0

Ang Joint Military Exercises at iba pang Mukha ng Panlalamang ng Amerika sa Pilipinas

Posted on Thursday, 6 October 2016

ANG JOINT MILITARY EXERCISES AT IBA
PANG MUKHA NG PANLALAMANG NG AMERIKA SA PILIPINAS
Ni Apolinario Villalobos

Nang palitan ng Amerika ang Espanya bilang mananakop ng Pilipinas, marami ang nag-akalang bukal sa loob nito ang pagtulong sa mga Pilipino. Maliban sa Guam, ang Pilipinas ay hawak ng Amerika sa malawak na karagatang Pasipiko (Pacific). Pakiramdam ng Amerika ay “kuya” siya ng Pilipinas na sa tingin niya ay kawawa at nangangailangan ng tulong. Inabot ang Amerika sa Pilipinas ng WWII kaya naudlot ang dapat sana ay pagbigay ng kalayaan.

Kahit pa sinabing “malaya” na ang Pilipinas noong Commonwealth period, kontrolado pa rin ng Amerika ang Pilipinas. Ang Saligang Batas ng Pilipinas ay kailangang aprubahan ng presidente ng Amerika. Nakapaloob sa Saligang Batas ang “parity rights” na nagsasaad  ng karapatan ng mga Amerikano pagdating sa pamumuhunan sa negosyo at paggamit ng likas na yaman tulad ng kagubatan, minahan, karagatan. Yan ay sa kabila ng nakasaad pa rin sa Saligang Batas na 60% ang pag-aari ng mga Pilipino sa mga pamumuhunan.

Hindi tamang sabihin na maraming naitulong ang Amerika sa paggawa ng mga kalsada, tulay, mga gusali at iba pa noong kapanahunan nila. Ang mga ginawa ay naging dahilan upang magkaroon ng “pangangailangan” na bumili naman ang Pilipinas ng mga mamahaling kagamitan, trak, at iba  sa napakamahal na presyo upang magamit! Sinundan ng Amerika ang taktika sa pag-Americanize ng mga Pilipino upang maging “dependent” na nagresulta sa pagsira sa kultura, nang bumaha ang mga pelikulang Amerikano tungkol sa mga gangsterism at sex na nagpakita ng mga bisyo tulad ng paninigarilyo, paglalasing, pagpuputa o prostitution; mga pagkain na angkop lang sana sa panlasa ng mga Amerikano tulad ng hot dog at hamburger; at marami pang iba. Naging palasak ang paniniwalang kung hindi “stateside” ay hindi maganda.

Nagkaroon din ng batas noon na bawal magladlad o magwagayway ng bandila ng Pilipinas. Nang umalis ang mga Amerikano, iniwan ang mga base militar - ang Subic at Clark, kung saan ay mayabang na nakawagayway ang bandila ng Amerika. Nakakahiya, dahil sa ibang bansang mayroong base militar ang Amerika, ang nakawagayway ay bandila ng bansa kung saan nakatirik ang mga base militar nila! Mabuti na lang at naipilit ni Claro Recto ang katotohanang hindi pag-aari ng Amerika ang lupang kinatitirikan ng mga military facilities nila, kaya nagkaroon ng pagbabago sa kasunduan.

Nang magkaroon ng problema ang Pilipinas sa West Philippine Sea laban sa Tsina, walang ginawa ang Amerika dahil hindi daw saklaw ang isyung ito sa mutual defense act ng dalawang bansa. Kung hindi pa nagreklamo ang iba pang malalaking bansa tulad ng France at Great Britain, hindi pa nagpalabas ng “reklamo” ang Amerika. Ganoon pa man, malinaw na pagkukunwari lang ang pagrereklamo ng Amerika sa Tsina dahil wala rin naman itong magawa dahil sa laki ng utang nito sa mga Tsino.

Nagising sa katotohanang walang karapatan ang presidente ng Amerika sa pagsita o pagbulyaw sa presidente ng Pilipinas sa isyu ng “human rights” nang mamutawi sa mga bibig na Duterte ang maaanghang na salita laban kay Obama, lalo pa at ang “bakuran” nito ay namumutiktik ng mga kaso tungkol sa pang-aapi ng mga “puting” Amerikano sa mga “itim” na kababayan kuno nila.

Ang pag-aalala nina Robredo at Shahani na baka matigil ang tulong ng mga European countries at Amerika sa Pilipinas ay pagpapakita ng “colonial mentality”. Kung may mga tratado o treaty na nilagdaan ang Pilipinas at ibang bansa, hindi ito “one way” o para lang sa kapakinabangan ng Pilipinas dahil hindi tanga ang mga bansang ka-tratado upang magpalamang sa isang third world country tulad ng Pilipinas. Ang mga “aids” at “grants” ay mga utang na binabayaran ng Pilipinas. Ang mga tulong na binibigay nila kung may kalamidad nila ay “kusang –loob” at hindi hiningi. Nagpapadala din ang Pilipinas ng tulong kapag may kalamidad na nangyari sa kanila. Ang mga investments na nakikita ngayon sa Pilipinas ay galing sa Tsina, pati mga produktong bumabaha sa malls at palengke dahil pati toothpick at gulay ay galing sa Tsina.

Ang mga Pilipinong nakatira sa Amerika ay hindi dapat mag-alala dahil hindi naman sila palaboy sa bansang yan kundi nagkakayod-kalabaw upang kumita sa disenteng paraan, na nakakatulong pa sa pagpaunlad ng ekonomiya nito. Ang mga takot o nag-aalala ay mga sipsip at tamad na Pilipinong nagpapaka-Amerikano sa pagkain ng mga pagkain sa bansang yan na tadtad ng kemikal kaya lahat na lang sakit ay nadadanasan nila! Kung may plano silang habang -buhay na titira sa Amerika, huwang silang makialam sa Pilipinas ngayon sa pagdagdag ng paninira kay Duterte dahil nakakagulo lang sila! Kung maging turista sa Pilipinas ang mga sipsip na Pilipino ay hanggang mall lang naman sila o di kaya ay sa mga tourist spots. Pumunta kaya sila sa mga squatters’ area, tingnan ko lang kung magsasalita pa sila na animo ay dito sila nakatira at hindi sa Amerika!

Sana ay gayahin ng mga sipsip na Pinoy ang maraming Pilipino sa Amerika at iba pang bansa na may malalim na pang-unawa at bukas na kaisipan….at walang “colonial mentality”.



Discussion

Leave a response