0

Ang Buhay at ang Karapatang Mabuhay

Posted on Monday, 31 October 2016

ANG BUHAY AT ANG KARAPATANG MABUHAY
Ni Apolinario Villalobos

Sa ibabaw ng mundo lahat ng nilalang ay may karapatang mabuhay, subalit hindi lahat ng kabuluhan nila ay naangkop sa pangangailangan ng iba.  May kanya-kanya din silang talino at lakas upang magamit sa pagtanggol ng sarili. Ang prolema lang ay ang mga taong sadyang gahaman o makasarili, kaya hindi nila isinasaalang-alang ang karapatan ng iba. 

Ang mga makasariling tao ay nanggaling sa mga pamilya na bahagi ng lipunan. Sa isang pamilya, hindi maiwasang magkaroon ng sutil o “black sheep”. Marami sila kapag naipon na, at ang dami ay depende rin sa laki ng lipunan na kinabibilangan ng mga pamilya. Sila ay mga problema na kung hindi masawata ay aalagwa o lalabas sa tahanan at mamiminsala na rin sa kabuuhan ng lipunan, kaya madadamay ang ibang miyembro. Ang katalinuhan ng tao ay nagdikta sa kanya upang gumawa ng mga kaparaanan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga sutil sa lipunan- isang pagbabakasakaling sila ay magbago dahil sila ay may karapatan din sa buhay. At, ito ang ginagawa ng pamahalaan.

Samantala, ang karapatan ng isang tao sa isang bagay ay may hangganan at dapat na ginagamit sa mga makabuluhang bagay na nakakatulong sa lipunan sa halip na makapanira. Kung ipipilit na gamitin ng isang tao ang karapatang yan upang makapaminsala ng buhay ng kanyang kapwa o makapanira sa lipunan, lalabas na sinaklawan niya ang karapatan ng ibang taong may karapatang mabuhay ng matiwasay. Sa madaling sabi, ang karapatan ng isang tao ay nagwawakas sa hangganan kung saan ay nagsisimula ang karapatan ng iba.

Ang simpleng nakikitaan ng kalagayan tungkol sa usaping ito ay ang taniman ng gulay, kung saan ay may tumubong mga damo. At dahil damo, itinuturing silang salot na magdudulot ng pinsala sa mga itinanim na gulay. At dahil sila ay salot….dapat silang puksain upang hindi na makapanira pa...at ang katumbas nila sa lipunan ng tao ay mga kriminal!


Discussion

Leave a response