Ang Magandang Babae sa Farmers' Mall (Cubao)
Posted on Wednesday, 12 October 2016
Ang Magandang
Babae sa Farmers’ Mall (Cubao)
Ni Apolinario Villalobos
Isang araw ng Sabado nang manggaling ako sa
Antipolo dahil sa pagbisita sa isang dating kasama sa PAL, ay sumakay ako ng
jeep na biyaheng Cubao kung saan ay sasakay pa sana ako ng MRT papuntang
Baclaran. Ang bilihan ng tiket ay nasa bahagi ng Gateway at Farmers’ Mall.
Dahil sa ugali kong palaging nagmamadali ay hindi ko sinasadyang makabangga ng
babaeng muntik nang matumba kung hindi ko nahawakan sa braso pero sumabog naman
ang laman ng dalawang eco-bag niya na puno ng mga basyong plastic na bote ng
softdrinks- kulay green at blue. Habang tinutulungan ko siyang ipunin ang
kumalat na mga bote ay noon ko napansing may kasama pala itong batang lalaki.
Subalit ang nakakuha ng pansin ko ay ang malaking pagkahawig ng babae sa bida
ng isang popular noontime show…ito yong may ka-partner na popular din at ang
tandem nila ay nagkaroon ng mahigit isang milyon na viral views. Ibig sabihin
ay artistahin ang babae…maganda.
Inasahan kong magagalit siya at mumurahin
ako kaya abut-abot ang pagsabi ko ng sori. Nang tapatin ko siyang may kamukha
siyang artista ay ngumiti siya….mabuti na lang. Nang tingnan ko uli ang bata na
tahimik na nakamasid lang sa amin ay naisipan kong imbitahin sila sa Jolibee na
nang marinig ng bata ay napangiti na rin. Pinilit kong pumayag ang babae para
na rin sa kasama niyang bata na anak pala niya.
Habang kumakain kami sa Jolibee ay
pinagtapat niyang ang mga may kulay na bote ay gugupitin daw niya sa hugis ng
maliliit na halaman upang maging pandekorasyon sa mga mesa at dashboard ng mga
jeep. Tinuruan daw siya ng kapitbahay nilang kalalabas lang sa “Munti” (short
cut ng Muntinlupa kung saan matatagpuan ang New Bilibid Prison). Ang mga halaga
ay naglalaro sa pagitan ng beynte at treynta pesos bawa’t isa. Nakita ko na ang
ganitong “street art” noon sa Avenida at Taft Avenue, at nai-blog ko pa.
Naglilibot daw silang mag-ina upang mamulot ng ganitong uri ng bote. Subalit
pati mga basyong aluminum na lata ng softdrink (popular na tawag ay “in can”)
ay pinupulot rin nila sabay pagpakita ng laman ng backpack niya at ng anak.
Tinatambayan nila ang mga fastfood centers ng malls at nagti-check din sila sa
mga basurahan upang mamulot ng mga ito.
Kailangan daw ang doble- kayod para may pambili ng mga gamit ang anak
niyang nasa Grade Three na. Lahat daw ay gagawin niya para sa anak. Sa
pagkakataong yon ay nahiya akong magtanong kung nasaan ang tatay ng bata dahil
baka isipin niyang tsismoso ako.
Nagtitinda din daw siya ng mga gamit ng mga
kaibigan at pinapatungan niya ng kaunting tubo. Lahat daw ay tinitinda niya –
mga maaayos na lumang damit, sapatos, sandals at dinagdagan ng pabirong,
“maliban sa puri”. Tinanong ko kung
nagpi-facebook siya, sagot niya, “malay ko sa facebook na yan”. Ipinakita niya
ang lumang cellphone na Nokia, yong basic model na pang-text at tawag lang, na
may flashlight. At sinabi din niya na hindi pa siya nakakapasok sa internet
cafĂ© na madalas nilang madaanan. Busy daw siya sa kanyang “business”.
Upang hindi siya ma-turn off at mag-isip ng
masama tungkol sa akin ay hindi na ako sumubok na kunan sila ng anak niya ng
retrato, kahit talagang gustong-gusto ko dahil sa ganda ng mukha niya. Lalabas
kasi akong presko dahil noon pa lang kami nagkakilala. Nang banggitin niyang sa
iskwater ng Tala (leprosarium) compound sila nakatira ay nagulat ako dahil
nakarating na ako doon, subalit hindi ako nagpahalata. Nagkunwari akong may
kamag-anak sa Malaria na madadaanan papunta sa kanila. Dahil diyan ay ibinigay
niya ang address nila dahil sinabi ko ring interesado ako sa mga binebenta
niyang second-hand cargo shorts na maraming bulsa.
Bago kami naghiwalay ay nagpalitan kami ng
cellphone number upang masigurong nasa bahay silang mag-ina kapag matuloy ang
pamamasyal ko sa kanila. Cherry ang ibinigay niyang pangalan sa akin….
Discussion