sinabi nang bawal, pagpuyat, etc.
Ang mga kalamidad tulad ng bagyo at baha ay
resulta ng pagkagahaman ng tao na sumira sa kalikasan, kaya hindi dapat isisi
sa Diyos kung bakit madalas na nagkakaroon ng mga ito. Samantala, ang pagsisisi naman ng tao ay
palaging nasa huli na….
Discussion